Alam nating mga magulang ang labis na stress na nararamdaman sa pag-aalaga ng isang bagong silang na sanggol. Minsan talaga kahot anong gawin natin, umiiyak lang talaga ang bata nang hindi mawari kung bakit. Ngunit kahit gaano pa man kahirap mag-alaga ng baby, hindi mo iisipin na saktan ito dahil wala pa itong muwang. Sa kasamaang palad, nabalita na may isang baby na sinasaktan ng ama dahil hindi ito mapatahan.
Pananakit ng sariling ama
Sa ulat ng South China Morning Post (SCMP), isang 26-anyos na tatay, Chung Kei-yuen, ang nanakit sa kaniyang bagong silang na anak noong December 2016.
Pag-amin ng ama sa kaniyang kaso sa korte sa Hong Kong, nagalit daw umano siya dahil hindi siya nakakatulog ng maayos dahil iyak nang iyak ang kaniyang isang-buwang gulang na baby girl. Sa galit ni Chung, sinasasampal daw niya ang baby ng tatlo hanggang apat na beses bago niya ito kargahin. Niyuyugyog din daw niya ito ng apat hanggang limang beses.
Nagawa raw niya ito ng tatlong beses nang buwan na iyon.
Matapos ang huling beses nang pananakit, napansin daw ni Chung na hindi mabuti ang lagay ng kaniyang anak. Sinubukan niyang i-search sa internet ang sintomas na “panlalamig ng katawan ng baby.” Dinala rin niya ang bata sa health clinic matapos ang tatlong oras.
Napag-alaman ng mga duktor na nagkaroon ng “abusive trauma” ang bata. Mayroon din itong internal bleeding.
Dahil sa pananakit, kinailangang tanggalin ng mga duktor ang vitreous body sa kanang mata ng baby dahil may pagdurugo na sa loob ng mata. Hindi na ito nagawa sa kaliwang mata dahil nalaglag ng kusa ang retina ng bata. Ito ang naging sanhi ng pagkabulag ng baby.
Bukod pa dito, nagkaroon din ng brain damage ang bata.
Dalawang taon na ang bata ngayon ngunit hindi niya kayang huminga ng mag-isa. Nakakabit siya sa isang life support machine. May mga tubo na nakakabit sa kaniya na tumutulong na i-regulate ang blood pressure at ang kaniyang pag-ihi.
Pagsisisi
Kagaya ng kasabihan, nasa huli ang pagsisisi. Nagsisisi na ngayon si Chung sa kaniyang mga nagawa. Hindi niya napigilang umiyak nang marinig niya sa korte ang resulta ng pananakit niya sa kaniyang anak.
“Pagsisisihan niya ito pang habang buhay,” pahayag ng kaniyang abugado.
Sa hearing, sinabi ng abugado na lubos na pagod at stresses si Chung sa kaniyang trabaho bilang kusinero. Dagdag pa na siya ang pangunahing tagapag-alaga sa baby pagdating niya sa bahay. Wala raw ginagawa ang kaniyang girlfriend (nanay ng baby) kundi mag-internet at maglaro ng online games.
Ayon kay Chung, tumira rin sa kanila ang nanay ng kaniyang girlfriend para tumulong sa pag-aalaga sa bata. Ngunit imbis na makatulong, nakagulo pa ito sa buhay nila.
Lahat daw nito ay nakadagdag sa frustration ni Chung nang hindi niya mapatahan ang kaniyang anak. Ito raw ang naging simula ng kaniyang pananakit sa bata.
“Hindi na niya na-kontrol ang kaniyang emosyon. Hindi niya alam kung ano ang mga puwedeng mangyaring consequences sa mga nagawa niya,” saad ng abugado.
Paano patahanin ang sanggol na umiiyak
Kapag ayaw tumahan ng sanggol, nakaka-tempt na gawin ang lahat para mapatigil lamang ito. Pero hindi solusyon ang pagyugyog sa baby. Hindi pa matibay ang leeg ng baby para masuportahan ang ulo nito.
Ayon sa MayoClinic, maaaring maging sanhi ng pagkabulag, brain damage o mental retardation ang pagyugyog sa baby. Maraming seryosong epekto ang puwedeng manyari kabilang na ang pagkamatay.
Source: South China Morning Post
Featured image: Picsea on Unsplash
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Venturanza
https://sg.theasianparent.com/newborn-abused-by-father
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!