Maraming nanay ang nakakaranas ng paninigas ng tiyan ng buntis (contractions) sa kanilang huling buwan. Ngunit alam mo ba na bukod sa contractions na hudyat na malapit ng manganak ay may iba pang uri ng paninigas ng tiyan ng buntis? Alamin dito ang pagkakaiba ng Braxton Hicks sa totoong contraction.
Ano ang labor contractions o paninigas ng tiyan ng buntis?
Bakit nga ba naninigas ang tiyan ng buntis? Normal lang ba ito at hindi dapat ikabahala? Mayroong dalawang uri ng paninigas ng tiyan ng buntis: ang Braxton at Hicks at ang contractions bilang senyales ng pagle-labor.
Sa panayam ng theAsianparent kay Dr. Katrina Tan ng Makati Medical Center, ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng tunay na contraction at ng Braxton Hicks.
“Ang uterus o matris ay isang muscular organ,” paliwanag ni Dr. Tan. “Ito ay binubuo ng muscle. Kapag nagsimulang mag-labor ang buntis, nagko-contract o umiikli ang muscles at nararamdaman ito ng mga buntis [bilang] paninigas o hilab ng tiyan.”
Saad ni Dr. Tan na ang paninigas ng tiyan o paghilab ng tiyan ay may pagitan o rest period.
“May interval, may pagitan ang mga contractions, so hindi ito tuloy-tuloy. Kapag hindi nag-ko-contract ang matris, ito ay relaxed o mapapansin na malambot ang tiyan.”
Ano ang Braxton Hicks contraction?
Kadalasan nakakaranas din ng Braxton Hicks contraction ang buntis kapag 2nd trimester na ng pregnancy o kapag malapit nang manganak ang isang babae. Subalit, naiiba ito sa tunay na contraction na nagpapahiwatig na manganganak na.
Paliwanag ni Dr. Katrina Tan: “Madalas ‘yong mga buntis makakaramdam ng contractions even before they go into active labor. Iyon ‘yong tinatawag natin na false labor contractions o the Braxton Hicks contraction.”
Ito ay dahil ang uterus ng babae ay gawa sa muscle fiber na malayang humahaba o lumalapad. Nakadepende ito sa stage ng iyong pagbubuntis at kung gaano kalapit nang lumabas ang iyong baby.
Ang tawag sa uri ng contraction na ito ay nagmula kay Dr. John Braxton Hicks, isang manggagamot na kung saan nagbigay nitong pangalan.
Nararanasan ang Braxton Hicks sa anumang yugto ng pagbubuntis. Ngunit nararamdaman lang ang paninigas ng tiyan ng buntis dulot ng Braxton Hicks nang todo pagsapit ng 2nd o 3rd trimester ng ina.
Kilala rin ang Braxton Hicks bilang “false labor” dahil maraming nanay ang nag-aakalang sila ay manganganak na kapag nararanasan ito.
Isa sa pagunahing pagkakaiba ng dalawa, ang Braxton Hicks ay bigla na lang mararamdaman at hindi masakit.
Paninigas ng tiyan ng buntis sa huling buwan: Senyales na ba ng panganganak? | Image from Dreamstime
4 na sintomas ng Braxton Hicks contractions
Ani Doctor Tan, mayroong mga pahiwatig na makapagsasabi kung anong klaseng contractions ang nararamdaman ng buntis. Sa pamamagitan ng mga senyales na ito ay malalaman kung bakit tumitigas ang tiyan ng buntis.
1. Dalas ng contractions
“One good way to tell the difference is to time your contractions. Pansinin o i-record kung gaano katagal ang simula ng naunang contraction hanggang sa simula ng susunod na contraction.”
Ayon kay Dr. Tan, kailangan bantayan at bilangin ito ng buntis sa loob ng isang oras.
“True labor contractions are regular at kapag tumatagal ay naglalapit-lapit [ang mararamdaman na contractions]. Compared to false labor contractions na walang regular interval.”
Ang totoong contraction ay regular at tuluy-tuloy na paninigas at pagsakit ng tiyan. Kapag ito ang naramdaman, dapat nang ipaalam sa iyong health care provider upang ikonsulta kung ano ang maaaring gawin.
2. Nawawala ito kapag nagbabago ng posisyon o nagpapahinga
Bukod sa dalas ng contraction, isa pang pahiwatig na Braxton Hicks contraction ang nararamdaman ng buntis ay ang posisyon ng pag-upo o pag-higa ng buntis.
