Isa ang pagkakaroon ng financial stability sa mga pangunahing seguridad na nais ng bawat pamilya. Siyempre, pananagutan pareho nina misis at mister na matugunan ang mga pangangailangan sa loob ng pamilya, mula sa pagkaing sapat at malinis na tubig sa araw-araw hanggang sa mga bayaring kuryente, tubig, baon ng mga bata sa pag-aaral, at iba pa.
Para sa mga pamilyang sinisikap man bagama’t hindi talaga kayang magkaroon ng labis sa sapat, talagang maituturing na “skill o talent” ang tamang pagbu-budget ng sahod na naiuuwi ni mister o ni misis, o maaaring pareho para sa mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Ang tanong, batay sa karaniwang setup na si misis ang nagbu-budget ng income ng pamilya, dapat nga ba talagang siya rin ang may kontrol sa ATM card ng asawa? Paano nga ba magkakaroon ng isang malusog na samahan ang mag-asawa pagdating sa pagdedesisyon ng mahahalagang gastusin ng pamilya?
Ang economic abuse sa ilalim ng kasalukuyang VAWC Act of 2004
Isinusulong ngayon ni Rizal Representative Fidel Nograles sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang batas na Anti-Violence Against Partner and their Children, sa pamamagitan ng House Bill No. 4888, na layuning proteksyunan “din” ang mga naghahanapbuhay na mister laban sa mga misis na puwersahang kumukuha ng buong halaga ng sahod at namamahala ng ATM card ng asawa.
Ang panukala ay pag-aamyenda ng kasalukuyang batas na Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004. Ayon kay Rep. Nograles, panahon na raw para palawakin ang nasasakop na proteksyon ng batas, na hindi na lamang para sa kababaihan kundi maging sa mga naaabusong kalalakihan at LGBTQIA+ ng kanilang partners o asawa.
Kung bakit naging malaking usapin dito ang paghawak ng ATM card ng asawa, sapagkat bukod sa pang-aabusong emosyonal at pisikal, binigyang-tampok ng kongresista ang tumtaas umanong kaso ng economic abuse na nararanasan ng kalalakihan sa kamay ng kanilang mga asawa.
Ayon sa kasulukuyang batas, nagkakaroon ng economic abuse sa bahagi ng isang partner kung nagiging financially dependent ito sa kung ano lamang ang nakukuha o ibinibigay sa kaniya ng kabiyak. Sa ganitong sitwasyon, nawawalan siya ng karapatang magdesisyon kung paano tutugunan ang kaniyang sariling pangangailangan, bukod pa sa kawalang-bilang sa pagdedesisyon kung paano sana o dapat ginagastos ang income ng pamilya sa mga pangangailangan ng tahanan at ng bawat kasapi.
Nangyayari raw ito, ayon kay Rep. Nograles, sa pamamagitan ng paghawak ni misis sa ATM card ni mister, pagkuha ng buong suweldo nito tuwing araw ng sahuran, at solong pagdedesisyon kung saan-saan at alin-aling gastusin sa bahay ang dapat pagkagastusan ng suweldo ni mister.
Ayon pa sa kongresista, ito ang nakikita niyang paraan para magawang “inclusive” o pangkalakhan ang nasasaklaw ng batas at ma-mainstream ang isyu ng gender equality na maaaring simulan sa loob ng pamilya.
Pangungumpiska ng ATM card ng asawa, layong ipagbawal sa isinusulong na pag-amyenda ng VAWC Act of 2004
Batay nga sa isinasaad na pagbabagong nais mangyari ni Rep. Nograles sa kasalukuyang saklaw ng Republic Act 9262, nais niyang gawan ng hakbang ang pangangailangang maisama sa batas ang economic abuse na nararanasan din naman ng mga lalaking partner sa loob ng bawat mag-asawa.
“Sa batas po natin, kapag ‘yung babae ang hindi binibigyan ng pera ng kaniyang husband, ‘yun ‘yung economic abuse. Pero ngayon, mayroon kasing mga bagong set up sa pagitan ng husband and wife,” ayon sa pahayag ng kongresista sa media.
Tinutukoy ni Rep. Nograles ang pagkakaroon ngayon ng mga tinatawag na “houseband” o iyong mga mister na namamalagi sa bahay habang ang kanilang misis ang full-time na nagtatrabaho sa labas.
Naibatay niya ang pagkilalang ito sa mga pagbabagong ng kasalukuyang trend sa buhay ng pamilyang Pilipino sa personal na karanasan bilang abogadong nagbibigay ng legal na tulong sa mga mag-asawang may problema ang pagsasama.
Pagbabahagi niya, sa 100 mag-asawa, 12 hanggang 15 ang may kasong lalaki ang naagrabyado ng kanilang misis o kinakasama. Bagaman, hindi pa nga lang naitatampok sa kaalaman ng nakararami ang ganitong uri ng mga kaso dahil sa matingkad na kulturang machismo o macho culture ng ating lipunan.
Nilinaw ni Rep. Nograles na hindi nais pag-initan ng panukalang pag-amyenda ng batas ang kababaihan, sa halip ay maisabatas ang pagsusulong ng pagkakapantay-pantay na sasaklaw sa lahat, anuman ang kasarian.
