Ayaw magpababa ni baby at laging bugnutin? Maaring ito ay palatandaan na siya ay isang high needs baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang high needs baby?
- Anu-ano ang mga palatandaan ng high needs baby
Ano ang high needs baby?
Ayon sa Healthline, ang high needs baby ay hindi isang medical condition. Sa halip ito ay tumutukoy sa mga sanggol na mahirap i-satisfy o pasayahin. Sa maikling sabi sila ay high maintenance. At may ipinapakitang behavior o personality na maituturing na iba sa ibang bata.
Para mas maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng isang high needs baby ay narito ang mga palatandaan o ugaling madalas niyang ipinapakita.
Ayaw magpababa ni baby at iba pang signs ng high needs baby
1. Hindi umiidlip o maikli kung matulog ang sanggol.
Photo by kevin liang on Unsplash
Hindi tulad ng ibang bata, ang high needs baby ay mahirap paidlipin o patulugin. Siya ay agad na nagigising matapos ang 20-30 minutes na pagkakatulog.
At madalas na umiiyak o bugnutin na agad pagkagising. Ang ipinapakita niyang ugali na ito ay kaiba sa madalas na haba ng tulog ng mga newborn baby na 14-17 hours a day. Habang 12-15 hours a day naman na putol-putol para sa mga sanggol na hanggang 11 months old.
2. Hindi mo siya basta maiiwan sa ibang tao o hirap siyang mahiwalay sa ‘yo.
Maituturing din na isang high need baby ang iyong anak kung gusto niya lang na ikaw ang nakakasama niya. Ayaw niya o umiiyak siya sa tuwing siya ay iniiwan mo sa iba. Kahit nga minsan sa daddy o papa niya ay ayaw niyang sumama kung hindi sayo lang.
Pero ayon sa mga eksperto, ang ugaling ito ay normal naman para sa mga sanggol na edad 6-12 months old.
3. Ayaw ng baby mo na matulog ng mag-isa.
Dahil nga ayaw niya ng nahihiwalay sayo, kahit sa pagtulog ay ayaw niyang nag-iisa. Nahihirapan o ayaw niyang matulog ng hindi ka katabi. Madalas kahit makatulog na siya at naramdaman niyang aalis ka ay agad siyang iiyak o magigising na.
4. Ayaw niyang sumasakay sa mga sasakyan.
Maliban sa ayaw niyang nag-iisa, ang high needs baby ay ayaw sa masisikip na lugar tulad ng mga sasakyan. Para sa kaniya ay nakakatakot ito. Kaya naman siya ay iiyak at magwawala sa oras na sumasakay siya ng sasakyan.
5. Hirap ang baby mo na mag-relax o siya ay hyperactive.
Very hyperactive din ang high needs baby. Siya ay madalas na tense at bugnutin. Kaya naman para libangin ang sarili ay madalas siyang magtatakbo.
O kaya naman ay hindi napapakali sa kinalalagyan niya. Kahit nga karga mo siya ay liyad siya ng liyad. Lalo na sa tuwing may ibang tao na nagtatakang kunin siya mula sa ‘yo.
6. Hindi kaya ng iyong baby na i-soothe o patahimikin ang sarili niya.
Ang mga sanggol madalas para pakalmahin ang sarili nila ay naglalaro sa kanilang mga kamay o nagthuthumb-suck. Ang gawi na ito ay hirap na gawin ng high needs baby.
Sa halip, umaasa siya sa iyo para tumahan siya. Madalas nga ay nagiging comfort niya ang pagsuso sa ‘yo. Ito ay kaniyang ginagawa kahit siya ay hindi gutom at upang pakalmahin lang ang sarili niya.
7. Ayaw magpababa ni baby o masyado siyang sensitive.
Photo by Sergiu Vălenaș on Unsplash
Ang high needs baby pagdating sa touch o haplos ay maaring maging sensitive sa dalawang paraan. Una, maaring gusto niya ay lagi mo lang siyang karga o ayaw niyang magpababa. O pangalawa ay ayaw niya ng niyayakap siya o kaya naman ay binabalot siya ng kumot.
