Isang batang babae na naka-uniporme pa ang muntik nang ma kidnap habang siya ay naglalakad pauwi sa kanilang bahay mula sa paaralan.
Kidnap! Bata muntik nang tangayin ng lalaking nakamotorsiklo
Naglalakad ang batang babae sa Barangay San Agustin, Concepcion, Tarlac nang sabayan siya ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Sa report ng GMA Public Affairs sa kanilang programang Good News, ipinakita ang CCTV footage kung saan ay makikita na pumasok sa isang kainan ang bata na nakasuot pa ng uniporme.
Larawan mula sa Shutterstock
Kwento ni Analyn Dela Cruz, may-ari ng kainan ay abala sila nang mga sandaling iyon dahil maraming namimili. Kaya naman hindi nila napuna ang pagpasok ng bata.
Pumasok pala ang bata upang magtago sa lalaking sunod nang sunod dito. Kita rin sa CCTV ang pagtigil ng lalaking naka-motor sa tapat ng tindahan. Hinihintay nito na lumabas ulit ang bata.
Ilang minuto nga ang lumipas at lumabas ulit ang bata. Pero nang makita nito na naroon pa rin ang lalaki ay agad itong bumalik. Doon na umano sa pagkakataon na iyon lumapit sa ginang ang bata at umiyak.
Maririnig sa video ang pag-iyak ng bata at pagsusumbong nito,
“May nagpapasakay po sa akin. ‘Yong lalaki po roon. Hindi ko po siya kilala. May kumukuha po sa akin.”
Nabahala naman ang may-ari ng tindahan at mga kasama nito. Kaya agad na sumaklolo si mommy Analyn sa batang babae. Lumabas siya pati na rin ang ilan niyang staff upang tingnan ang tinutukoy ng bata. Kaya lamang ay hindi na raw niya ito inabutan.
Larawan mula sa Shutterstock
“First time lang pong nangyari ‘yon, Ma’am. Kaya natakot din po kami. Talagang sinubukan ko pong habulin ‘yong tao dahil may motor din naman ako. Kaya lang hindi na namin siya na-ano talaga.”
Agad naman umanong tinawagan ni mommy Analyn ang pamilya ng bata upang sunduin ito.
Sa interview ng GMA Public Affairs sa tiyahin ng bata, kinuwento nito na pinipilit daw na pasakayin ng lalaki ang bata sa kaniyang motor. Sabi pa nito ay ihahatid na niya ang bata sa pupuntahan nito. Buti na lamang daw ay nagpalusot ang bata at sinabing, “sandali lang po may bibilhin lang po ako.”
Ayon sa pamilya, hatid-sundo naman sa paaralan ang bata. Kaya lamang, noong araw na iyon ay nagkataong masama ang pakiramdam ng ina kaya hindi niya ito nasundo.
Matapos na muntik nang ma kidnap ay naging mahirap para sa bata na pumasok sa school dahil sa takot.
Agad din namang rumesponde ang barangay sa insidente. Kaya lamang ay hindi umano makita nang maayos ang plate number ng motor. Bilang aksyon ay nag-conduct ang mga barangay official ng security awareness sa mga kalapit na paaralan.