Bagong panganak? Anu-ano ba ang mga bagay na kailangang bantayan sa kalusugan ng bagong panganak na ina? Alamin dito.
Lahat ng ina o malapit na maging ina ay madalas nasasabihan na babaguhin ng panganganak ang kaniyang katawan. Ngunit nakakalimutan nilang sabihin kung ano nang mangyayari pagkatapos manganak.
Bawat katawan at bawat karanasan ay magkakaiba, at ang pagpapagaling ng bagong panganak ay iba-iba sa bawat ina. Maaaring makaimpluwensiya ang mga bagay tulad ng kung gaano katagal nag-labor, gaano katagal ang pag-ire, kung vaginal delivery o C-section, at kung ano pa.
Marami nang naisulat tungkol sa mga bagay na dapat asahan kay baby pagkatapos niyang ipanganak. Pero sa article na ito, bigyan natin ng atensyon ang kasulugan ng bagong panganak na ina. Ano nga ba ang dapat niyang asahan sa mga unang araw at linggo?
Talaan ng Nilalaman
Kalusugan ng bagong panganak na ina: Timeline ng pagpapagaling ng bagong panganak
Agad pagkatapos manganak: Ang unang oras
Pagkapanganak kay baby, mapa-vaginal delivery man o cesarean section (CS), ilalagay ng doktor o nurse ang baby sa iyong dibdib para sa skin-to-skin contact.
Kung nanganak ka sa pamamagital ng vaginal delivery, susuriin ng doktor ang iyong perineum at vaginal wall. Kung nagkaroon ng malaking punit o episiotomy, kakailanganin ng tahi. Titingnan rin ang iyong pulso at blood pressure.
Para naman sa mga na-CS, maaaring makatanggap ng antibiotics (upang maiwasan ang impeksiyon) at oxytocin (upang makontrol ang pagdurugo at matulungan sa pag-contract ang uterus) sa iyong IV. Ang blood pressure, pulso, bilis ng paghinga at dami ng pagdurugo ay madalas na susuriin.
Kalusugan ng bagong panganak na ina: Unang 24 oras matapos manganak
Ang iyong mararamdaman sa unang 24 oras matapos manganak ay nag-iiba depende sa ilang bagay, tulad ng kung nanganak ba nang natural o sa C-section.
Ayon kay Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist, mas mabilis ang recovery period ng mga babeng nanganak sa pamamagitan ng normal delivery.
“Sa hospital pa lang nag-stay sila within 24 hours, dini-discharge na namin sila after 24 hours provided na walang complications. Usually naglalakad narin sila after few hours ng manganak.” aniya.
Dahil sa sumailalim sila sa isang major operation, inaasahang mas matagal naman ang recovery period ng babaeng nanganak sa pamamagitan ng CS. Dahil sa nabigyan sila ng anesthesia o epidural block, maaring manatiling manhid ang pakiramdam ng ina ilang oras pagkatapos manganak.
Maaaring mahirapan pang tumayo o gumalaw ng walang tulong. Para sa ibang babae, kailangan pa rin ang catether para makaihi dahil wala pa silang kakayahang gawin ito mag-isa.
Kapag nawala na ang epekto ng anesthesia, maaring maramdaman ng nanay ang pagkahilo o pagkalito.
Dagdag pa ni Dr. Laranang,
“Iyong mga (CS) patients namin na na-admit is usually admitted within 48-72 hours for observation tapos kung wala namang complication dinidischarge na namin sila.”
Gaano katagal maghilom ang sugat?
Ayon kay Dr. Laranang, sa loob ng isang linggo ay maaari nang matuyo at maghilom na ang sugat sa puwerta ng isang babaeng nanganak ng normal delivery. Ganoon din naman ang inaasahan sa CS. Kung pangangalagaan ito nang maayos, sa loob ng isang linggo ay matutuyo na rin ang tahi sa kaniyang tiyan.
Dagdag pa ng doktora,
“Ang first 6 weeks after giving birth ang period of recovery whether normal o cesarean section.”
Gaano katagal ang pagdurugo?
