Viral ngayon sa Facebook ang insidente tungkol sa isang batang nahulog sa condo unit. Nangyari daw umano ang insidente sa isang condominium sa Parañaque City noong August 31.
Batang nahulog sa condo unit: Ano ang nangyari?
Ayon sa Facebook post ng ina na caretaker ng unit, kakatapos lang daw mag check out ng tenant nang mangyari ang insidente.
Kasama raw niya ang kaniyang anak, at siya ay naglilinis ng condo unit na nasa 16th floor ng building. Binuksan daw niya ang TV, at binigyan ng pagkain ang kaniyang anak habang siya ay nagtatrabaho. Lumabas siya saglit upang itapon ang pinagwalisan. Akala niya ay nakasunod sa kaniya ang kaniyang anak, ngunit pagbalik niya ng unit, aksidente palang nasa loob ang bata at naka-lock na ang pinto.
Bubuksan na sana niya ang unit, kaso paghawak niya sa kaniyang bulsa ay wala doon ang susi, at naiwan pala niya sa loob. Sinubukan niyang kausapin ang kaniyang anak upang buksan ang pinto, pero hindi daw nito maikot ang pihitan.
Mabagal ang pagtulong sa kaniya ng staff ng condominium
Bumaba ang ina sa lobby upang humingi ng tulong, kaso hindi siya agad natulungan dahil kailangan pa daw niya humingi ng request sa engineering. Ngunit pagpunta niya sa engineering, ang sabi sa kaniya ay kailangan pa daw ng locksmith, at mag fill-out ng request.
Nagmamakaawa na siya sa staff ng condominium dahil nag-aalala na siya para sa kaligtasan ng kaniyang anak. Sinabi pa ng engineering na baka abutin pa daw ng 45 minutes bago makarating ang locksmith. Dahil wala na siyang magawa, nagdesisyon na lang ang ina na mag-antay, at binalikan ang kaniyang anak sa taas.
Pagbalik niya sa taas ay nakasalubong niya ang isang janitor na tinanong kung anak daw niya ang nasa unit at umiiyak. Kinakalampag daw ng bata ang pinto ng paulit-ulit. Sinubukang tawagin ng ina ang kaniyang anak, ngunit walang sumasagot sa kwarto.
Di kalaunan ay nakarating din ang locksmith at nabuksan ang pintuan ng unit. Ngunit pagpasok nila, nawawala na ang bata sa loob ng unit. Hinanap ito ng ina kasama ang security, at sa kasamaang palad ay nakita nila ang nang sumilip sila sa balcony. Nasa metal grills daw ang katawan ng 4 na taong gulang na bata, at hindi na ito gumagalaw.
Dali-dali nilang dinala ang bata sa ospital, ngunit sa kasamaang palad ay namatay din ito dahil sa tinamong pinsala nang siya ay nahulog.
Dagdag pa ng tatay ng bata, posible raw na nagpanic ito dahil hindi siya makalabas. Kaya daw baka pumunta ang bata sa balcony at nagbakasakaling lumabas doon.
Nalungkot ang ina ng bata dahil napakatagal daw bago siya matulungan ng condominium staff. Dagdag pa niya na kahit daw hindi siya ang mismong tenant sa building, sana ay tinulungan pa din siya agad-agad.
Ayon sa huling mga balita, ay nai-cremate na daw ang bata. Ngunit nasa bahay lang nila ang mga labi nito, dahil hindi pa nila kayang gastusan ang paglagak ng mga labi ng bata sa columbarium.
Humihingi rin ng tulong ang ina ng bata dahil sa pagkamatay ng kaniyang anak.
Batang nahulog sa condo unit, nailigtas sana kung natulungan kaagad
Aminado ang ina ng bata na may kasalanan din siya sa nangyari. Ngunit kung tutuusin, nailigtas sana ang bata kung mabilis na tumulong ang guard dahil ito ay isang emergency.
Sa halip na tumulong ay pinaikot-ikot pa nila ang ina ng bata, na naging dahilan upang magpanic ang batang nahulog sa condo unit.
Mahalaga sa mga magulang na palaging tutukan ang kaligtasan ng kanilang mga anak, lalong-lalo na ang mga nakatira sa condo units. Heto ang ilang mahahalagang tips:
- Siguraduhing hindi maabot ng mga bata ang bintana, at palaging nakasara ito, o may grills na nakaharang upang hindi sila mahulog sa bintana.
- Ugaliing magkaroon ng spare key na puwedeng ipatago sa admin ng building, o kaya sa isang pinagkakatiwalaang kapitbahay.
- Huwag hayaang maglaro ang iyong anak sa may hagdanan, o kaya sa may elevator ng building.
- Palaging bantayan at alamin kung nasaan ang iyong anak.
- Iwasang i-lock ang mga pinto, lalo na kung iniiwan mo ang iyong anak sa loob ng unit. Kung puwedeng palaging may kasama ang bata, mas mabuti.
Source: Philstar
Basahin: Bulutong tubig ikinamatay ng isang taong gulang na bata!