Bawal bang halikan ang baby sa mukha? Hindi biro, at lalong hindi pagiging OA o “exagerrated” ang pagbabawal sa mga tao na humalik dito. Ang totoo: may tunay na panganib na dala ang bawat halik sa pinakamamahal mong baby.
Kapag bagong panganak kasi, at sa mga unang buwan ng sanggol, lahat ay humaling na humaling sa kaniya. Kaya naman hindi maiwasan ng mga kaanak at mga kakilala (ng kaniyang mga magulang) na mapahalik sa mabango at cute na cute na baby. Di ba’t parang naghihintay palaging mahalikan ang kaniyang mapupulang pisngi, o malalambot na paa?
Bagamat importante ang pagpapakita ng pagmamahal para sa development ni baby, kailangang pag-isipang mabuti ng mga magulang ang pagpapahalik sa kanilang sanggol, sa mukha, o sa kahit anong bahagi ng katawan, lalo na sa bibig.
Hindi pa nga ang halik ng ibang tao ang dapat ipag-alala. Mga bisita, kaibigan, kaanak, as maski si Mommy at Daddy, Lolo at Lola ay pwedeng makapagdala ng panganib. Alam niyo bang ang paghalik ay isang siguradong paraan ng paglipat at pagkalat ng germs na maaaring magdala ng panganib kay baby?
Maraming paraan para maiparamdam sa mga sanggol ang labis na pagmamahal ng mga magulang at kaanak. Ngunit ang isang paraan para suportahan ang kalusugan ng bata ay ang pagtatakda ng patakarang: bawal halikan si baby.
Kahit hindi natin gustong malagay sa peligro si baby, hindi natin malalaman kung paano at saan, o kanino nila makukuha ang anumang germs o virus, na may dalang sakit.
Talaan ng Nilalaman
Bawal bang halikan ang baby sa mukha?
Narito ang ilang pinakamalubhang sakit na posibleng makuha dahil sa paghalik kay baby:
1. Sipon at ubo
Pinakakaraniwang alam ng lahat ang pagkahawa sa sipon at ubo dahil sa paghalik. Dapat alam ng mga matatanda na nakakahawa ang sakit na ito, at dapat umiwas sa mga sanggol at bata dahil mahina ang resistensiya nila, lalo kung kapapanganak lang hanggang 3 buwang gulang. Tandaan na nahahawa ang bata dahil madalas ay airborne o nananatili sa hangin ang germs na may dalang sakit. Kaya pati ang pagyakap sa sanggol kung may sipon o ubo ay dapat iwasan.
2. Cavities
Nakakagulat, pero totoong nakakahawa o napapasa ang cavities sa bata. Ang Streptococcus mutans ay bacteria na sanhi ng cavities. Naipapasa ito sa pamamagitan ng laway. Kaya’t kapag humahalik, lalo na sa labi, maaaring maipasa ito ng hindi nalalaman. Makikita na lang na nabubulok ang ngipin, at nanlulumo sa sakit ang bata.
Ang pagsasalo ng pagkain, Pati na rin ang pag-ihip nito kapag mainit ay maaari ding makahawa ng cavities, kaya’t dapat iwasan.
3. Herpes Simplex Virus (HSV)
May 2 uri ng HSV: ang HSV-1, o cold sores, na nasa bibig; at ang HSV-2, o genital herpes. Ang HSV1 ay napapasa sa pammagitan ng paghalik. Sa kahinaan ng immune system ng isang sanggol, hindi kakayanin ang sakit na dala ng cold sores. Kumakalat ang virus mula sa labi (dahil nahalikan) papunta sa buong katawan, kaya’t unti-unting manghihina ang sistema ng sanggol, na wala pang panlaban sa anumang sakit.
Kung makikita ng magulang ang mga sintomas ng HSV, maaagapan ang anumang paglala ng sakit.
4. Ang “Kissing Disease”
Bawal halikan si baby dahil sa Mononucleosis.
Ang Mononucleosis, o “mono”, ang sakit dahil sa paghalik ay kilalang nakamamatay. Bukod sa paghalik, napapasa ang impeksiyon sa pamamagitan ng pag-inom sa parehong baso at tubig o liquid mula dito, o pagsasalo ng pagkain, at paggamit ng parehong kubyertos.
Maraming sintomas ang mononucleosis. Lagnat, sobrang pagod, pagkahilo at magang lymph nodes ang ilan dito. Kapag sanggol ang nagkaron ng mono, maaaring sipon lang o runny nose at pagkabagot ang makikitang sintomas. Walang gamot para dito dahil ito ay viral, kaya’t mahirap ito lalo para sa isang sanggol. Bukod pa dito, maaari ring maging tagapasa ng virus ang bata na mula isang tao, papunta sa iba pang humalik sa kaniya.