Ani Dr. Tan, kailangan obserbahan kung mawawala ba ang paninigas ng tiyan kung magbago ng posisyon ang buntis.
“Nagbabago ba ang contraction with movement? Ang false labor contractions ay maaring tumigil kapag nagpapahinga ka.
Kapag nag-change ng position ang buntis. Kapag gumalaw ‘yong buntis. While true labor contractions, tuloy-tuloy ‘yan kahit na nagpapahinga o gumagalaw ‘yong buntis.”
3. Lakas ng contractions o paninigas ng tiyan ng buntis
Samantala, ang panghuling kailangan obserbahan sa paninigas ng tiyan ng buntis ay ang lakas o intensity nito.
“Ang true labor contractions ay palakas nang palakas. While false labor contractions, pupuwedeng mahina at hindi lalakas o mag-start sila ng medyo malakas then later hihina,” saad ni Dr. Tan.
4. Pinanggagalingan ng paghilab
Kung may pananakit na nararamdaman, importante na obserbahan kung saan nanggagaling ang sintomas ng paghilab ng tiyan sa buntis.
Ani Dr. Tan, “Some of my patients say na pagka-true labor contractions siya, the pain actually starts from the back then it moves forward.
Compared to false labor contractions, patients mostly complain pain sa harapan, sa bandang puson.”
BASAHIN:
STUDY: Stress sa pagbubuntis, maaaring may epekto sa brain development ni baby
#AskDok: Wala ba talaga akong mararamdaman kapag gumamit ako ng anesthesia sa panganganak?
#AskDok: Totoo bang malalaman kung buntis ang isang babae sa pamamagitan ng pulso?
Ano ang pakiramdam na makaranas ng Braxton Hicks?
Makakaramdam ka ng mga sintomas ng paghilab ng tiyan sa buntis tulad ng paninikip at paninigas ng tiyan. Hindi ito masakit ngunit maaaring magdulot ng hindi komportableng pakiramdam.
Mararamdaman mo ang Braxton Hicks kung ipapatong mo ang iyong kamay sa iyong tiyan. Ang iyong uterus ay tumitigas at humihigpit. Kung mahigpit na damit naman ang iyong suot, maaaring mapansin ang contraction sa iyong tiyan.
Paninigas ng tiyan ng buntis sa huling buwan: Senyales na ba ng panganganak? | Image from Supplied
Kailan ko mararamdaman ang Braxton Hicks contraction?
May ibang babae na nararanasan na agad ito sa kanilang unang trimester. Subalit karamihan ay nararamdaman ang paninigas ng tiyan ng buntis sa 2nd at 3rd trimester nila. Maaari rin itong maramdaman tuwing:
- Pagtayo pagkatapos umupo
- Pagkatapos makipagtalik o orgasm
- Pagkatapos umihi
- Karaniwan itong nararamdaman sa gabi o pagkatapos ng mahabang araw na ikaw ay pagod
Ano ang gamot sa Braxton Hicks contraction?
Paninigas ng tiyan ng buntis sa huling buwan: Senyales na ba ng panganganak? | Image from Freepik
Wala masyadong paraan para maiwasan ito. Ngunit narito ang mga maaaring makatulong sa ‘yo:
- Pagligo na may maligamgam na tubig.
- Pag-inom ng tubig.
- Isang dahilan ng muscle contraction ang dehydration. Kaya naman panatilihing hydrated ang katawan. Uminom ng madaming tubig!
- Pag-ihi ng madalas.
- Magpalit ng posisyon. Kung ikaw ay nakatayo o naglalakad, subukang umupo at humiga. Ngunit sguraduhin lang na ikaw ay nakatagilid.
- Maglakad.
- Magpamasahe.
- Iwasang magsuot ng mahihigpit na damit.
Pananakit ng tiyan ng buntis
Ngayong alam na natin kung bakit tumitigas ang tiyan ng buntis dahil sa Braxton Hicks at sa sintomas ng pagle-labor, ang pananakit naman ng tiyan ng buntis ang mahalaga ring pag-usapan. Normal ba sa buntis ang pagsakit ng tiyan?
Mayroong iba’t ibang dahilan ang pananakit ng tiyan ng buntis. Narito ang ilan sa mga ito:
Karaniwang struggle rin ng mga buntis ang pagkakaroon ng constipation. Ilan sa mga dahilan ng constipation sa buntis ay:
- Pagbabago sa hormones
- Kakulangan sa fiber
- General anxiety
- Kakulangan sa ehersisyo
Maaaring magdulot ng matinding pagsakit ng tiyan ng buntis ang constipation. Puwedeng malunasan ang constipation sa pamamagitan ng:
- Pagdadagdag ng fiber sa diet
- Pag-inom ng sapat na dami ng tubig.
