Tuluyan nang naging kontrobersyal ang ulat tungkol sa diumanong bata binugbog ng madrasta na unang naiulat dito sa The Asian Parent noong Lunes. Sa isang viral video, makikita ang isang batang nasa tatlong taong gulang na maga at may pasa sa parehong mata habang kinakausap ng kaniyang tita na si Mika Lopez sa ospital. Nang tanungin ang bata kung bakit nagkagano’n ang mukha niya, paulit-ulit nitong sinabi na “nabugbog” daw siya at ang itinuturo niyang may gawa nito ay si Berna Espina, na kinakasama ng kaniyang tatay na si Vin Lopez.
Dagdag pa nito na ayaw na niyang tumira kasama ang kaniyang madrasta at tatay. “Ayaw ko doon,” aniya. “Umiyak ako, e. Ayaw ko doon, e. Umiiyak. Bugbog… ni Berna.”
Siniguro naman ng kaniyang Tita Mika na hindi na mapupunta ang bata sa poder ng kaniyang ama. “Sa akin ka na, noh? Pagkagaling mo, noh? Para hindi ka na sa kaniya.”
Depensa ng madrasta
Nakapanayam ng programang Aksyon ang inirereklamong madrasta na si Berna. Aminado ang 19 anyos na “pinapalo ko po” ang 3 anyos na bata. Ngunit giit nito, “Pero hindi ko po siya binugbog.”
Paliwanag pa niya na natamo ng bata ang blackeye sa magkabilang mata dahil sa isang “aksidente.”
“Siguro po do’n sa aksidente… Nauntog po si [pangalan ng bata], pagtulak ko sa ng CR, sa pintuan po.”
Pinabulaanan din nito na nag-post siya ng paghahamon sa Facebook matapos mag-viral ang video ng bata. “Ang masasabi ko lang po sa inyo, bago kayo manghusga, isipin niyo muna kung totoo ba ‘yon.”
Nang ma-interview naman ang tatay ng bata na si Vin Lopez, sinabi nitong wala siyang pinapanigan. “Hindi naman sa hinahayaan, na may kinakampihan ako, inaano ko lang na wala naman talagang nakakita kung anong nangyari sa bata. Hindi naman po siguro sinaktan kasi kung napabigla nga ‘yong bukas ng banyo, maaari.”
Nagbigay ng pahayag ang lola ng bata na si Minerva Ramos—tiyahin ng ama ng bata—na nagulat siya nang makita ang apo na nasa ganoong kalagayan. “Pagkita ko sa apo ko, hindi na siya makakita. Sabi ko, ‘Beh, anong nangyari sa ‘yo?'”
Nang tanungin daw nito si Berna, sinabi daw sa kaniyang nadulas lang daw ang bata sa banyo.
Hindi naniwala ang lola. “Lahi na lang pag kinukuha ko ‘yong bata, may pasa. Lagi siyang nagsusumbong sa akin. Bakit ngayon, grabe?”
Dumating na rin ang tunay na ina ng bata na si Marimar Quilap-Quilap na nanggaling pa sa Nueva Ecija. Ayon sa kaniya, inilayo ng ama ng bata sa kanya ang anak nila at tatlong taon na niya itong hindi nakikita. Hindi niya alam kung nasaan ang bata. Nalaman na lang niya ang nangyari sa anak niya ng makita niya ang video.
“Ang sabi nila nasa maayos na kalagayan ang anak ko, ‘tapos malalaman ko gano’n,” aniya.
Sinampahan na ng dalawang reklamong physical abuse si Berna ng lola at ina ng bata. Pagkagaling ng bata, mapupunta na ito sa kaniyang lola.
Physical abuse
Sa programang Wanted sa Radyo ni Raffy Tulfo sa TV5, nakapanayam niya ang ina, lola, at tita ng bata.
Ayon sa ina ng bata na si Marimar, matapos siyang manganak, nakaranas daw siya ng pananakit sa dati niyang kinakasama. Matapos daw siyang saktan ni Vin, umalis daw ang kaniyang ex ng bahay nila sa Tondo kasama ang bata. Madaling araw na daw, hindi pa rin bumabalik ang dalawa kaya nag-desisyon siyang umalis na rin ng bahay.
Nabalitaan niya sa kapatid ni Vin na si Mika (ang kumuha ng video ng bata) na nakatira na sa Cavite ang dati niyang live-in partner at ang anak nila. Hindi daw niya matunton kung saang lugar naroon ang mag-ama niya. Nakikibalita lang daw siya tungkol sa anak niya kay Mika.
Kasalukuyan daw siyang nasa Nueva Ecija at may iba nang kinakasama, isang construction worker. Nalaman na lang daw niya ang sinapit ng anak niya sa social media.
Sa panayam naman sa lola na si Minerva, sinabi nitong siya talaga ang nag-aalaga sa apo niya sa pamangkin. Ngunit dahil buntis daw si Berna, kinukuha daw ito ni Vin para may kasama si Berna sa bahay.
Napapansin daw ng lola na tuwing ibinabalik ang bata sa kaniya, parati itong may pasa, kalmot, at kagat. Isinusumbong daw ng bata na si Berna diumano ang may kagagawan. Kapag tinatanong naman daw niya si Berna tungkol dito, itinatanggi naman daw ng huli na sinasaktan niya ang bata at parati itong may rason kung bakit nagkaganoon ang bata.
Ipinalagay na lang niya na baka napaglilihian ni Berna ang bata dahil buntis. Baka rin daw nagseselos si Berna dahil hindi nito anak ang bata. Hindi niya raw akalain na sa huling hiram sa kanya ng bata na ganyan ang sasapitin ng apo niya.
Kagaya ni Minerva, hindi rin naniniwala ang kapatid ni Vin na si Mika na aksidente ang nangyari. Nakatira daw siya sa Bulacan at hindi parating nakakadalaw sa pamangkin niya. Pero nang bumisita nga ito noong nakaraan, nakita niya ang sinapit ng bata kaya ni-record niya ang video na nagsusumbong ito.
Willing naman si Mika na tumestigo laban sa diumanong pang-aabuso ng madrasta.