Natuklasang bagong strain ng HIV, isang palantandaan umano kung gaano kabilis mag-mutate at kumalat ang virus, ayon sa mga scientist.
Bagong strain ng HIV
Base sa isang bagong pag-aaral na nailathala sa Journal of Acquired Immune Deficiency Syndromes mayroong bibihira at bagong strain ng HIV ang natuklasan ng mga scientist. Ito ay ang HIV-1 group M subtype L na ngayon lang natukoy matapos ang 19 na taon.
Pahayag ng mga eksperto
Ayon kay Dr. Anthony Fauci, director ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases, wala naman daw dapat ikaalarma ang publiko tungkol sa discovery ng bagong strain ng HIV na ito. Dahil ito naman daw ay nagre-react sa kasalukuyang HIV treatment para makontrol ang virus sa loob ng katawan ng tao. Pero ang bagong discovery daw na ito ay makakatulong sa mas malalim pang pag-aaral tungkol sa kung paano nag-ievolve ang virus.
Inaasahang daan para sa iba pang discovery laban sa sakit
Para kay Jonah Sacha, isang professor sa Vaccine and Gene Therapy Institute sa Oregon Health & Science University, ang pagkakadiskubre ng bagong strain ng HIV ay isang paalala sa atin kung gaano kapanganib at mabilis kumalat ang virus.
“This tells us that the HIV epidemic is still ongoing and still evolving. The calling card of HIV is its diversity. That’s what’s defeated all of our attempts to create a vaccine. More than 37 million people live with HIV worldwide—the most ever recorded. People think it’s not a problem anymore, and we’ve got it under control. But, really, we don’t.”
Ito ang pahayag ni Sacha. Naniniwala din siyang makakatulong ang discovery para makagawa ng iba pang gamot o treatment laban sa virus. Dahil dagdag na pahayag ni Sacha, bagamat nakakatulong ang mga ibinibigay na antiretroviral drugs ngayon sa mga HIV patients para makontrol ang pagkalat ng virus at reproduction nito ay mayroon itong side effects. Ang mga ito ay ang mataas na risk na pagkakaroon ng blood cancer, cardiovascular complications at iba pang sakit.
Para naman kay Dr. Carole McArthur mula sa University of Missouri at co-author ng ginawang pag-aaral, ang discovery na ito ay isang paalaala naman para patuloy na i-develop at maging up-to-date ang mga technology laban sa sakit.
“This discovery reminds us that to end the HIV pandemic, we must continue to out think this continuously-changing virus and use the latest advancements in technology and resources to monitor its evolution.”
Ito ang pahayag ni Dr. McArthur.
Umaasa naman ang geneticist mula sa Los Alamos National Laboratory, New Mexico na si Brian Foley na ang discovery na ito ay magiging daan para maka-diskubre ng vaccine o bakuna laban sa sakit.
HIV cases sa mundo at Pilipinas
Base sa tala ng UNAIDS noong 2018, may tinatayang 37.9 milyong tao sa mundo ang infected ng HIV/AIDS virus. Karamihan sa mga ito ay mga adults na tinatayang nasa 36.2 million ang bilang. Habang 1.7 million naman sa mga ito ay mga batang edad 15-anyos pababa.
Ayon parin sa ahensya, ang Pilipinas ang may pinakamabilis na dumaraming kaso ng sakit. Dahil bago lang matapos ang 2018 ay nakapagtala ang ahensya ng 13,384 new HIV infections sa bansa. Ito ay 203% na mas mataas sa narecord na HIV infections noong 2010 na 4,419 cases lang. Tinatayang may 77,000 na Pilipino ngayon ang may HIV at tanging 62,029 lang na kaso ang na-diagnosed o nai-rereport.
Ano ang sakit ng HIV?
Ang HIV o human immunodeficiency virus ay ang sakit na umaatake at nagpapahina ng immune system ng isang tao. Kung hindi maagapan ang sakit na ito ay maaring matuloy sa sakit na AIDS na nakakamatay. Sa ngayon ay walang lunas sa sakit na HIV, ngunit ito ay maaring makontrol sa tulong ng antiretroviral therapy o ART.
Ang sakit na HIV ay nakakahawa at ito ay naihahawa sa isang tao sa pamamagitan ng mga bodily fluids na pumapasok sa katawan ng tao tulad ng sumusunod:
- Dugo
- Likido mula sa ari
- Breastmilk
Samantala, ang mga tukoy na paraan para maihawa ang sakit ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik, paggamit o pagshe-share ng karayom o syringes at pag-gamit ng mga unsterilized tools sa iba’t-ibang tao. Ito ay maari ring maihawa sa pamamagitan ng blood transfusion o organ at tissue transplant.
Source: CNN Edition, Manila Bulletin, The Hill, Scientific American, The Wall Street Journal, CDC, Healthline, HIV Gov
Photo: Pixabay
Basahin: 900 na bata nagkaroon ng HIV dahil sa kapabayaan diumano ng isang duktor