“May tinatawag kasi tayong physiologic vaginal bleeding o discharge pagkatapos manganak. Ito ay nagla-last ng hanggang 2 weeks pero pakonti-konti lang iyong flow. So ang tinatawag natin dito ay lochia na lumalabas na bleeding matapos manganak.” ani Dr. Laranang.
Maaring magtutuloy ang pagdurugo nang nasa 4-6 na lingo, at makakaasang magkakaroon ng malakas na pagdurugo sa unang 3 hanggang 10 araw matapos manganak.
Sa mga unang araw, ang discharge ay mapula at sobrang bigat. Sa mga susunod na apat hanggang anim na lingo, lalabnaw ang kulay nito (ang pink, brown, at cream na kulay ay normal) at bigat.
Postpartum recovery: 10 na dapat bantayan sa kalusugan ng bagong panganak na ina
Ayon kay Dr. Laranang, ang mga unang linggo pagkatapos manganak ng isang babae ay ang kaniyang recovery period. Hindi biro ang panganganak, kaya dapat talagang magkaroon ng oras para makapagpahinga at mabalik ang energy niya na nawala sa panganganak at pag-aalaga ng kaniyang newborn.
Sa panahon ring ito, dapat ay maobserbahan ang kalusugan ng bagong panganak na ina kung mayroon siyang nararamdamang kakaiba, para malaman kung nagkaroon ba siya ng komplikasyon sa panganganak at maagapan ito kung sakali.
Anu-ano nga ba ang mga dapat bantayan sa bagong panganak na ina? Narito ang ilan sa kanila
-
Menstrual cramps
Patuloy na makakaranas ng pulikat matapos manganak, pero hindi kasing tindi ng contractions nuong labor. Ito ay dahil nagsimula nang magcontract at bumalik sa dating laki an uterus bago mabuntis.
Alam mo ba pagkatapos mismo manganak, ang iyong uterus ay may bigat na nasa 1.13kg? Sa ika-6 na lingo pagkatapos manganak, ang bigat nito ay nasa 2 ounces (56.7g) na lamang.
Ang mga cramps ay tila di kalakasang labor pain o mabigat na period pain, at magiging mas-intense kung ipinanganak ang ikalawa o ikatlong anak. Malaki ang mababawas dito matapos ang isang lingo.
Kung nagpapadede ka, maaaring mas lumakas ang mga cramps. May dahilan ito. Ang pagsipsip ng baby sa iyong utong ay nagpapalabas ng hormone na oxytocin, na nagdudulot ng contractions, at tumutulong mapabilis ang pagliit ng uterus.
Subalit kung matindi ang pagdudurugo at pananakit ng iyong puson matapos mong manganak, maaring nakakaranas ka ng postpartum hemorrhage (PPH). Nangyayari ito kapag nakakaranas ang babae ng matinding pagdurugo pagkatapos manganak. Maari itong manggyari hanggang ika-12 linggo matapos isilang si baby.
Kapag napansin ang matinding pagdurugo na sinasamahan ng matinding menstrual cramps, ipagbigay-alam agad sa iyong doktor.
-
Pananakit ng dibdib o pagkahingal
Kapag nakaramdam ng pananakit ng dibdib, hingal o hirap huminga pagkatapos mong manganak o ilang araw matapos manganak, humingi agad ng tulong at medikal na atensyon.
Maaring mayroon kang pulmonary embolism, isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng bara sa artery sa iyong baga. Kadalasan itong nangyayari habang o pagkatapos manganak ng isang babae, at maaring makamatay kapag hindi naagapan.
-
Pananakit ng sugat
Kapag vaginal ang naging delivery, ang iyong perineum (ang bahagi sa pagitan ng vagina at anus) ay malamang na mamaga at sumakit sa unang 24 oras matapos manganak. Kailangan nito ng oras para gumaling.
Kung may tahi sa perineum, matutunaw ito sa loob ng 1 hanggang 2 lingo.
Kung nag C-section, malamang na makaranas ng pananakit sa paligid ng tahi at iba pang side-effects tulad ng pagkahilo (dahil sa anaesthesia), constipation, at kapaguran.
24 oras matapos ang surgery, tatanggalin ng iyong duktor ang dressing ng sugat upang suriin kung may senyales ng impeksiyon.
