Kabag ang isa sa pinakamadadalas indahin ng mga buntis. Magandang kumain ng mga pagkaing mataas ang fiber para maiwasan at bilang gamot sa kabag ng buntis.
Mommies, alamin rito ang mga mabisang gamot sa kabag ng buntis.
Bukod sa abalang nararanasan dulot ng morning sickness at labis na pagod, kabag na yata ang isa sa mga pinakamadalas na idinaraing ng mga babaeng nagdadalang-tao. Kaya naman inalam namin ang mga karaniwang sanhi, sintomas at gamot sa kabag ng buntis mula sa isang doktor.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang kabag?
Ang kabag ay ang pagpasok ng sobra-sobrang hangin sa loob ng ating digestive tract. Ilan sa mga karaniwang sintomas nito ay ang pakiramdam na busog na busog, paninigas o paghilab ng tiyan, kakapusan sa paghinga at pananakit ng ibabang bahagi ng likod.
Ngunit paano na nga lang ba kung buntis ang makaranas ng kabag? Hindi ba’t nakakakaba at nakatataranta ito para sa ina, sa takot na baka maapektuhan ang sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan?
Ayon kay Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, isang OB-Gynecologist, mahalagang mai-quantify ng buntis ang kaniyang nararamdaman upang masigurong kabag nga ang kaniyang iniinda. Para makatiyak na kinakabag nga ang buntis, aniya,
“Usually parang bloated siya. Nasa may upper part ng abdomen, hindi ‘yong mismong matris. Hindi matigas ‘yong sa may puson niya.”
“Kung sa may part ng sikmura, bloated sa taas [at] parang matigas ‘yong tiyan niya, so, it’s really a kabag,” pagtitiyak pa ni doc.
Mahalagang malaman ng mga babaeng nagbubuntis kung paano oobserbahan ang iba’t ibang pakiramdam na nararanasan ng kanilang katawan.
Una, upang nalalapatan ng mga tamang paunang lunas ang anumang pakiramdam na iniinda. Pangalawa, nakaiiwas ito sa pag-iisip ng kung ano-ano ng buntis, na nauuwi sa “unnecessary” stress na maaaring makaapekto kay baby.
Pangatlo, mainam na practice ito. Ito ay para higit pang nakikilala ang pangkalahatang kalagayan ng kalusugan ng sariling katawan at ng anak sa sinapupunan.
Kabag sa buntis
Ang kabag sa tiyan ng buntis ay karaniwan at madalas na nangyayari sa buntis. Dahil rito, ang kabag habang nagbubuntis ang isang babae ay isa mga mahahalagang concern na kailangang pagtutuunan ng pansin.
Karaniwan sa mga tao ay naglalabas ng hangin o kabag sa tiyan. Tinatayang labing walong (18) beses sa isang araw maaaring mag-pass ng hangin o kabag ang isang tao. Dagdag pa, naging ganito karami ang pag-pass ng gas dahil sa na-i-poprodue na 4 pints ng pagnanga kada araw.
Sa ibang pagkakataon, ang gas ay isang bloating feeling, na tinatawag ding indigestion. Pero, mas nararamdaman ito bilang kabag sa buntis. Ang passing of gas ay hindi lang rin maituturing na kabag sa buntis. Pwede rin itong pag-utot. Dahil ang pinag-uusapan din ay gas, maaari rin itong hangin o kabag.
Kung ito ay gas o hangin, bilang ang property ng gas ay mag-escape sa container bilang matter, ganun din sa katawan ng tao. Ang pagtakas ng hangin ng tao ay nagiging flatulence, o ‘di kaya ay burping o belching.
Pero paano ang naiipit na gas o ang tinatawag na kabag lalo na sa buntis?
Mga dahilan ng kabag sa buntis
Ang kabag ay maaaring maranasan ng kahit na sino – mapa-buntis man o hindi. Pero, mas nagiging malala ang nararamdamang kabag sa buntis. Ito ay dahil sa pagbabago sa hormones tulad ng pagdami ng progesterone.
Ang progesterone ay nagdudulot ng relaxation sa iyong muscles. Dahil dito, mas nagiging mabagal ang pag-digest ng pagkain. Nagiging indigestion at kabag ang naiipon at mabagal na proseso ng pagtunaw ng pagkain sa katawan.
Isa pang dahilan ng kabag sa buntis, lalo na sa 2nd trimester na pagbubuntis, ay ang paglaki ng uterus, na nagreresulta ng pressure sa abdomen.
