Bawal ang kape sa bata, ito ang paalala ng mga eksperto sa mga magulang ng isang 2-anyos na bata na kape ang iniinom imbis na gatas. Pag-inom ng kape ng bata nagsimula daw noong siya ay mag-anim na buwang gulang.
Batang kape ang iniinom imbis na gatas
Dahil sa kahirapan ay walang nagawa ang mga magulang ni Khadijah Haura, 2-anyos mula sa West Sulawesi, Indonesia kung hindi kape ang ipadede sa kaniya. Ayon sa mga magulang niya na sina Sarifuddin at Anita ay hindi daw nakakatulog si Khadijah kapag hindi nakadede ng kape. Ito na daw ang nakasanayan ng bata magmula ng ito ay mag-anim na buwang gulang.
Sa ngayon sa araw-araw ay nakakaubos ng limang baso o 1.5 liters ng kape si Khadijah. At ang itinuturong salarin ng mga magulang ni Khadijah para makasanayan ito ay ang kakulangan sa pera at kahirapan. Dahil ang parehong magulang ni Khadijah ay umaasa lang sa pagkokopra na kung saan kumikita lang sila ng P100.00 sa araw-araw. Kulang na kulang para maibigay ang kaniyang pangangailangan.
Bagamat malusog at normal kung titingnan si Khadijah, nag-paalala naman ang local health officer ng West Sulawesi sa mga magulang ng bata. Dapat daw tigilan na ni Khadijah ang pag-inom ng kape. Dahil ito ay makakasama sa kaniyang kalusugan kinalaunan.
Ngunit bakit nga ba bawal ang kape sa bata? Ano nga ba ang magiging epekto nito sa kalusugan nila?
Bakit bawal ang kape sa bata
Ayon sa isang 2015 study na isinagawa ng Boston Medical Center, bawal ang kape sa bata dahil sa napakaraming dahilan at epekto nito sa kalusugan.
Una, ang pag-inom ng kape lalo na ng mga 2-taong-gulang na bata ay nagpapataas ng kanilang tiyansa ng hanggang tatlong beses na maging obese kapag sila ay tumungtong na sa kindergarten.
Ang mataas na doses din ng caffeine ay maaring magdulot sa bata ng seizures at cardiac arrest na maaring mauwi sa kamatayan.
Bagamat hindi pa tukoy kung ano-ano pa ang maaring maging epekto nito sa kalusugan ng isang bata tinatayang tumataas ang kanilang risk na makaranas ng negative health outcomes sa tuwing sila ay iinom ng kape. Ito ay dahil hindi pa kaya ng kanilang katawan na i-proseso ang caffeine.
Naitatawid man ng pag-inom ng kape ang gutom para sa ibang bata, mabilis din naman nawawala o nauubos ang energy na mula rito. Dahilan para mas madalas silang makaramdam ng gutom sa tuwing umiinom ng kape.
Pinaniniwalaan ding nagdudulot ng long-term side effects ang pag-inom ng kape sa developing brain ng mga bata. Kaya para sa mga eksperto, hindi daw dapat pinapainom ng kape ang isang bata hanggang siya ay mag-18 years old. Dahil bukod sa wala silang makukuhang benefits dito ay marami rin itong damaging side effects. Ito ay ayon kay Dr. Kristine Powell, isang pediatrician mula sa St. Vincent Medical Group.
“No amount is OK for toddlers or young children. There have been studies that show caffeine can cause increased blood pressure, heart rate and seizures in young children. It’s also been associated with heart arrhythmias.”
Ito ang dagdag na pahayag ni Dr. Powell.
Bawal din ang mga inuming may taglay na caffeine
Pero hindi lang daw dapat black coffee ang tigilang inumin ng mga bata. Dahil may mga coffee beverage rin na tulad ng frapuccino o soda ang nagtataglay ng caffeine, sugar at empty calories na nagdudulot rin ng mga nabanggit na epekto sa kalusugan.
Kaya dagdag na paaalala ni Dr. Powell sa mga magulang, kailangan nilang siguraduhin na walang kahit anong uri ng caffeine na naiinom ang mga bata. Para naman sa mga baby ay tanging breastmilk o formula milk lang ang dapat nilang inumin hanggang sa kaya na nilang kumain ng solid food sa kanilang ika-apat o ikaanim na buwan.
Ang pag-inom naman ng juice ay maari ng simulan ng mga baby kapag sila ay 6 months old na. Ngunit ito ay dapat may limitasyon na hanggang 4 ounces lang kada araw. Ito ay ayon naman sa American Academy of Pediatrics.
Muli, bawal ang kape sa bata. Para sa malusog na pangangatawan ay bigyan sila ng gatas na puno ng sustansya at bitamina na kailangan nila.
Source: AsiaOne, What To Expect, Very Well Family
Basahin: Pag-inom ng kape, hindi mabuti para sa mga nagbubuntis