Buntis nanganak sa e-bike sa gitna ng kalsada sa Cogon Pardo, Cebu. Narito ang ilang mga palatandaan ng labor at tips para sa ligtas na panganganak.
Inabutan sa gitna ng kalsada: Buntis nanganak sa e-bike!
Isang buntis na si Zuzette Bensing mula sa Cogon Pardo, Cebu ang inabutan ng panganganak habang sakay ng e-bike patungo sana sa lying-in clinic. Ayon sa ulat ng GMA Pinoy MD, ang hindi inaasahang pangyayari ay naganap habang sila ay nasa kalsada, lulan ng e-bike.
“Naghihintay ako sa asawa ko na dumating galing sa trabaho. Tapos malapit na akong manganak. Sabi niya uuwi siya ng alas singko ng hapon, hanggang makalabas na kami sa kalsada tapos sumakay kami ng e-bike,” salaysay ni Zuzette.

Stock photo mula sa Canva
Bago pa man makarating sa clinic ay biglang lumabas ang sanggol habang nasa gitna ng biyahe. Naging saksi sa pangyayari ang e-bike driver na hindi inaasahan ang ganitong sitwasyon.
“Iyong sa isip ko, makatulong ako sa kanya. Kasi nakakaawa na ‘yong bata naliligo na sa dugo. Ang ginawa ko sinapinan ko na lang ang bata at nagtrapik dahil nasa gitna kami ng kalsada. Nagtrapik na lang ako at tinawag ng midwife. Sa awa ng Diyos nakatulong naman,” ayon sa driver.
Mabuti na lamang at ilang metro lang ang layo ng clinic. Agad na dumating ang mga midwife upang sumaklolo at mapangalagaan ang kalagayan ni Zuzette at ng kanyang sanggol.
Mga palatandaan ng nalalapit na panganganak
Para maiwasan ang mga ganitong pangyayari, mahalagang malaman ng mga magulang ang mga palatandaan ng labor o nalalapit na panganganak:
-
Regular na contractions – Paulit-ulit at palakas nang palakas na pananakit ng tiyan o puson.
-
Pagsabog ng panubigan – Paglabas ng malinaw na likido mula sa ari, senyales na pumutok na ang panubigan.
-
Paglalabas ng “bloody show” – Pagkakaroon ng madugong mucus, senyales ng pagbubukas ng cervix.
-
Pag-ihi o pagdumi ng madalas – Madalas na nararamdaman kapag bumaba na ang baby sa pelvis.
-
Pananakit ng likod – Tuloy-tuloy at hindi nawawalang sakit sa ibabang bahagi ng likod.
Kapag naramdaman na ang mga palatandaang ito, mainam na tumawag agad sa midwife o doktor at humingi ng tulong sa mas ligtas at komportableng paraan ng transportasyon, lalo na kung malayo ang pasilidad.
Stock photo mula sa Canva
Ano ang dapat gawin?
-
Maghanda ng “Go Bag” – Dapat may nakahandang bag na may damit ng ina at sanggol, diapers, ID, medical records, tubig, at snacks.
-
Makipag-ugnayan agad sa healthcare provider kapag may naramdamang senyales ng labor.
-
Iwasan ang stress dahil nakakapagpalala ito ng kondisyon ng ina.
-
Siguraduhing may kasamang adult na marunong humawak ng emergency situations kung kailangang bumiyahe.
-
Alamin ang pinakamalapit na clinic o ospital at kung paano mabilis itong mararating.
Stock photo mula sa Canva
Panganib ng panganganak sa nakaupong Posisyon
Ang panganganak sa e-bike habang nakaupo ay may mga panganib, ayon sa mga eksperto:
-
Mahirap ang paglabas ng sanggol kapag hindi maayos ang posisyon ng katawan.
-
Panganib ng pagkabagok o pagkadulas ng sanggol kung walang sapat na suporta.
-
Maaaring maipit ang pusod o hindi maayos ang paghinga ng sanggol.
-
Hindi sterile ang kapaligiran, kaya mas mataas ang tiyansa ng infection.
-
Puwede ring magdulot ng laceration o pagkapunit ng balat at kalamnan sa ari ng ina, dahil sa hindi kontroladong paglabas ng sanggol sa maling posisyon at walang tamang gabay mula sa healthcare professional.
Ang perineal laceration ay karaniwang nangyayari sa panganganak, pero mas tumitindi ang panganib kung ito’y nangyayari sa hindi tamang pwesto at kapaligiran, gaya ng sa e-bike. Maaari itong magdulot ng matinding kirot, impeksyon, at matagal na recovery ng ina.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!