Limang bata patay sa sunog sa Tondo na nangyari kahapon, Agosto 27. Ayon sa mga ulat, walang kasama ang magkakapatid na sina John Michael Twister, 12 taong gulang; Mike, 9 taong gulang; Baby Michael, 7 taong gulang; Marcelo, 5 taong gulang; Jamiel Michael, 4 taong gulang; at Michaela, 1 taong gulang, sa kanilang barung-barong nang magsimula ang apoy.
Nagsimula ang sunog
Ayon kay Mike, ang nag-iisang bata na nakaligtas sa magkakapatid, nakita niyang naglalaro ng lighter ang mga kapatid niya at sinisindihan ang mga damit. Pahayag ng mga bumbero na dito malamang nagsimula ang sunog bandang 9:10 ng umaga.
Maya-maya pa ay nagising si Mike dahil makapal na ang usok sa kanilang bahay. Dahil nakakandado ang pintuan ng kanilang bahay, hindi makalabas ang mga magkakapatid mula sa kanilang ikatlong palapag na tinitirahan.
Hinikayat ni Mike na lumikas ang kaniyang nakakatandang kapatid na si John Michael Twister ngunit hindi ito pumayag na iwan ang kanilang maliliit na mga kapatid na nasa edad na 1 taon hanggang 7 taong gulang. Naglakas-loob si Mike na tumalon mula sa ikatlong palapag. Nakaligtas ito ngunit nagtamo ng minor injuries.
Nang matagpuan ang magkakapatid, lapnos na ang mga balat nito at wala nang malay. Dinala sila sa ospital ngunit dead on arrival na ang limang bata.
Naiwan ng walang bantay
Isang tindera ang ina ng mga bata, si Emily Lopez, habang isang pedicab driver naman ang kanilang ama na si Michael Geminiano. Tuwing umaga, umaalis si Emily upang bumili ng agahan habang tulog pa ang mga bata.
Noong araw na iyon, lumabas si Michael para ipagawa ang kanilang motor. Aminado siya na ni-lock niya ang pinto ng bahay nila.
“Ikinawit ko po ‘yong pintuan, e,” ani Michael sa panayam sa ABS-CBN. “Lumabas po kasi ako, e. Dinala ko po ‘yong motor sa gawaan.”
Pag-uwi niya, nagkakagulo na sa lugar nila dahil sa sunog. Nang matunton ang bahay, nilalamon na ito ng apoy. Sinubukan niyang saklolohan ang kaniyang mga anak.
“Nagsisigawan nga po sila, “Papa! Papa!”
Ayon sa mga ulat, suffocation at burns ang ikinamatay ng magkakapatid.
Bandang 1:33 p.m. na nang mag-declare ng fire out ang mga bumbero. May 30 bahay ang natupok ng apoy.
Fire prevention tips
May tatlong P’s na kailangang tandaan lalo na kung may kasamang bata sa bahay:
Prepare. Mas maige nang handa bago pa naman mangyari ang sakuna.
- Mag-install ng smoke alarm sa bahay.
- Lagyan ng smoke alarm sa labas ng mga kuwarto na tinutulugan.
- Palitan ang mga smoke alarms tuwing 10 taon. Siguruhing gumagana ang mga smoke alarm. Palitan ang mga baterya tuwing 6 na buwan.
- Iwasan ang octopus connection sa mga outlet at extension cords.
- Huwag mag-iwan ng buhay na mga kandila.
- Itago ang mga posporo at lighter sa mga bata.
- Kapag mag clothes dryer, huwag hayaan na maipon ang mga himulmol.
- Itapon ang mga lumang electrical appliances.
Practice. Siguruhin na mayroon kayong escape plan sakaling may mangyaring sakuna. Mag-practice kasama ang mga anak. Kung nakatira sa condo o apartment building, alamin kung saan ang mga fire escape.
Turuan ang mga anak ng mga sumusunod:
- Turuan sila ng Sto, Drop, and Roll technique kapag nasusunog ang damit nila.
- Turuan silang gumapang sa sahig palabas ng fire escape para maiwasan na makalanghap ng usok.
- Turuan na kailangan hawakan muna ang pinto bago ito buksan. Kapag mainit ang pinto, ibig sabihin may apoy sa kabilang side ng pinto at hindi ito dapat buksan.
- Turuan na huwag nang pumasok ulit sa nasusunog na building kapag nakalabas na.
Prevent. Kalimitan sa mga sunog, ang pinakamapanganib ang init ng apoy at ang usok. Kapag nakakalanghap ng mainit na hangin, nasusunog din ang baga. Habang ang usok naman ay masama sa baga at pinipigilan tayong makahinga ng maayos. Madalas, namamatay ang mga biktima ng sunog dahil sa paglanghap ng madaming usok.
Laging tandaan na ang nakakalasong usok ay pumupunta sa kisame muna bago nito punuin ang buong lugar, kaya importante na matutunan na gumapang para hindi ito malanghap.
Kapag may dalang baby, protektahan ito gamit ang iyong katawan, sakaling may mga mahulog na debris galing kisame. Sigurihin din na yumuko para hindi makalanghap ng usok si baby.
Kapag napuno na ng usok at apoy ang lahat ng lagusan, huwag nang umalis sa kuwarto. Takpan lahat ng siwang ng basang tela. Gumamit ng flashflight at itutok ito sa bintana. Pahigain ang mga bata sa kama. Unang tinitignan ng mga bumbero ang paligid ng kama ng bata kaya mas malaki ang tsansa na matagpuan sila agad.
SOURCES: Philstar, Inquirer, ABS-CBN