Bakit makati ang tiyan ng buntis?
Bakit makati ang tiyan ng buntis? Alamin kung normal ba ang pangangati na nararamdaman o sintomas na ng sakit na polymorphic eruption of pregnancy. | Lead image from Shutterstock
Tanong ng ating moms, bakit makati ang tiyan ng buntis? Masama ba ito?
Nasa huling mga buwan ka na nang pagbubuntis. Marahil simula ka nang maghanda para sa pagdating ng iyong supling—iniimpake na ang hospital bag, itinayo na ang crib, at nalabahan na ang mga damit ni baby. Pati ang supling sa loob ng tiyan mo ay tila excited na rin at parang nagsisirko na sa iyong sinapupunan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang dahilan kung bakit makati ang tiyan ng buntis?
- Mga dapat malaman tungkol sa Pruritic Urticarial Papules and Plaques of Pregnancy
- Bakit nagkakaroon ng Polymorphic Eruption of Pregnancy?
- Polymorphic Eruption of Pregnancy Treatment
Ngunit ano ito? Bakit biglang sobrang kati ng tiyan at may rashes na? Normal ba ito?
Bakit makati ang tiyan ng buntis?
Nakagawian nang sabihin na kapag makati ang tiyan ng buntis, ibig sabihin malago ang buhok ni baby. Ito ay kasabihan lamang.
Ang tunay na sanhi kung bakit makati ang tiyan ng buntis ay dry skin! Dahil sa paglaki ng tiyan, nababanat ang balat sa area na ito at nakukulangan ng moisture at nagiging tuyo ang balat. Kapag nagkakaroon ng dry skin, nagiging makati ang parte na ito.
Normal lang na makaranas ng pangangati ng tiyan. Maaaring lagyan ng moisturizer, oil o lotion na safe para sa mga pregnant women.
Ngunit kapag naging sobrang makati na ang tiyan at mayroon nang kasamang mapulang butlig-butlig o rashes, maaaring kundisyon na ito na karaniwan ding nararanasan ng mga buntis.
Ang rash na ito ay tintatawag na polymorphic eruption of pregnancy, o mas kilala bilang PUPPP (Pruritic Urticarial Papules and Plaques of Pregnancy).
Iba-iba ang klase ng polymorphic rash—mayroong mapulang pantal, mayroong mapulang spots, minsan mapulang patse. Hindi pa natutukoy kung bakit nagkakaroon ng PUPPP ang isang buntis, ngunit may mga teorya na tungkol dito. Pero bago ang lahat, alamin muna kung ito ba ang sanhi ng pangangati mo.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang mga sintomas ng miscarriage sa 2nd trimester ng pagbubuntis
Facts tungkol sa PUPPP
- Pangkaraniwan itong nangyayari sa mga buntis. Isa sa bawat 160 na buntis ay pinagdaraanan ito.
- Sobra ang pangangati
- Nagsisimula ito mula sa belly button at kumakalat sa buong tiyan pati na rin sa pwet, hita, braso, at binti.
- Kadalasan lumalabas ito sa unang pagbubuntis. Halos hindi ito nangyayari sa mga susunod nang pagbubuntis.
- Mas pang karaniwan itp sa mga nagdadalangtao ng triplets at twins.
- Sakali man mangyari ito sa mga susunod na pagbubuntis, hindi na ito kasing lala ng nauna.
- Kadalasan na nakakaranas nito ay ang mga lalaki ang baby.
Bakit nagkakaroon ng Polymorphic Eruption of Pregnancy bunga ng makating tiyan ng buntis?
Ang Polymorphic Eruption of Pregnancy, o PUPPP ay mukhang allergic reaction. Ngunit kagaya ng nasabi sa itaas, hindi pa tukoy kung bakit ito nangyayari. Ang dalawang teorya ng mga duktor ay:
Una, nangyayari lamang ito sa third trimester kung saan mabilis lumalaki ang bata. Marahil sa bilis ng paglaki ng bata, nagse-stretch tuloy ng balat ng tiyan kaya nagkakaroon ng rash.
Ang pangalawang teorya naman ay dahil daw napupunta raw ang mga cells ng baby sa dugo ng nanay kaya nagmumukha itong allergic reaction.
Hindi pa napapatunayan ang dalawang teorya kung ito nga ba ang sanhi kung bakit makati ang tiyan ng buntis.
Polymorphic Eruption of Pregnancy Treatment
Polymorphic eruption of pregnancy treatment ay symptomatic. Nakaka-apekto ito sa iba’t ibang bagay dahil sa sobrang kati nito sa tiyan ng buntis. Karaniwan na ginagamit pang-control ng rashes ay ang emollients at topical steroidal creams.
