Nagkaroon ka na ba ng pakiramdam na dapat palagi mong ka-text si mister? Nangyari na ba sa’yo ang feeling na parang sobrang attached ka kay mister, at nagseselos ka kahit sa simpleng mga bagay? Dito papasok ang tinatawag na mga attachment style, at importanteng malaman mo kung ano ang style mo para maging mas mabuti ang inyong relasyon.
Attachment style, anu-ano nga ba ito?
Mayroong 3 pangunahing uri ng attachment style. At mahalagang malaman ito upang maging mas secure ka sa relationship ninyo ni mister.
Ang attachment styles na ito ay ang mga paraan kung paano mo malaman ang attachment mo sa isang tao. Dito mo makikita kung secure o insecure ka ba sa relasyon ninyo, at kung ano ang magagawa mo para mapabuti ito.
1. Secure Attachment
Ang mga taong may ganitong style ng attachment ay madalas mas secure sa kanilang mga relationships. Ibig sabihin, hindi sila mabilis magselos o kaya magduda sa kanilang asawa.
Hindi rin possessive ang ganitong mga tao dahil may kompyansa sila na hindi sila lolokohin o pagtataksilan ng kanilang asawa. Umaabot rin to kahit na sa pakikipagkaibigan.
Maganda kapag parehas kayong secure ng inyong asawa sa attachment dahil halos hindi kayo magkakaroon ng problema pagdating dito. Hindi kayo magiging seloso o selosa, at hindi kayo matatakot na maghihiwalay kayo o kaya lolokohin ninyo ang isa’t-isa.
2. Anxious Attachment
Ang anxious attachment naman ay isang style kung saan desperado ang isang tao sa atensyon o closeness. Ang mga taong may ganitong style ng attachment ay dependent sa ibang tao upang maging “complete.”
Ibig sabihin, nahihirapan sila kapag wala ang kanilang asawa. Madalas ay nagiging problema sa kanila ang pagiging seloso o selosa, at kawalan ng tiwala sa asawa. Nagiging paranoid din sila, lalong-lalo na kung biglang naging busy ang partner nila.
Ganito ang attachment style ng mga taong mahilig mag-text sa kanilang asawa, o kaya mga kaibigan. Sila rin ay madalas na nagagalit o kaya naiinis kung hindi makapag-reply agad sa kanila.
Madalas ay nagiging abusive at controlling din ang ganitong mga relationships. Hangga’t-maaari ay dapat umiwas sa ganitong klase ng attachment dahil nakakasira ito ng buhay mag-asawa.
3. Avoidant Attachment
Ang avoidant attachment naman ay para sa mga taong mas independent. Ang mga mayroong ganitong attachment style ay ayaw na maging dependent sa ibang tao, at ayaw rin nilang maging dependent sa kanila ang ibang tao.
Ang mga partner ng mga taong may avoidant attachment ay madalas na nagsasabing distant ang kanilang asawa. May mga pagkakataon rin na kulang sila sa intimacy, at nahihirapang gumawa ng connection sa ibang mga tao, kahit sa asawa pa nila.
Bakit ito mahalagang alamin?
Importanteng malaman ang iyong attachment style dahil ito ang magdidikta sa dynamics ng inyong relasyon. Kung ikaw ay may anxious attachment na style, importanteng matutunan mo na maging independent, at huwag masyadong pag-isipan ng masama ang iyong asawa.
Kung may avoidant attachment ka naman, importante na subukan mong maging mas malapit sa iyong asawa. Posibleng binabalewala mo na ang inyong relasyon dahil sa kagustuhan mong maging independent, at nakakasama ito sa inyong dalawa.
Importante na magkaroon ng balance sa inyong relationship. Walang problema kung ma-miss mo ang iyong mister, pero kung palagi mo itong iniisip at hindi ka mapakali kapag wala siya, ay kailangan mong i-address ang problema na ito.
Source: Women’s Health
Basahin: Dear TAP: Help! Merong nanlalandi sa mister ko, anong gagawin ko?