Isang ina sa Ohio ang nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong matapos na masawi ang kaniyang 16-month-old na anak na si baby Jaylin. Iniwan niya kasi ang bata nang mag-isa sa kanilang bahay habang siya ay nagbabakasyon.
Mommy ni Baby Jaylin guilty sa aggravated murder at child endangerment
Kulong ang ina na si Kristel Candelario, 32, na taga Cleveland, Ohio. Ito ay matapos na mapatunayang guilty ito sa kasong aggravated murder at child endangerment.
Ang mommy na ito, iniwan ang kaniyang anak na toddler sa playpen habang siya naman ay nagbabakasyon. Walang kasama ang bata sa bahay, ang ina naman ay nag-post pa ng mga larawan sa beaches at amusement parks na pinuntahan nito.
Ayon sa mga awtoridad, 10 araw na nagbakasyon si Candelario sa Detroit at Puerto Rico noong June 2023. At noon nga ay iniwan niya ang kaniyang anak na si Baby Jaylin nang mag-isa sa kanilang bahay sa loob ng 10 araw na iyon ng kaniyang bakasyon.
Nang umuwi ang ina matapos ang bakasyon ay nadatnan nito ang kaniyang anak na naghihingalo at agad na tumawag ng mga pulis.
Natagpuan ng emergency team si Baby Jaylin na “extremely dehydrated” at agad ding pumanaw.
Ayon sa post-mortem na isinagawa ng Cuyahoga County medical examiner’s office. Napag-alaman na ang ikinamatay ng bata ay labis na gutom at matinding dehydration.
Nito lang March 21, 2024, ay nahatulan na nga ng habambuhay na pagkakakulong nang walang parole si Candelario.
“As prosecutors, it is our job to represent the victims. And today we spoke on behalf of 16-month-old Jailyn — who is no longer with us — due to the selfish decisions her mother made. This conviction today is the first step towards justice for Jailyn,” saad ng mga prosecutor.
Ayon sa lead detective at medical examiner na nagsagawa ng autopsiya. Ito umano ang pinaka “horrific” na kaso na nahawakan niya sa kabuuan ng kaniyang career.