Nakapanayam ng GMA News ang ama ng bata iniwan sa kotse ngunit tumanggi itong humarap sa kamera. Sa halip ay isang tauhan niya ang nagbigay ng pahayag ukol sa mga pangyayari. Kimumpirma ng tauhan na dalawang beses naiwan ang isang taong gulang na bata sa loob ng nakaparadang sasakyan sa parking lot ng isang kilalang gimikan sa Pasig City.
Paliwanag ng ama na mag-aalas dos ng madaling araw nang dumating silang mag-asawa sa restaurant na kanilang mina-manage. Tulog na noon ang kanilang isang taong gulang na anak kaya’t napagdesisyunan nilang hayaan na lang itong matulog. Iniwan daw nila ang bata sa kotse.
Diin ng ama na nag-iwan sila ng siwang sa bintana ng kotse upang may hangin na pumasok sa loob ng SUV. Makakapagpatunay daw ang kanilang tauhan sa trabaho dito.
Kuwento ng tauhan: “So nung time na ‘yon, nakaupo kami doon, nagkukwentuhan kami ni ma’m, siguro mga five minutes, maya-maya dumating ‘yong guard. Dumating ‘yong guard, sabi niya gising ‘yong bata. So umikot si ma’m, kinuha ‘yong bata.”
Agad naman daw itong pinuntahan ng nanay ng bata at dinala sa restaurant.
“Pagkatapos no’n, nag-stay muna dito rito. Siguro mga 3:30 o magpo-four. Inantok na ‘yong bata. Sinabi ko sa sir ko na baka puwedeng patulugin muna ulit. So ‘yon, noong nakatulog do’n tapos nagpaluto ‘yong sir ko ng pagkain. Ipinagluto ko siya ng pagkain muna.
“Maya-maya andiyan na naman ‘yong gwardiya. Sabi nung gwardiya, gising daw ‘yong bata tapos may nagwawala na raw ro’n. Napi-pikturan daw ‘yong bata kasi matagal na raw do’n. Pero sandaling-sandali lang ‘yon.”
Dagdag ng ama ng bata na hindi sila umiinom ng kaniyang asawa at itinanggi nito na ilang oras naiwan ang bata sa kotse.
Tugma naman ang pahayag ng tauhan sa naunang panayam ng ABS-CBN News sa isang gwardiya na nagsabi na bago pa man nangyari ang pagkuha ng viral video sa bata ay nauna na niyang inalerto ang magulang tungkol dito. Kaya nagulat daw siya nang i-radyo sa kaniya na may bata iniwan sa kotse. “Yon pala, iniwanan niya uli,” saad nito.
Nakausap ng DSWD ang nanay
Ayon naman sa DSWD, nakausap na raw nila ang nanay ng bata iniwan sa kotse. Aminado raw ito na mali ang kaniyang ginawa na pag-iwan sa anak para pakainin ang kaniyang isa pang anak sa isang restaurant.
“Inamin talaga niya na mali ang kaniyang ginawa,” saad ni Director Alice Bonoan ng Protective Services Bureau ng departamento sa panayam niya sa GMA News. “Nakita naman natin na may remorse siya.”
Ngunit ayon naman sa DSWD acting Secretary Virginia Orogo, tuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.
“We will have to review and investigate further ‘yong kaso ng magulang. So we will see. Ensure natin na kaya ba niya ang anak niya. Hindi lang pala isa ang anak niya. Lima ang anak.”
Dagdag pa ni Orogo na kung mapag-alaman na hindi kaya ng magulang na alagaan ang kaniyang anak, maaari itong kunin ng DSWD.
“Pinakamalala niyan is kukunin namin ‘yong bata, noh. We will separate the child,” aniya.
SOURCE: GMA News, ABS-CBN News