Gamot sa kabag ng buntis | Image from Dreamstime
Sanhi ng kabag sa buntis
Kadalasan, ang pangunahing dahilan ng kabag ay ang pagkonsumo ng mga pagkaing nagdudulot ng gas o hangin sa tiyan. Ito ang mga pagkaing mataas sa fiber at caffeine.
Posible ring epekto ito ng mga nakakasamang eating habits gaya ng pagkain nang masyadong mabilis o kaya ang pagsasalita habang kumakain.
Subalit sa mga buntis, ang ilang karagdagang sanhi ng kabag ay posibleng pagbabago at pagdami ng kanilang hormones sa katawan.
Sa unang trimester ng pagbubuntis, gumagawa ang katawan ng mas maraming progesterone na nagre-relax sa ating intestines. Dahil rito, bumabagal ang digestion. Gayundin, ang pagtaas naman ng hormones na estrogen ang dahilan para maimbak ang sobrang tubig at hangin sa katawan.
Pagdating ng ikalawa at ikatlong trimester, lumalaki ang uterus para bigyang puwang ang paglaki ni baby. Dahil dito, nalalagyan ng pressure ang ibang parte ng katawan kaya nagkakaroon ng digestive problems ang buntis gaya ng bloating at kabag.
Ano-ano ang dapat gawin at inuming gamot sa kabag ng buntis?
Dahil ang kabag ay may kinalaman sa discomfort sa loob ng tiyan ng ina, asahang kaakibat nito ang pangamba para sa safety ng sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Kung si Dr. Esquivias-Chua ang tatanungin, bagama’t may gamot na maaaring ibigay sa buntis kung talagang malala o lumalala ang pakiramdam na nararanasan niya, mas mainam na umiwas pa rin sa mga ito hangga’t maaari.
Sa halip, nagbahagi siya ng mga puwedeng gawin kung nakararanas ng kabag ang buntis:
- Maglagay ng warm compress sa itaas na bahagi ng tiyan. Partikular ito sa bahaging sikmura, mula sa itaas ng pusod hanggang sa ilalim ng dibdib.
- Gumalaw-galaw at maglakad-lakad. Makatutulong ito para lumabas paunti-unti ang hangin sa loob ng tiyan.
- Kung constipated at matagal nang hindi nakakadumi, maaaring uminom ng Duphalac para mapalambot ang dumi. Sa pagpapalambot ng dumi, nailalabas din ang “flatulent” o iyong accumulated air. Makapagpapaginhawa ito sa pakiramdam ng buntis.
Gamot sa kabag ng buntis | Image from Freepik
Samantala, kung nakadumi na rin ang buntis subalit hindi pa rin nabawasan ang patuloy na pananakit ng tiyan, mas mabuting kumonsulta na sa kaniyang OB-GYN.
Kailangan ito upang matukoy kung kabag nga ba ang nararanasan ng buntis. Dahil ito’y baka naman paghilab na pala ng tiyang may kinalaman sa lagay ng bata sa loob ng sinapupunan.
Sakaling makumpirmang wala namang contraction, o kaya’y preterm labor na nagaganap, at talagang kabag ang nararanasan niya, maaari na nilang bigyan ng gamot sa kabag ng buntis. Kailangang maobserbahan ang pasyente at magabayan.
Madalas na pag utot ng buntis
Kaugnay ng kabag sa buntis, ang mga sanhi o dahilan din ng madalas na pag utot ng buntis ay katulad sa kung paano nabi-build up ang gas sa katawan.
Ang matinding relaxation ng muscles sa buong katawan dulot ng progesterone level ng buntis ang nagiging sanhi ng mabagal na proseso ng pagtunaw ng pagkain. Dahil sa mga components ng ating digestive tract, mas mabilis ngayong makaipon o makabuo ng gas sa tiyan.
Isa pang resulta ng matinding relaxation ng muscles pagkatapos mag-build up ang hangin ay ang madalas na pag utot ng buntis.
Utot ng utot din ang buntis dahil sa matinding pagka-relax ng muscles sa pwetan o rectal muscles. Mas nagiging madali ang pagre-release ng hangin sa pamamagitan ng utot ng utot ang buntis.
Gamot sa kabag ng buntis
Maliban sa mga precautions na pwedeng gawin kapag nakaranas ng kabag ang buntis, maaaring magpakonsulta sa doktor ng mga gamot na safe inumin. Ang mga gamot sa kabag ng buntis ang maaaring makatulong para maibsan ang kabag at matinding pagsakit ng tiyan.
