Bajo Nelgielyn Bobita ang pangalan ng Pinay domestic helper na nakulong sa Singapore matapos pagnakawan ang kaniyang amo. Ang perang ninakaw ng kasambahay ay itinago niya sa kaniyang ari sa pag-aakalang doon ay hindi ito makikita.
Bajo Nelgielyn Bobita, Pinay DH na nakulong dahil sa pagnanakaw
Usap-usapan ngayon sa mga Asian newspapers ang 28 anyos na si Bajo Nelgielyn Bobita, isang Pilipinang nagtratrabahong kasambahay sa Singapore. Ito ay matapos niyang pagnakawan ng hindi lang isa kung hindi dalawang beses ang kaniyang amo.
Ayon sa report, si Bajo Nelgielyn Bobita ay nagtratrabaho sa kaniyang 69 anyos na Singaporean businessman na amo na si Lee See Boon bilang isang taga-linis at taga-luto. Matapos ang isang taon at dalawang buwan na pagtratrabaho rito ay saka ginawa umano ni Bajo ang pagnanakaw.
Ayon parin sa report, unang ginawa ni Bajo Nelgielyn Bobita ang pagnanakaw sa kaniyang amo Pebrero ngayong taon. Pumasok daw ito sa loob ng kuwarto ng kaniyang amo at binuksan ang isang bag na may safe key.
Nakita daw nito ang pin number ng naturang safe na nakasulat sa isang papel. Ang nakuha daw ni Bajo noon ay $3,000 cash o P114,900.
Pinadala daw ni Bajo ang kalahati ng perang nakuha sa Pilipinas dalawang araw matapos ang pagnanakaw. At ang sumunod na kalahati noong March 3.
Inulit umano ni Bajo ang pagnanakaw noong March 6 na kung saan $5,002 cash o P191,500 naman ang kinuha nito.
Sa pangalawang pagnanakaw lang natuklasan ng kaniyang amo na si Lee See Boon na nawawala ang kaniyang pera. Sa parehong araw ng pagnanakaw ay naaresto ng mga pulis si Bajo Nelgielyn Bobita.
Nang hanapin at magsagawa ng body scan kay Bajo ay na-recover ang $5,002 na ninakaw nitong pera sa loob ng kaniyang ari. Nakabalot daw ito sa isang sanitary pad at plastic bag bago tuluyang ipinasok sa loob ng ari nito.
Sa ngayon ay nakakulong si Bajo sa Changi Women’s Prison matapos siyang mag-guilty plea sa two counts ng theft.
Pagdudusahan niya ang nagawang kasalanan sa loob ng 16 weeks sa kulungan. Ngunit kung susumahin ang katumbas ng lahat ng pera na kaniyang ninakaw, maaring makulong sana ng hanggang pitong taon si Bajo at magmulta.
Ayon kay Bajo, nagawa niya daw ang krimen dahil sa financial difficulty na nararanasan ng naiwang pamilya sa Pilipinas.
Paano makakaiwas sa abusadong kasambahay?
Importante na makahanap ng kasambahay na mapagkakatiwalaan. Hindi lang sapat ang pagkakaroon ng kakayanan sa mga gawaing bahay, importanteng may malasakit ito sa kaniyang pinagtratrabahuan.
Ngunit sa kasamaang palad ay hindi lahat ng kasambahay ay mayroong ganitong pag-uugali.
Upang makaiwas sa ganitong klaseng yaya, heto ang ilang tips:
- Ayon sa agency na Maid Provider Incorporated, ang pagkuha daw ng kasambahay ay dapat dumadaan sa tatlong level. Una ay ang pag-babackground check. Pangalawa ay training at orientation para maturuan at mapaalalahan ang kasambahay sa mga dapat niyang gawin at sa mga karapatan niya. At pangatlo ay ang medical screening upang masiguradong walang communicable disease ang isang kasambahay. Ang pagdaan din ng isang kasambahay sa psychological test ay inirerekomenda bagamat ito ay magiging dagdag na gastusin sa employer na kukuha sa kasambahay.
- Kailangan niyo ring alamin kung anong klase o paano ginagawa ng agency ang pagbabackground check nila sa isang kasambahay para masiguradong mahigpit at maayos nilang nasala ang taong makakasama mo.
- Kung kukuha naman ng kasambahay ng hindi dumadaan sa agency ay kinakailangan rin na i-background check ang mga nag-aapply na kasambahay sa pamamagitan ng paghingi ng mga requirements gaya ng biodata o resume, police at NBI clearance upang masiguradong wala silang record ng kahit anumang krimeng nagawa.
- Maganda rin na kumuha ng kasambahay na nirekumenda ng kakilala, kaibigan o isang kapamilya na kung saan madali mong mapagtatanungan ng pagkakakilanlan ng kukunin mong kasama sa iyong bahay.
Source: Yahoo News, The Straits Times
Photo by Jonathan Rados on Unsplash
Basahin: Yaya, hinaluan ng ihi ang gatas ng alagang baby