Para sa lahat ng mga mister, isang paalala: huwag ninyong ipagagawa ang mga sumusunod na ito sa inyong asawa:
1. Huwag hilingin na baguhin n’ya ang kanyang sarili
Magkakaiba ang bawat mga tao kaya naman sila ay kakaiba at espesiyal. Ang hilingin na magbago ang inyong misis ay katumbas halos ng pagsasabi na iba ang inyong gusto o mayroon ibang babae kayong nais. Kaya naman hanggat hindi pagbabago para maisaayos ang inyong pagsasama tulad ng pagbabago ng mga masasamang kaugalian, o kaya naman ay baguhin ang inyong lifestyle para maging mas healthy, hindi dapat ninyo hinihiling sa inyong mga misis na baguhin nila ang kanilang sarili. Isipin n’yo na lamang, paano kung ang inyong mga misis ang humiling na baguhin n’yo ang inyong sarili?
2. Hilingin na bawasan ang oras na ibinibigay nila sa kanilang mga kaibigan para mas maraming oras para sa inyo
Kung nais n’yong makasama ang inyong mga kaibigang lalaki, gayun din ang pagnanais ng inyong mga misis na paminsan minsang makasama ang kanilang mga kaibigan. Kapag paulit-ulit n’yong hiniling na sila ay maglaan ng oras para sa inyo at hindi para sa kanilang mga kaibigan, maaaring sinyales na ito ng pagseselos o kaya naman control issues, at inggit.
3. Isakripisyo ang isang bagay na kanilang gusto para sa inyo
Ang pagkokompromiso, sa isang relasyon, ay normal lamang. Ngunit, ang pagsasakripisyo ng lubos ay maaaring makasama rin sa inyong pagsasama. Kung hihilingin n’yo sa inyong misis na isakripisyo nila ang isang bagay na lubos nilang gusto o minamahal, mga bagay na sila ay passionate about para lamang sa inyo, maaaring magkaroon kayo ng problema – maaring masaktan n’yo ang kanilang damdamin. Igalang ninyo ang mga paniniwala at mga hilig ng inyong asawa at wag silang pilitin na baguhin ang mga ito dahil lamang iba ang inyong kagustuhan.
4. Iwanan ang kanilang karera o trabaho
Karaniwan itong problema sa Pilipinas: maraming mga kalalakihan ang naniniwala na kapag nanganak na ang kanilang misis, marapat lamang iwan ng kanilang mga asawa ang kanilang trabaho at alagaan na lamang ang kanilang mga anak. Ang paniniwalang ito ay hindi na naaayon sa panahon ngayon. Hanggat hindi buong pusong gustuhin ng inyong asawa na iwan ang kanyang trabaho, hindi dapat ito ipinagagawa sa kanila.
5. Pilitin silang gawin ang bagay na hindi nila gusto o hindi sila komportableng gawin
Ito man pagdadahilan sa inyong amo sa trabaho, o hinging magsinungaling sila sa inyong mga kaibigan, o di kaya’y pagpapagawa sa kanila ng mga bagay na hindi sila sang-ayon lalo habang kayo ay nagtatalik, ang hindi ay dapat tanggapin bilang hindi. Hindi dapat pinupuwersa ang isang tao, lalo ang inyong misis, na gawin ang mga bagay na hindi sila komportable o sang-ayon gawin.
6. I-check ang kanilang cellphone o kaya naman basahin ang kanyang mga mensahe
Maraming nag-iisip na “kung ang isang tao ay walang tinatago, hindi dapat sila nababahalang ipakita ang kanilang cellphones,” at mali ito. Kahit pa kayo ay kasal na, kailangang magkaroon parin ng pribasiya sa pagitan ninyong mag-asawa. Kung bukas sila sa pagbabahagi ng kanilang mga natanggap na mga mensahe, maaari n’yo itong basahin, ngunit kung hindi naman, hindi dapat agad iniisip na sila ay may itinatago sa inyo.
7. Huwag silang papiliin ng kakampihan
Kung may hidwaan sa pagitan ng n’yo ng inyong mga kaibigan, lalo ng kanyang mga magulang, hindi n’yo dapat papiliin ang inyong misis ng kakampihan. Ang inyong misis ang inyong katuwang sa buhay ngunit hindi ibig sabihin nito na lagi nila kayong dapat kampihan.
Ang article na ito ay unang isinulat ni Alwyn Batara