Mahahalagang tips para sa tama at maayos na pagbu-budget ng income ng pamilya
Madalas nang hindi napag-uusapan ng mag-asawa—at pinipiling hindi pag-usapan—ang isyu ng pagbu-budget ng income ng pamilyang isa lamang ang nagtatrabaho kay mister at kay misis. Habang ganoon na lamang katalamak ang mga kaso ng mga hindi pagkakasundo ng mag-asawa dulot ng parehong isyu; budgeting.
“Equal partnership” ‘ika nga ang pag-aasawa, at dapat na sumalamin ito sa lahat ng aspeto ng kanilang pagsasama. Kakabit ito ng walang patid na komunikasyon sa isa’t isa hinggil sa maraming usapin tulad ng pamumuhay, pagiging magulang sa mga anak, pagtatalik, at siyempre pa, pera.
Kung tutuusin, hindi dapat maging isyu sa mga nagsasama ang paghawak o pagkontrol ng ATM card ng asawa lalo na kung bukas ang inyong komunikasyon at tiwala sa isa’t isa. Kung tapat si mister sa pagsasabi ng kabuoang halaga ng kaniyang sahod, at malugod itong tinatanggap ni misis at ginagawan ng paraang mapagkasya sa tuwing dumarating at lumilipas ang araw ng sahod ng asawa, walang dapat na maging problema.
Hindi rin kinakailangang i-hostage ang ATM card ng asawa o ang kabuoang halaga nito. Hayaang ibigay ng asawa ang lahat-lahat ng kaya niyang ibigay para sa pangangasiwa ni misis, at magtira ito ng para sa pang-araw-araw na gastusin sa sarili lalo’t pumapasok ito ng trabaho at mga personal na pangangailangang kailangang tugunan.
Upang magawa ito nang magkasundo at walang nagaganap na bangayan, magkasamang i-apply ng mga mag-asawa ang sumusunod na tips para sa tama at maayos na pagbu-budget ng income ng pamilya, lalo na kung isa lamang ang nagtatrabaho sa mag-asawa.
- Magtakda ng nakalaang halagang diretso sa ipon ninyong pamilya o mag-asawa. Bago pa man gamitin ang income para sa daily expenses ng pamilya, mahalagang nauna nang makuha rito ang para sa savings dahil ito ang natatanging paraan para maging consistent ang pagtatabi ng ipon ng pamilya.
- Tukuyin ang mga pangangailangan ng pamilya sa pang-araw-araw, panlingguhan, hanggang pambuwanan. Halimbawa rito ang pang-araw-araw na pagkain at tubig, baon at pangangailangan ng mga batang nag-aaral, buwanang bayarin tulad ng tubig, kuryente, internet connection kung meron, renta sa bahay kung nangungupahan, at mga okasyong hindi man inaasahan ngunit maaaring laanan na kaagad ng panggastos nang hindi nabibigla.
- Laanan ng budget ang mga personal na pangangailangan ninyong mag-asawa. Maging bukas din sa isa’t isa kung ano-ano ang mga pansariling pangangailangan ng bawat isa para maialis ang anumang maaaring pagmulan ng mga pagdududa ng isa sa isa.
- Huwag mangiming pag-usapan ang budgeting ng pamilya kung sa tingin ng isa sa inyong mag-asawa ay mayroong problema sa nagiging paggastos ninyong pamilya o mag-asawa. Maaari kayong magtakda ng tiyak na panahong dapat ninyong pag-usapan ang tungkol dito, ngunit kailangang bukas din sa mga biglaang pag-uusap lalo na kung isa sa inyo ang may nais idulog sa isa.
- Kung nagkakaroon kayo ng “sukli” o sobra sa bawat halagang nakalaan ninyo para sa buwanang gastos, pag-usapan kung ano ang pinakamainam ninyong gawin; maaaring idagdag ito automatically sa inyong savings, sa contingent fund ng pamilya, o kaya ay ilaan para sa occasional na paglabas ninyong buong mag-anak.
- Sa kabilang banda, kung makararanas naman ng kakulangan sa budget, kailangang napag-uusapan o napagkasunduan na rin ninyo kung saan automatic maaaring kuhanin ang pampuno sa mga magiging kakulangan kung sakali.
- Maging bahagi ng inyong likas na sistema ang magkasamang pagmo-monitor ng paglabas at pagpasok ng pera sa loob ng inyong pamilya.
Taliws sa nakasanayan nang kultura sa loob ng pamilya, na napag-uusapan na lamang ang pinansiyal na aspeto at budgeting kapag nag-aaway na ang mag-asawa dahil sa hindi matapos-tapos na kakulangan sa panggastos para sa patong-patong na mga pangangailangan sa tahanan, nawa’y makalikha ng samahan ang mga mag-asawa ngayon na malusog ang aspetong pinansiyal ng pamilya, at bukas ang komunikasyon pagdating sa pera.
Sources: Philippine Commission on Women, Inquirer.net, GMA News online, The Balance
Also read: Misis: Sa tingin niyo ba pinangarap naming maging nagger na asawa?