Ngunit huwag mag-alala dahil mawawala ito agad matapos manganak at hindi ito nakaka-apekto sa baby. Kung sakali man, mild rash lang sa baby at mawawala rin matapos ang ilang linggo.
Makating stretch marks ng buntis
Ang stretch marks ay mga bitak-bitak at sanga-sangang guhit o linya na lumilitaw sa pagdating ng late pregnancy. Makikita ito bilang mga linyang kulay pink, pula, maitim o maputi, depende sa kulay ng iyong balat.
Madalas na lumitaw ang stretch marks sa tiyan ng buntis, pero maaari rin silang lumitaw sa dibdib at mga hita. Ang stretch marks, kung minsan, ay nagdudulot ng makating tiyan ng buntis.
Hindi pa tukoy ang sanhi o pinanggagalingan ng stretch marks. Laging iniuugnay ang paglitaw nito dahil sa pagtaas ng pregnancy hormones at sa pagkabanat ng tissue sa ilalim ng balat. Maaari ring bunga ito ng heredity o namanang katangian.
Samantala, hindi maiituturing na sanhi ng pagkakaroon ng stretch marks ang pagkadagdag ng timbang habang buntis. May mga nagbubuntis na mabababa ang timbang ngunit nagkakaroon pa rin ng stretch marks.
Pangangati ng stretch marks
Magkakaiba ang maaaring maging itsura at katangian ng mga stretch marks na lumilitaw sa bawat buntis na mommies. Maaaring sa iba ay mas maninipis na guhit o linya lamang ito. Pero sa mga nagbubuntis ay maaaring may pangangati ng stretch marks.
Ang unang senyales na ikaw ay may stretch marks sa alinmang bahagi ay ang pangangati ng bahagi kung saan ito lumitaw at pagnipis ng balata sa area na ito. Kung nagbubuntis, mas madalas na lumitaw ito sa makating bahagi ng tiyan ng buntis.
Hindi naman delikado ang pagkakaroon ng makating stretch marks ng buntis. Hindi rin ito nagdudulot ng anumang problemang pangkalusugan at walang specific na treatment para dito.
Pagkatapos ipanganak ni baby, unti-unting magfe-fade ang stretch marks at mas hindi na kapansin-pansin. Pero, hindi ito mawawala agad nang tuluyan.
Paano maiwasan na magkaroon ng makating stretch marks ng buntis?
May ilang pamahid na cream na nagsasabing makakapag-alis ng stretch marks agad sa balat. Ngunit, ang ganitong advertisement ay walang mga sapat na patunay.
Maging ang pag-iwas na magkaroon ng makating stretch marks ng buntis gamit ang oils at creams ay walang sapat na pag-aaral. Ang sobrang pagpapahid ng mga ito ay maaari ring magdulot ng mas makati na tiyan ng buntis.
Pero, hindi imposibleng gamit ang home made na oil at creams, o mga organic para ipahid sa makating stretch marks ng buntis.
Ilang home remedies para sa makating stretch marks ng buntis
Ang susi para maiwasang ang malalang pangangati ng stretch marks ay ang pag-iwas na ito ay kamutin dahil mas prone ito sa pagkahiwa ng balat at impeksyon.
Samantala, may mga home remedies na pwedeng gamitin upang maibsan ang pangangati ng stretch marks. Ito ang mga sumusunod:
- Cocoa butter – Ang malapot at ultra-moisturizing na cream na gawa sa cocoa butter ay nakakatulong na panatiling malambot at hydrated ang iyong balat habang pinapawi nito ang pangangati ng stretch marks.
- Moisturizers at iba pang topicals – Maliban sa stretch marks, maaari ring gamitin ang moisturizers at topicals para sa pangangati dulot ng PUPPP. Ngunit, huwag panatilihing nakababad nang matagal sa balat ang mga topicals dahil maaaring numipis lalo ang iyong balat.
- Coconut oil at Vitamin E – Ang mga coconut oil at vitamin E na cream at capsules ay maaari ring makatulong na mapawi ang pangangati ng stretch marks. Kung oily ang balat, maaaring gumamit ng jojoba oil upang maiwasan ang masyadong pag-accumulate ng balat sa oil.
Munting paalala
Maliban sa mga nabanggit na treatment para sa pangangati ng tiyan ng buntis, higit na mas mainam pa rin ang pagkonsulta sa dermatologist at doktor. Hingin ang mga irerekomendang treatment sa partikular na kondisyon ng iyong pangangati ng tiyan. Huwag basta-basta gagamit ng mga pamahid.
Tandaan, nakasalalay din dito ang iyong kapakanan at ni baby.
Karagdagang impormasyon mula kay Nathanielle Torre
British Association of Dermatology, Healthline, NHS, Very Well Family, NHS2, MyHealth Alberta, Peace Health
Dermnet.nz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.