Babae ka hindi babae lang.
Isang paalala at bukas na liham para sa mga kapwa ko babae
Sa kapwa ko babae,
Malamang tulad ko may mga araw na pinanghihinaan ka ng loob. May mga araw na iniisip mo kung gaano ka kahina, karupok, walang lakas at hindi na kayang makipagsabayan sa mundo. Nais kong sabihin sayo na ito ay phase na malalampasan mo rin. At hindi totoo ang sinasabi nilang wala kang kwenta at ambag sa mundo. Dahil sa maraming bagay ay espesyal ka.
Ikaw ay malakas.
Image from Freepik
Hindi kahinaan ang pagtahimik mo sa mga salitang ibinabato sayo. Hindi kahinaan ang pag-intindi mo sa mga taong nanakit sayo at umiwas sa gulo. Ito ang espesyal na kakayahan mo bilang isang babae na makaintindi at magmahal ng buong puso. Bagamat minsan tandaan mo kailangan mo ring ipaglaban ang sarili mo. At ipakita sa kanila na hindi ka basta babae lang, ikaw ay lalaban sa oras na alam mong kailangan mo nang ipagtanggol ang sarili mo. Subalit alam ko lagi’t-lagi nangingibabaw ang pagmamahal at pagkalinga sa iba dyan sa puso mo.
Ikaw ay maganda.
Hindi batayan ang pagiging mag-isa para sabihing hindi ka maganda. Hindi batayan ang panlabas na anyo para suklian ang respeto at pagmamahal na mayroon ka. Malamang ay hindi mo napapansin, pero sa bawat bagay na nadadampian ng iyong mga kamay ay naikakalat mo ang ganda at pag-asa. Tulad nalang ng maliit na mata ng batang nakatingin sayo. Ligayang-ligaya siya na makita ka at hindi maalis ang mga mata niya sa babaeng nagparamdam sa kaniya ng natatanging pagmamahal sa mundo. Sa babaeng unang nagpatibok ng kaniyang puso at nagturo sa kaniya ng tunay at wagas na pagmamahal.

Ikaw ay natatangi.
Hindi basta madali ang makahanap ng tulad mo. Natatangi ka. Lalo na sa mga oras na may buhay kang dinadala sa loob ng iyong sinapupunan hanggang sa ito ay mailuwal mo. Inalagaan, inaruga at ipinakita mong may liwanag parin sa ginagalawan nating magulong mundo.
Alam kong napakasakit ng panganganak, halos malutas ang iyong paghinga. Pero ito ay kinaya mo, kasunod pa ang puyat at pagod sa pag-aalaga sa iyong supling. Ang pisikal na pagod na ito at sakit walang-wala kumpara sa mga oras kapag ang iyong anak na ang may sakit. Dahil hindi lang basta katawan mo ang tila nawawalan ng lakas. Kung hindi para ring sinasaksak ang iyong puso pero pinipilit mong tumayo at maging malakas. Ito ay dahil alam mong ikaw lang ang may natatanging lakas at pagmamahal para protektahan ang iyong anak. Isang natatanging kakayahan na taglay ng isang babaeng tulad mo.
Ikaw ay isang biyaya.
Hindi lang ang presensiya mo ang nakakapagpasaya ng marami. Ang iyong tawa ay nakakadala, nanghihikayat ng halakhak sa iba. Sa bawat pagbukas mo ng iyong bibig, sila ay agad na nakikinig. Dahil ang iyong mga salita ay nagbibigay ng ginhawa at kasiguraduhan sa mga inosenteng bata na ang tingin sayo ay isang biyaya na hindi nila basta ipagpapalit sa iba.
Ikaw ang dahilan kung bakit nagiging malinis, makulay at malusog ang isang bahay. Kung wala ka, anumang tahanan ay mananamlay. Dahil ang liwanag mula sa puso ang nagpapaliwanag sa buhay at gumagabay sa iyong pamilya.
Ikaw ay espesyal.

Nakikita kita. Nakikita ko kung paano mo hinaharap ang buhay. May lakas, tapang, pagmamahal at kagandahang-loob. Ito ay sa kabila ng katotohanan na minsan ay parang pasan mo ang mundo. Nakikita ko ang pagmamahal na ibinibigay mo, ang mga sakripisyong ginagawa mo. At ang mga tahimik na laban na pinagdadaanan mo. Kaya ngayon, gusto kitang paalalahanan ng isang napakahalagang bagay. Ikaw ay espesyal.
Ikaw ay higit pa sa mga papel na ginagampanan mo. Hindi ka lang isang anak, kapatid, ina, asawa, o kaibigan. Isa kang natatanging indibidwal na punong-puno ng pag-asa at pagmamahal.
Ikaw ay malakas—kahit sa mga araw na pakiramdam mo ay hindi. Kahit sa mga oras na nagdududa ka sa sarili mo o kapag iniisip mong hindi ka sapat. Maniwala ka, mas mahusay ka kaysa sa iniisip mo. Ikaw ay mas malakas at makapangyarihan kaysa sa inaakala mo.
Babae ka, hindi ka mahina.
Karapat-dapat kang mahalin, mapasaya, at makuha ang lahat ng mabubuting bagay sa mundo. Huwag mong hayaang may sinuman na pumigil sa liwanag mo.
Kaya sa bawat babaeng nagbabasa nito, tandaan mo: ikaw ay pinahahalagahan, iniingatan, at minamahal. Patuloy kang magniningning, mangarap, at huwag kailanman kalimutan kung gaano ka kahalaga. Ang mundo ay maliwanag dahil sa iyo.
May pagmamahal at paghanga,
Isang taong naniniwala sa iyo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!