8. Ayaw ng baby mo ng maingay o mataong lugar.
Karamihan ng mga sanggol ay nakakatulog kahit na maingay ang paligid nila. Pero ang high needs baby ay hindi. Ayaw niya ng maiingay at matataong lugar. Ito ay maaring maging rason ng kaniyang pagwawala.
9. Unpredictable o paiba-iba ang kinikilos ng iyong anak araw-araw.
Isa pang palatandaan na isang high needs baby ang sanggol ay ang hindi mo ma-predict ang ikinikilos niya. O kaya naman ay pabago-bago ang routine niya araw-araw. Tulad nalang sa iba-iba ang oras ng tulog niya. O kaya naman ay iba-iba ang style ng pagpapatahan ang gusto niya.
10. Mahirap pasayahin o i-satisfy ang anak mo.
Dahil high maintenance ang baby mo, mahirap siyang pasiyahin o satisfy. Hindi tulad ng ibang bata na naaliw na agad sa mga funny faces o masasayang tunog. Ang high needs baby mahirap patawanin at sa halip ay agad na iiyak sa sobrang bugnutin.
BASAHIN:
6 parenting mistakes kung bakit hindi na-iengganyo si baby na magsalita
Ipinapakita ba ng anak mo ang mga nabanggit na palatandaan ng high needs baby? Kung oo ay may mga paraan ka naman na maaring gawin para maiwasang maubos ang pasensya mo sa pag-aalaga sa kaniya. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Mga paraan kung paano aalagaan ang high needs baby
1. Mag-break muna o magkaroon ng iyong “me time”.
Kahit ayaw ng anak mong magpalapag o magpa-iwan sayo ay tiisin ito. Kausapin ang iyong asawa o baby sitter para bantayan na muna siya.
Habang ikaw ay mag-break muna at mag-relax. Ito ay upang makapahinga ka at magkaroon ng oras sa sarili mo. Sa ganitong paraan ay nababawasan ang stress at pagod na dulot ng pag-aalaga mo sa iyong baby.
2. Pag-aralang basahin ang gestures at cues ng iyong anak.
Para mas mapadali ang pag-aalaga sa iyong anak ay mabuting alamin ang ugali niya. Ano ang mga likes at dislikes niya para mas mapadali ang pagpapatahan o pag-papacify sa kaniya.
3. Huwag ma-guilty kung ibibinibigay mo ang lahat ng gusto ng iyong anak.
Hindi pag-i-ispoil ang tawag sa pagbibigay ng mga gusto ng high needs baby mo. Sa kaniyang murang edad ay mabuting iparamdam na lagi ka lang nandyan para sa kaniya. Sapagkat sa ngayon ikaw ang mundo niya at nakadepende ang kasiyahan niya sayo.
4. Huwag ikumpara sa iba ang iyong anak.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ang iyong anak ay unique sa sarili niyang paraan. Hindi siya dapat ikumpara sa ibang bata. Lalo na pagdating sa kaniyang needs na madalas ay umiikot lang sayo na magulang niya.
5. Makipag-usap sa ibang mga magulang na mayroong high needs baby.
Para mas magkaroon ng dagdag kaalaman sa kung paano aalagaan ang iyong high needs baby ay kumausap ng mga magulang na may pareho rin sa ‘yong sitwasyon.
Mas maiinitindihan nila ang sitwasyon mo at mas makakakutulong sa kung paano mo epektibong maibibigay ang kailangan ng iyong high needs baby.
6. Manatiling kalmado sa lahat ng oras sa iyong anak.
Tandaan nakakainis o nakakapagod man alagaan ang iyong high needs baby ay huwag maubusan ng pasensiya sa kaniya. Manatiling kalmado sa lahat ng oras kapag kaharap siya. Sapagkat siya’y isa pa ring bata at ikaw ay kaniyang magulang na dapat paring gumabay at umalalay sa kaniya.
Source:
Healthline, Mayo Clinic, KidsHealth