Mahalagang uminom ng walo hanggang sampung baso ng tubig kada araw ang buntis. Kung nais namang gumamit ng stool softener, kumonsulta muna sa iyong doktor dahil hindi lahat ng stool softener ay ligtas para sa mga buntis.
Puwedeng magdulot ng matinding pananakit ng tiyan at balakang ng buntis ang pagkabanat sa dalawang large ligaments na matatagpuan sa uterus patungong groin area. Habang lumalaki kasi ang baby bump ay nababanat ito kasabay ng pagka-stretch ng uterus.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cotton Bro
Mas matindi ang sakit nito tuwing nababahing, umuubo, o kaya ay nagbabago ng posisyon sa pagkakaupo o paghiga.
Para maiwasan ang pananakit ng tiyan dulot ng pagkabanat ng ligament maaaring gawin ang mga sumusunod:
- Ibaluktot ang hips sakaling nauubo o nababahing
- Dahan-dahang gawin ang pagbangon sa higaan o pagtayo mula sa pagkakaupo.
- Mag-stretching araw-araw
Ang kabag o gas pain sa buntis ay maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan, likod at dibdib.
Nakararanas ng gas pain ang mga buntis dahil sa pagtaas ng progesterone level. Dahil sa progesterone, nagre-relax ang muscles ng bituka kaya tumatagal ang pagdaloy ng pagkain patugo sa intestines. Nagtatagal ang pagkain sa colon kaya naman nade-develop ang gas na siyang nagpapasakit sa tiyan ng buntis.
Lifestyle change ang makakatulong para maiwasan ang gas pain during pregnancy. Iwasang kumain at uminom ng mga sumusunod:
- carbonated beverage
- prito at mamantikang pagkain
- beans
- repolyo
HELLP syndrome
Tumutukoy ito sa kalagayan kung saan ay mayroong hemolysis, elevated liver enzymes, at low platelets ang buntis. Delikado ang kondisyon na ito at nangangailangan ito ng agarang pagkonsulta sa doktor.
Hindi tiyak kung paano nagkakaroon ng ganitong uri ng pananakit ng tiyan ang buntis. Ayon sa Healthline, karaniwan itong nade-develop matapos ma-diagnose na mayroong preeclampsia. Subalit kahit ang mga babaeng walang preeclampsia ay puwede pa ring makaranas nito.
Agad na kumonsulta sa inyong doktor kung makaranas ng mga sumusunod pa sintomas bukod sa pananakit ng tiyan:
- pagdurugo
- pagkamanas
- pananakit ng ulo
- panlalabo ng paningin
- pagsusuka at pagkahilo
- matinding pagod o fatigue
Banta sa buhay ng buntis at ng baby ang kondisyong ito kaya naman mahalagang ipaalam sa doktor kung nakararanas ng HELLP syndrome.
Iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan sa buntis:
- kidney stones
- placental abruption
- miscarriage
- Urinary tract infections
- Appendicitis
- Food allergies
- Stomach ulcer
- Preeclampsia
- Ectopic pregnancy
- Stomach virus
Tandaan
Kung ikaw ay may alinlangan o iba pang katanungan, ‘wag mag-atubiling magpatingin sa iyong doktor.
Ano mang uri ng pananakit ng tiyan ang nararanasan mahalaga ang pagpapatingin sa doktor. Sa pamamagitan nito malalaman mo kung normal ba sa buntis ang pananakit ng tiyan na iyong nararanasan. Samantala, maaaring gamiting gabay ang mga nabanggit sa itaas para sa pagbibigay detalye sa iyong doktor ng iyong mga nararamdaman.
Jane Barry has qualifications in general, paediatric, immunisation, midwifery and child health nursing. She holds a Bachelor Degree in Applied Science (Nursing) and has almost 30 years specialist experience in child health nursing. She is a member of a number of professionally affiliated organisations including AHPRA, The Australasian Medical Writer’s Association, Health Writer Hub and Australian College of Children and Young People’s Nurses.
With additional information from KidSpot and republished on theAsianparent with permission.
Translated in Filipino by Mach Marciano with additional interview by Candice Lim-Venturanza
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!