Viral ngayon ang istorya ng diumanong bata binugbog ng madrasta. Sa kumakalat na video, makikita ang isang batang nasa tatlong taong gulang na maga at may pasa sa parehong mata habang kinakausap ng kaniyang tita sa ospital.
“Napano ‘yang mukha mo?” tanong ng tita.
Mabilis na sagot ng bata: “Nabugbog.”
Nang tanungin kung sino ang “nambugbog” sa kaniya, sinabi naman ng bata ang pangalan ng kaniyang madrasta, na nakaupo sa tabi niya.
Tinanong din ng tita kung paano siya binubugbog.
“Sampal, palo. Nabugbog,” sagot ng paslit.
Tinanong ng tita kung ano ang gusto ng bata na gawin sa kaniyang madrasta.
Mariin nitong sinabi, “Bugbog mo ‘to. Namikot ito, e.”
Kaharap ang kaniyang madrasta, sinabi niya rito: “Hala! Bugbog ka. Lagot. Hala! Lagot.”
Dagdag pa nito na ayaw na niyang tumira kasama ang kaniyang madrasta at tatay.
“Ayaw ko doon,” aniya. “Umiyak ako, e. Ayaw ko doon, e. Umiiyak. Bugbog… ni [pangalan ng madrasta].”
Siniguro naman ng kaniyang tita—na hindi kita sa video—na hindi na mapupunta ang bata sa poder ng kaniyang ama.
“Sa akin ka na, noh? Pagkagaling mo, noh? Para hindi ka na sa kaniya.”
Base sa mga sinabi ng tita sa video, nabunyag na nabalian na dati ng buto ang bata nang diumano ay nahulog sa hagdan. Ngunit nang tanungin ang bata kung ano ang tunay na nangyari, sinabi nito na siya ay “nabugbog.”
Ayon pa sa tita, binubugbog din diumano ang bata ng kaniyang sariling ama. Ngunit nang tanungin ng tita kung dapat din bang parusahan ang ama nito, pinagtanggol ito ng bata.
“Hindi ito,” aniya. “Mahal ko ‘yan, e.”
Maririnig din sa video, na kinakausap ng tita ng bata ang madrasta at pinagsasabihan niya ito, “Bata ‘yan, Berna. Hindi naman nagsisinungaling ‘yan. Kahit iharap ko itong video na ito sa maraming tao. Hindi nagsisinungaling ang bata. Ikaw kayang kaya mo magsinungaling.”
Nanay ng biktima
Lumitaw naman ang diumanong nanay ng bata nabugbog ng madrasta at nag-post ng magkakasunod na mensahe para sa madrasta ng anak niya noong Agosto 11.
“Mga Demonyo kayo baket nyo Ginawa to sa anak ko halos hindi na makilala sa sobrang bugbog na ginawa nyo sa anak ko. Sila po yung bumugbog sa anak ko. Tignan nyo po itsura ng anak ko halos hindi na makilala sa sobrang pasa sa muka ng anak ko. Guys tulungan nyo ko na mailapit to kay sir raffy tulfo nakikiusap po ako sa inyo.”
“Eto yung unang pananakit ng demonyo babae na yun grabe ka adik ka ba [pangalan ng madrasta] PARA GANYAN KA brutaL Gawin mu sa anak ko Grabe ka Karmahin ka sana sa lahat ng ginawa mu hindi mu ba naisip na manganganak ka ee panu kung sa anak mu yan gawin anu ba magiging reaksyon mu”
“P*nyeta ka anung Ginawa mu sa anak ko Gawain ba yan ng isang matinong tao Ganu ba kalake kasalanan ng anak ko sayo at ganyan ginawa mu halos patayin muna ee Sana kung Anu Man yung naranasan ng anak ko sayo sana mangyare din sayo sana triplehin pa yung mangyare sayo.”
Umani rin ng pambabatikos ang diumanong nanay ng bata dahil sa sinapit ng anak nito. Sumbat ng mga netizens, dapat hindi niya iniwan ang anak niya sa tatay nito.
“Kung wala rin naman kayong magandang sasabihin pwede ba wag na kayo mag comment kase hindi nyo naman talaga alam kung anu talaga tunay na nangyare samen nung dati kong kinakasama ee tsaka po hindi po ako nagpapaawa.
“Sa twing kinakamusta ko anak ko lageng sbe sken nasa magandang kalagayan daw anak ko Ngaun ko lang nalaman na sinasaktan pala anak ko tinago sken ng dati kong kinakasama yung anak ko tapoz nka block pako sa fb nya kada mag tatanong ako kung san sila bamda sa cavite lagi nilang sagot sken hindi ko alam ???
“Aminado naman ako ee na may pagkakamali rin ako Pero kung nuon pa lang ee alam kona na sinasaktan yung anak ko hindi na para paabutin ko pa sa ganitong sitwasyon Ee kayo anu ba naitulong nyo huh nakakatulong ba yung mga pinag sasasabe nyo na “wala kang kwentang INA” “PABAYANG INA” MALANDING INA SORRY NGA PALA SA INYO HUH KASE PERPEKTONG INA KAYO EE”
Base sa mga posts ng ina, mayroon siyang isa pang anak.
Madrasta
Kasalukuyang naka-private ang mga posts ng madrasta at hindi ito nakikita ng publiko. Wala ring opisyal na pahayag o post ang ama ng bata. Ngunit may kumakalat na litrato na sinasabing nakausap na ng DSWD ang madrasta ng bata.
Wala pang detalye kung nakalabas na ba ang bata sa ospital at kung nakaninong kustodiya na ito.