Kung nakakaranas ka ng pamumula, matinding discharge at pananakit ng iyong tahi (kung CS) at perineum area, kailangan mong kumonsulta sa iyong doktor dahil posibleng senyales ito ng infection.
-
Lagnat
Maraming posibleng dahilan ang pagkakaroon ng lagnat pagkatapos mong manganak. Maaring ito ay dahil sa isang infection, sa mastitis (kung nagpapadede ka), o isang sakit gaya ng endometriosis.
Iwasang isawalang bahala ang lagnat na ito. Pumunta sa iyong doktor kung ang iyong temperatura ay 38 degress Celsius pataas at nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas:
-
- panginginig
- pamamaga ng mga binti
- pananakit ng tiyan
- matinding pagdurugo (napupuno ang isang napkin sa loob ng isang oras)
- may blood clots sa vaginal bleeding
- nagdurugo o nagnanana ang sugat mula sa panganganak
-
Pananakit ng dede
Dahil sa madalas na pagdedede ng iyong sanggol, maari mong maramdaman ang pananakit ng iyong dede. Kung hindi pa magaling mag-latch si baby, minsan ay maari kang magkaroon ng sugat sa iyong nipples.
Kapag parang sobra-sobra naman ang iyong gatas, mararamdaman mong naninigas at sumasakit ang iyong mga dede. Maaring mayroon kang breast infection na tinatawag na mastitis. Ito ay kapag mayroon kang plugged ducts o hindi nakakalabas ang gatas mula sa iyong dede.
Kung nakakaranas ka nito, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor kung anong pwedeng gawin. Ang sugat sa iyong nipples ay maaring magdulot ng infection na nakakasama hindi lang sa’yo kundi para rin kay baby.
Maari ka namang lagnatin at magkaroon ng breast abscess kapag pinabayaan mo lang ang iyong mastitis.
-
Pagbaba ng timbang
Karamihan sa mga kababaihan ang nababawasan ng 6 kg sa panganganak, kasama ang bigat ng baby, placenta at amniotic fluid.
Matapos manganak, may naiiwan na post-baby na tiyan, at mukha paring buntis. Normal lang naman ito.
Sa pagbubuntis, ang uterus, abdominal muscles at balat ay nababanat nang siyam na buwan, at aabutin nang lingo (at buwan) para bumalik ito sa normal. Kung nag C-section, makakaramdam ng dagdag na panghihina at pamamaga sa abdomen dahil sa paghiwa, lalo na kung bagong panganak.
May mga babaeng pagkatapos manganak ay gusto na agad bumalik sa kanilang “pre-pregnancy weight.” Subalit dapat ay huwag magmadali, dahil maaring bumaba ang iyong immune system kapag ipinilit mong mag-diet, lalo na kung nagpapadede ka.
Samantala, kung nakakaranas ka ng biglaang pagbaba ng timbang kahit hindi mo naman ito sinasadya, magpatingin sa iyong doktor. Maaring epekto ito ng kakulangan sa pahinga, hindi sapat ang calories na iyong kinokonsumo, o mayroon kang problema sa iyong thyroid. Mas mabuting kumonsulta sa iyong doktor para makasiguro.
-
Pag-ihi at pagdumi
Kung nag-vaginal delivery, ang bugbog na bladder at masakit na perineum ay makakapagpasakit ng pag-ihi.
Mahalagang umihi sa loob ng anim hanggang walong oras matapos manganak. Nakakatulong itong ma-iwasan ang urinary tract infections at pinsala at pagdurugo na maaaring mangyari kapag napuno ang bladder.
Kapag nakakaranas ka ng sakit sa pag-ihi ilang araw matapos ang panganganak, kumonsulta sa iyong doktor.
Ang pag-dumi matapos manganak ay mahirap para sa mga ina. Kung nagka-episiotomy, maaaring matakot na masira ang tahi.
Para sa C-section delivery, maaaring abutin ng ilang oras o araw matapos ang C-section para muling gumana ang pagdumi. Sa ilang kababaihan, nagdudulot ito ng masakit na kabag at constipation.
Payo ni Dr. Laranang, iwasan muna ang pag-ire ng matindi kapag bagong panganak. Maari kang magpareseta ng stool softeners sa iyong doktor upang hindi ka gaanong mahirapan sa pagdumi.
