BABALA: Ang artikulong ito ay naglalaman ng sensitibong balita tungkol sa karahasan. Maaaring huwag nang basahin ang balita, kung sa palagay mo ito’y makaaapekto sa iyong isipan.
Karumaldumal ang pagkamatay ng isang 5-year-old na batang lalaki sa Sitio Lawis, Barangay Suba-Basbas, Lapu-Lapu City. Ang bata pinatay ng kaniyang 14-anyos na half-brother.
Bata pinatay ng kapatid dahil sa galit sa ama nito
Kalunos-lunos ang sinapit ng 5-anyos na batang lalaki sa kamay ng kaniyang teenager na half-brother. Naglalaro lamang daw ang magkapatid nang biglang kumuha ng bato ang 14-anyos na lalaki at pukpokin ang ulo ng kaniyang nakababatang kapatid.
Hindi pa rito nagtapos ang ginawang krimen ng binatilyo. Ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, nang mawalan ng malay ang batang lalaki matapos pukpokin ng bato ng kapatid, ay itinulak pa ng binatilyo ang walang malay na bata sa dagat hanggang sa ito ay malunod.
Napag-alaman sa imbestigasyon na kaya umano ito nagawa ng binatilyo ay dahil galit siya sa kaniyang step father, na tatay ng biktima.
Matinding galit sa amain, dahilan ng pagpatay sa kapatid
“Naglagot siya kay sige siya gipalayas sa papa sa manghud (He is mad because he was kept on being asked to leave the house by the younger’s father),” kwento ni Torres.
Matindi umano ang sama ng loob ng 14-anyos dahil palagi umano siyang sinasabihan ng kaniyang amain na lumayas na sa kanilang bahay.
Ang teenager na suspek ay anak ng kanilang ina sa una nitong asawa. Naghiwalay na ang mga ito at ngayon ay kinakasama ng ina ang ama ng biktima.
Patuloy pa rin umano ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nangyaring krimen.
Sa ngayon ay nasa home care facility na ang 14-anyos na lalaki dahil hindi pa ito maituturing na criminally liable. Menor de edad pa kasi kaya hindi pa ito maaaring ikulong sa regular na bilangguan.