5. Ang RSV o respiratory syncytial virus
Ang RSV ay isang viral infection na umaatake sa lungs o baga ng bata kaya’t hirap itong huminga. Dahil sa maliit pa lang ang daanan ng paghinga niya, kapag may RSV, mas hirap ang paghinga niya kaysa kung matanda na ang meron nito. Maaari din itong maging pulmoniya, isa pang fatal na kondisyon.
Ang RSV ay labis na nakakahawa, kaya’t mahirap maiwasan ang pagkahawa dito. Kaya din pinapayo ng mga doktor na umiwas din sa mga mataong lugar kapag kasama ang sanggol.
6. Food Allergies
Alam niyo bang nalilipat ang allergen sa pamamagitan ng paghalik lamang? Kung may hindi pa nalalamang allergy ang sanggol o bata, at nahalikan ito ng taong kumain o may labi (“crumbs”) pa ng mga allergen sa kanilang bibig, labi o lipstick, “trigger” pa din ito ng allergy.
7. Pertussis o Whooping Cough
Ang pertussis ay delikado para sa mga sanggol. Bagamat may bakunang DTAP na para sa pertussis, hindi pa nababakunahan ang bata o hindi pa sapat ang dose na naibigay sa kaniya.
Labis na nakakahawa ang ubo, at mabilis na mahahawa ang sanggol o batang wala pang isang taong gulang, dahil sa hindi pa kumpletong pag-unlad ng sistema niya.
8. Hand, foot and mouth disease
Ang enterovirus ay sanhi ng hand, foot, and mouth disease, at dahilan ng paglabas ng mga sores o rashes sa kamay, paa at bibig ng batang tinamaan ng virus na ito. Masalas ay masungit at madaling mapagod ang batang may HFMD, bukod pa sa lagnat.
Ang panganib ay totoo
Ang mga sakit na nabanggit ay nakakaapekto sa bata at matanda—at ang mga ito ay hindi biro ang sakit na dulot. Mahalagang malaman ito ng mga magulang para maipaliwanag sa mga kaanak o kaibigan, pati na rin sa mga tao kung bakit hindi dapat hinahalikan ang mga sanggol sa mukha, pisngi, kamay, paa, lalo na sa labi. Tandaan na isinusubo ng bata ang kaniyang paa at kamay, pati braso, kaya’t kahit dito pa halikan, ay makakahawa pa din.
Paano makakapag-ingat?
Bawat bahagi ng katawan natin ay may bacteria at virus, na kadalasan ay hindi naman nakakaapekto sa mga matatanda. Pero kapag sanggol ang tinamaan, malala ang epekto. Dalhin kaagad sa doktor ang bata kapag nakakita ng anumang sintomas, maski pa pagka-irita lang ng bata. Bawal halikan muna ang iyong anak.
Gawin ang mga sumusunod:
- Maging masusi din sa personal at oral hygiene, at hikayatin ang lahat ng kasama sa bahay na maging ganito din.
- Alagaan din ang oral hygiene ng baby, lalo’t naglalaway ito.
- Maghugas ng kamay bago hawakan ang bata. May mga germs na maaaring namamahay sa hinawakang remote control, tuwalya, cell phone, o iba pang bagay.
- Magpalit ng damit kung galing sa labas, pagdating sa bahay, bago hawakan at kargahin ang baby.
- Paliguan ang bata araw araw.
- Gumamit ng baby wipes para linisin ang bibig at mukha ng bata.
- Paliwanagan ang mga kamag-anak ang kaibigan tungkol sa mga pag-iingat na ginagawa para kay baby.
- Magtakda ng sariling kubyertos at pinggan para sa bata, bukod sa mga ginagamit ng mga matatanda at iba pang bata sa bahay.
- Ang mga taong may respiratory condition tulad ng common cold, influenza o ubo, bulutong o intestinal illness, ay dapat umiwas na lumapit, lalo pa’t humalik sa baby.
Ang pagkakaron ng panuntunan na “bawal bang halikan ang baby sa mukha” ay paraan para maiwas ang bata sa anumang sakit, malala o hindi.
Siguradong maiintindihan ito ng mga kakilala at kamag-anak, lalo na kung alam nilang para ito sa kaligtasan ng sanggol. Anuman ang sabihin ng iba (may mga magsasabing, “Napakaselan naman”, sabay taas ng kilay), mas mabuti nang mag-ingat kaysa mapabayaang magkasakit ang bata. Hindi naman kasi nakakatuwa na kahit sino na lang ay lalapit ang mga bibig at mukha nila sa pinakaiingatang sanggol. Walang mawawala kung mag-iingat, pero ang bata naman ang magdurusa kung mahahawa ng sakit sa murang edad.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.