Pantanggal kabag sa buntis
Narito ang ilan sa mga gamot na pwedeng inumin bilang pantanggal kabag sa buntis. Paalala na kailangan ang reseta mula sa inyong doktor bago bumili o uminom ng mga sumusunod:
- Antacids
- anti-gas na mga gamot
- Lactase bilang pantunaw ng dairy
- Beano na makakatulong sa pagtunaw ng pagkain. Kadalasan itong iniinom bago kumain
Kapag nagpatuloy pa rin ang pananakit ng tiyan kahit uminom na ng gamot pantanggal kabag sa buntis, pumunta agad sa doktor para matiyak ang pinagmumulan ng kabag at sakit ng tiyan.
Paano maiiwasang kabagin ang buntis?
Pagbibigay-diin ni Dr. Esquivias-Chua, ang pinakamainam na gawin ng buntis ay iwasan ang mga posibleng makapagdulot ng kabag. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat tandaan:
- Iwasang magpagutom, pagkatapos ay kakain nang marami at biglaan. “Small frequent eating” ang kaniyang ipinapayo sa mga buntis para makaiwas sa kabag.
- Umiwas na magsalita habang kumakain, pati na kapag umiinom.
- Nguyain nang maayos at may tamang bilis o bagal ang pagkain. Huwag magmadali. Tiyaking nadudurog sa bibig pa lamang ang mga kinain nang hindi ito buo-buong malulunok at babagsak sa bituka.
- Panatilihing maayos ang tindig palagi, nakaupo man o nakatayo.
Gamot sa kabag ng buntis | Image from Freepik
- Tuwing matatapos kumain, maglakad-lakad nang bahagya upang magalaw ang bituka.
- Umiwas sa mga pagkaing nagdudulot ng kabag. Tulad ng mga beans o buto/mabuto at starchy gaya ng patatas, mais, pasta, tinapay, at iba’t ibang klase ng beans at butil tulad ng oat, barley, at kanin.
- Kung may lactose intolerance, umiwas sa pag-inom ng mga gatas. Ito ay dahil madali itong magdulot ng kabag at pakiramdam na nanlalaki ang tiyan at hindi makahinga. Dahil ito sa kahirapan ng bitukang tunawin ang protein o lactose na sangkap at nilalaman ng gatas.
- Umiwas sa mga inuming may soda tulad ng softdrinks. Nagtataglay ito ng carbonated gas na maaaring maipon sa sikmura ng buntis. Ipinagbabawal din talaga ito dahil mataas ang sugar content nito na hindi nakabubuti para sa ina at sa sanggol
Tandaan, kung nakakaranas ng matinding pananakit ng tiyan ang buntis, huwag mag-atubiling kumonsulta sa iyong doktor.
Home remedies para sa kabag ng buntis
Hindi komportable sa pakiramdam ang pagkakaroon ng kabag at minsan ay sumasakit din ito. Kadalasang dahil sa constipation kaya nagkakaroon ng kabag, at maaari itong lumala dahil sa pagbubuntis.
Narito ang ilang home remedy na maaari mong gawin upang maibsan ang pananakit na dulot ng kabag.
-
Uminom ng maraming tubig.
Uminom ng 10 (8-ounce) baso ng tubig araw-araw. Maaari ring bilangin ang ibang liquid na iniinom.
Kung ang iyong kabag ay nagdudulot ng pananakit o extreme bloating, maaaring ikaw ay may irritable bowel syndrome (IBS). Sa ganitong kaso, siguraduhin na ang iyong mga iniinom na juice ay mababa sa mga piling uri ng gas and bloating-promoting sugar na tinatawag na FODMAPs.
Kinokonsidera na low-FODMAP juices ang cranberry, grape, pineapple, at orange juice.
Siguraduhin na bantayan ang iyong sugar intake kapag umiinom ng mga juice at softdrinks, lalo na kung ikaw ay may mataas na risk ng pagkakaroon ng gestational diabetes.
Marami rin sa carbonated drinks ang nagdudulot ng kabag.
Ang physical activity at pag-eehersisyo ay mainam na maging bahagi ng iyong daily routine. Kung hindi kayang makapag-gym, mainam na idagdag ang paglalakad sa araw-araw na gawain. Maglayon na maglakad o mag-ehersisyo ng hanggang 30 minuto sa isang araw.
Hindi lang dahil nakakatulong ang pag-eehersisyo na maging physically and emotionally fit, pero nakakatulong din ito na maiwasan ang constipation at mapabilis ang digestion.