-
Pagbabago ng mood
Ang iyong katawan ay nasasanay na sa pabago-bagong hormone levels, breastfeeding, pisikal na sakit at kakulangan sa tulog. Kaya naman hindi nakakapagtaka kung makakaranas ka ng iba-ibang emosyon pagkatapos mong manganak.
Maari kang makaranas ng tinatawag nilang postpartum blues. Narito ang ilang senyales nito:
- Mabilis magbago ang iyong mood. Maaaring maramdaman mong masaya ka, tapos bigla ka na lang malulungkot o mababahala.
- Parang nawawala ka ng ganang kumain o alagaan ang iyong sarili, dala na rin ng pagod.
- Nakakaramdam ka ng pagiging iritable, galit o pagkabahala.
Ang baby blues ay mababawasan o bubuti sa loob ng dalawang lingo. Kung patuloy na makaranas ng malalang mood swings, kawalan ng gana kumain, matinding pagod at kawalan ng saya sa buhay na hindi mo mapaliwanag at nang higit pa sa dalawang linggo matapos manganak, maaaring mayroon kang postpartum depression.
Mahalaga ang mental na kalusugan ng bagong panganak na ina. Kung nalulungkot at hindi makasabay sa mga pagbabago, ibahagi ang nararamdaman sa iyong partner, mga mahal sa buhay o kaibigan para matulungan ka.
Kausapin din ang iyong doktor kung hindi bumubutin ang mga sintomas, at kung hirap alagaan ang baby o gawin ang mga araw-araw na gawain, o naiisip saktan ang sarili o ang iyong sanggol.
-
Pananakit ng mga binti
Nakakaranas ka ba ng pananakit ng iyong mga binti? Kung ito ay panandalian lang at dahil sa matagal na pagtayo kapag karga mo si baby, ayos lang ito.
Subalit kung napapansin mong may pamamaga, pamumula at mainit kapag hinahawakan ang iyong binti, maaaring mayroon kang deep vein thrombosis. Nangyayari ito kapag mayroong pamumuo ng dugo sa iyong katawan, kadalasan sa hita o mga binti.
-
Blood pressure
Isa sa mga madalas suriin noong buntis ka pa ay ang iyong blood pressure. Ito ay para makaiwas sa mga komplikasyon sa iyong pagbubuntis.
Subalit ngayong nakapanganak ka na, mahalaga pa rin na i-monitor mo ang iyong blood pressure. Ito ay dahil maari ka pa ring magkaroon ng postpartum preeclampsia. Ito ay isang seryosong kondisyon kung saan mataas ang blood pressure ng babaeng nanganak, at indikasyon na hindi gumagana nang maayos ang kaniyang kidney, atay at iba pang internal organs.
Kapag napansin mo ang mga sintomas na ito ilang araw o linggo pagkapanganak, kumonsulta na sa iyong doktor:
-
- paglabo ng paningin
- pagkahilo
- pananakit ng ulo
- sakit sa upper right na bahagi ng tiyan
- nahihirapang huminga
- biglaang pagtaas ng timbang
- pagmamanas ng mga binti, kamay o mukha
Napakaraming bagay na dapat bantayan, pero mahalaga ito para masiguro ang kalusugan ng bagong panganak na ina. Paalala ni Dr. Laranang, para makaiwas sa mga sakit at komplikasyon na dala ng panganganak, huwag kalimutang pumunta sa iyong OB-GYN para sa iyong follow-up check up.
Gayundin, huwag mahiyang kumonsulta kung mayroon kang kakaibang nararamdaman, o mayroong tanong tungkol sa postpartum recovery.
“Ang importante dito is always consult with your OB. Kapag may nararamdaman, huwag sarilinin and everything will be alright.”
Tandaang mahalaga na kahit matapos manganak ay alagaan pa rin ang sarili, matutuong magpahinga para madaling makarekober agad. Huwag ding mahihiyang humingi ng tulong sa iba, lalo na sa pag-aalaga sa iyong newborn baby. Kapag may mga pag-aalala ka patungkol sa iyong kalusugan agad na magpatingin sa iyong doktor.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.