Baby Aki, pumanaw na matapos ang kaniyang liver surgery

Sa kasamaang palad ay pumanaw na ang sanggol na si Baby Aki matapos ang kaniyang pakikipaglaban sa karamdaman na biliary atresia.

Si Baby Aki, na nag-viral dahil sa kaniyang ama na nagbenta ng mga banana cake para pondohan ang kaniyang operasyon, ay pumanaw na.

Ibinahagi ng ina ni Aki ang kuwento sa Facebook, kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng tumulong sa kanilang pamilya.

Baby Aki, pumanaw na

Kuwento ng kaniyang ina, kinailangan raw muna niya ng panahon upang makapagluksa sa pagkamatay ng anak bago ito ipaalam sa mga tao sa Facebok.

Namatay raw si Baby Aki matapos isagawa ang operasyon para sa kondisyon niya na biliary atresia. Bagama’t napakalungkot ng mga pangyayari, nagpasalamat siya sa lahat ng tumulong sa kanilang pamilya upang makapunta sa India at maipagamot ang anak.

Dagdag pa niya, kahit na pumanaw na ang anak ay alam niyang masayang-masaya na ito, dahil wala na siyang nararamdamang paghihirap. Bukod dito, inimbitahan rin niya ang mga tumulong sa kanila na bisitahin ang mga labi ni Aki sa Calamba, at kung maari ay magdala ng mga letrato ni Aki bilang simbolo ng pakikiramay.

Ang kuwento ni Baby Aki

Nag-viral ang kuwento ng aki nang ibahagi sa Facebook ng netizen na si Jenny Sumalpong ang larawan ng kaniyang ama habang nagbebenta ng banana cakes.

Noong 2016 raw ay gumaling ang sakit na hydrocephalus ng kanilang anak na si Arkhin, kaya’t umaasa silang gagaling rin ang bunso nilang anak na si Aki.

Matapos nito, sunod-sunod na ang dumating na mga donasyon para sa sanggol. Nakalikom rin sila ng pera sa pagpapagamot, ngunit sa huli, hindi kinaya ng munting katawan ni Aki ang operasyon, kaya’t siya ay pumanaw.

Source: ABS-CBN

Basahin: Ama, nagbebenta ng banana cake para sa liver transplant ng kaniyang anak

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara