Palaging isinasaalang-alang ng mga magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak. Minsan pa nga, panay ang tingin ng mga magulang sa paligid upang masiguradong walang makakapahamak sa kanilang anak.
Pero hindi naman palaging mababantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Minsan ay kinakailangan nilang gumawa ng gawaing bahay, lumabas saglit para may bilhin, o kaya ay magtrabaho. Gayunpaman, kailangan pa rin na siguraduhing ligtas ang bata, upang hindi ito mapahamak.
At sa isang insidente sa China, tila hindi ata nabantayan ng mabuti ang bata, kaya’t siya ay nahulog mula sa ika-6 na palapag ng kanilang tinitirahang gusali.
Paano nahulog mula sa ika-6 na palapag ang bata?
Sa China, isang 3 taong gulang na bata ang nahulog mula sa ika-anim na palapag ng isang gusali. Sa kabutihang palad, ang mga kapitbahay ay nakapaghandang saluhin ang bata gamit ang isang kumot. Nang tuluyan nang mapabitaw ang bata mula sa pagkaka-kapit, siya ay ligtas na nasalo mula sa kapamahakan.
Ang insidente ay naganap bandang alas-4 nang hapon sa isang residential na komunidad sa Chonquing, China. Ang bata ay iniwang mag-isa sa kanilang apartment ng kanyang lola nang ito ay lumabas para mag grocery.
Si Zha Yanhui, miyembro ng stadd ng property management company ang nakakita sa bata. Sa kanyang kwento, napatingala siya nang makita ang bata na nakalambitin mula sa balkonahe sa ika-anim na palapag ng gusali. Ang kanyang naging unang reaksiyon ay ang humanap ng maaaring gamitin para saluhin ang bata. Naisip niya pa nung una na saluhin ang bata gamit ang mga sariling kamay ngunit binalewala din ito dahil alam na hindi magiging epektibo.
Kasama nang iba pang mga nakakita sa pangyayari, gumamit sila Zha Yanhui ng isang kumot para pang salo sa bata. Idinagdag niya na sa kanyang paghawak sa kumot, siya ay hindi sigurado kung magiging sapat ba ito. Maya-maya, nahulog na ang bata.
Makikita sa video ang eksaktong panahon na nahulog ang bata mula sa pagkakakapit sa balkonahe. Makikita rin ang pagkakasalo sa kanya ng mga taong naka-abang sa baba na may hawak na kumot.
Ang bata ay sinugod sa ospital at sa kabutihang palad ay walang tinamo na kahit anong pinsala sa katawan.
Tips para maging safe ang mga bata sa condo
Narito ang ilang tips upang masiguro ang safety ng mga bata kung nakatira sa mataas na gusali:
1. Maglagay ng grills sa mga bintana. Siguraduhin maliit ang mga puwang upang hindi makalusot ang bata. Siguraduhin din na nabubuksan ito at puwedeng maging escape route sakaling may emergency. Maaaring maglagay ng kandado para maisara ito.
2. Siguraduhing walang mga gamit na malapit sa bintana o balkonahe na maaaring akyating ng bata.
3. Isara ang mga bintana at balkonahe kapag umaalis sa kuwartong iyon. Baka sakaling pumasok ang bata at maglaro malapit dito kapag walang nagbabantay.
4. Huwag kalimutang paalalahanan ang mga bata kung bakit delikado na maglaro sa may bintana o balkonahe.
5. Huwag iwanan ang maliliit na bata nang mag-isa. Siguraduhing parating may bantay ang mga ito.
6. Paalalahanan ang mga kasambahay o ang mga yaya na huwag papapuntahin ang mga bata malapit sa bintana o terrace.
Source: CNN
Basahin: Bata nahulog sa condominium habang naglalaro sa bintana