Siguraduhin na magpakonsulta muna sa iyong obstetrician bago magsimula ng anumang klase ng ehersisyo.
-
Bantayan ang iyong kinakain.
Kadalasan sa mga buntis ay pinipiling kumain ng mga masusustansyang pagkain. Karamihan sa mga masusustansyang pagkain ay mayaman sa fiber at ang pagdadagdag nito sa iyong kinakain ay panandaliang nakakapagpataas ng tiyansang magkaroon ng kabag.
Ang ilan sa high-fiber foods ay naglalaman din complex carbohydrates na tinatawag na oligosaccharides. Kapag ang mga bacteria ay sinisira ang oligosaccharides,nagiging dahilan ito para makagawa ito ng nitrogen gas.
Ang mga pagkain na naglalaman ng oligosaccharides ay kinabibilangan ng:
- Beans
- Whole grains
- Repolyo
- Cauliflower
- Brussel sprouts
- Asparagus
Makakatulong ang pagsusulat ng kinakain sa araw-araw upang malaman kung mayroong pagkain na nakakapagpalala ng kabag.
-
Kumain ng mga pagkain na mayaman sa fiber.
Nakakapagpataas man ng tyansa ng pagkakaroon ng kabag sa panandaliang panahon, kapag tumagal ay nakakatulong ito na mabawasan ang constipation, na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng intestinal gas.
Nagdadagdag ng tubig ang fiber at pinapalambot ang dumi. Pinapabilis nito ang pagtunaw ng pagkain dahilan para walang sapat na oras para mamuo ang kabag.
Kung ang isang tao ay magpapalit pa lamang ng high-fiber diet, ang mga sumusunod na paraan ay makakatulong para maiwasan ang pansamantalang pagkakaroon ng kabag.
-
- Unti-unting pagtaas ng dami ng kinakain na fiber
- Pagkain ng kaunting fiber foods upang magkaroon ng panahon para sa digestion
- Nguyaing mabuti ang mga pagkain upang madaling matunaw ng tiyan
- Uminom ng maraming tubig upang masigurado na mayroong sapat na tubig para palambutin ang fibrous stools.
-
Uminom ng fiber supplements.
Nakakatulong ang fiber supplements na maibsan ang kabag sa pamamagitan ng pagbabawas ng constipation. Magpakonsulta muna sa doktor bago uminom ng anumang supplements habang ikaw ay buntis o nagpapasuso.
-
Magsuot ng komportableng kasuotan.
Ang mga damit na masikip sa bahagi ng bewang ay makakadagdag ng pressure sa tiyan na nakakapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng kabag.
Ang pagsusuot ng maluluwag na maternal-wear sa late stages ng pagbubuntis ay maaaring makatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng kabag.
-
Iwasang ang pagiging stress.
Karamihan sa mga tao ay nakakaranas ng malalang kabag kapag nakakaranas ng stress. Ang stress-related na kabag ay maaari ring sintomas ng irritable bowel syndrome (IBS).
Isang gastrointestinal disorder ang IBS na nagdudulot ng pananakit ng tiyan at pagbabago sa bowel habits. Ang mga sintomas nito ay kinabibilangan ng:
- Bloating
- Kabag
- Cramping
- Constipation
- Pagtatae o diarrhea
Bagaman hindi alam ang eksaktong sanhi ng IBS, iminumungkahi ng mga pananaliksik na nakakapagpalitaw ng mga sintomas ang pagkakaroon ng stress.
Ang mga kababaihan na nakakaranas ng kabag dahil sa stress sa pagbubuntis ay maaaring makakuha ng benepisyo sa stress-management at relaxation therapies tulad ng meditation at yoga.
Kailan dapat tumawag sa doktor
Maaaring makaramdam ng discomfort ang isang buntis dahil sa kabag at bloating, pero ang mga sintomas naman nito ay hindi nakakaapekto sa sanggol.
Gayunpaman, magpakonsulta sa doktor kapag ang iyong kabag ay may kasamang:
- Sobrang pananakit ng tiyan na tumatagal ng 30 minuto o higit pa
- Constipation na tumatagal ng higit sa isang linggo
- Diarrhea na tumatagal ng higit sa dalawang araw
- Maitim o madugong dumi
- Nausea at pagsusuka
Ang mga sintomas na ito ay maaaring nagpapahiwatig ng underlying issue kaya’t mainam na makapagpakonsulta agad sa doktor.
Karagdagang ulat mula kina Shena Macapañas at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!