Mababasa sa artikulong ito:
- Mga beauty products na bawal sa breastfeeding mom.
- Ano ang maaring maging epekto nito sa ina at kaniyang pinapasusong sanggol?
- Mga dapat tandaan ng mga breastfeeding moms bago gumamit ng mga beauty products.
Kung ikaw ay nagpapasuso, maraming do’s and don’ts na naidadagdag sa listahan mo. Mas nagiging maingat ka sa mga kakainin mo, iinumin o kahit na sa mga i-aaply mo sa iyong mukha.
Totoo nga ito lalo na sa mga cosmetic products na nakakapagputi umano ng balat. Sapagkat ang mga ito umano’y maaaring makasama sa ‘yo at sa iyong sanggol. Ating alamin sa artikulong ito kung bakit.
Mga beauty products na bawal sa breastfeeding mom
Sa unang anim na buwan ng buhay ng iyong anak, ang iyong breastmilk ang tanging source niya ng nutrisyon. Kaya naman kung nagpapasa ito ng nutrisyon sa iyong sanggol ay maaari rin itong magpasa ng harmful chemicals sa kaniya.
Gaya na lamang ng alcohol, drugs, chemicals at lead. Ang mga ito maaaring magdulot ng seryosong problema sa iyong sanggol.
Ngayon, karamihan ng mga cosmetic products ay may sangkap na makakasama sa breastfeeding mom at kaniyang sanggol.
Kaya naman, kung nagpapasuso mas mabuting usisain muna ang mga ingredients na ginagamit mo sa iyong balat. Ilan sa mga beauty products na bawal sa breastfeeding moms ay ang sumusunod:
Retinoids
Karamihan ng mga beauty products sa ngayon ay nagtataglay ng kemikal na kung tawagin ay retinoids.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga produktong may retinoids ay hindi inirerekumendang gamitin ng mga babaeng nagdadalang-tao.
Sapagkat naa-absorb ito ng kaniyang balat at humamahalo sa kaniyang dugo. Ito rin ay napupunta sa kaniyang sanggol na maaaring magresulta ng pregnancy complications tulad ng miscarriage, premature delivery at birth defects sa sanggol.
Kaya naman payo ng mga eksperto para maiwasan ang negatibong epekto nito sa sanggol ay mabuting iwasan ito ng buntis na ina hanggang siya ay manganak at nagpapasuso na.
Ang retinoids ay may iba’t ibang form na makikita sa mga oral o topical medications. Kilala rin ang retinoids sa tawag na retinol, retinoic acid, differin (adapalene, retin-A, renova (tretinoin), retinyl linoleate, retinyl palmitate tazorac at avage (tazarotene).
Sa oras na makita ang mga pangalang ito sa beauty product na iyong gagamitin ay mabuting iwasan na muna ito kung nagpapasuso.
Madalas na ginagamit na ingredient ang retinoids sa mga sumusunod na beauty products:
1. Anti-acne cream
2. Anti-aging cream
3. Warts treatment
4. Face at skin exfoliants
5. Face at skin scrubs
6. Sunscreens
Photo by cottonbro from Pexels
Parabens
Ang parabens ay isa pang kemikal na ipinapayong iwasan ng mga nagpapasusong ina at ng kaniyang sanggol. Paliwanag ng pag-aaral, kapag ito ay naabsorb ng balat at humalo sa dugo ito ay maaring makaapekto sa endocrine system ng sanggol.
Kaya naman payo ng mga eksperto mas mabuting iwasan ang mga produktong nagtataglay nito sa iyong sanggol o kung nagpapasuso.
Ang paraben ay kilala rin sa ibang pangalan. Ang mga ito ay ang propylparaben, ethylparaben, butylparaben, isopropyl, isobutyl at methylparaben.
Madalas na makikita ang paraben sa mga sumusunod na beauty products. Kung gagamit ng mga sumusunod na produkto ay siguraduhing paraben-free ang mga ito.
7. Shampoo na may paraben
8. Conditioner na may paraben
9. Body wash na may paraben
10. Lotion na may paraben
BASAHIN:
#AskDok: Mga drinks na dapat at bawal inumin ng buntis
Pagpapasuso: Paano masigurong nagagawa itong mabuti
Safe bang uminom ng antibiotic at iba pang gamot ang breastfeeding mom?
Hydroquinone
Ang hydroquinone ay isang ring kemikal na mahigpit na ipinagbabawal gamitin ng mga nagpapasusong ina. Ang mga produktong nagtataglay nito ay mahigpit na ipinagbabawal sa bansang Europe, Japan at Australia. Sapagkat itinuturing itong isang carcinogenic o cancer-causing ingredient.
Madalas na makikita ang hydroquinone sa mga whitening products tulad ng sumusunod:
11. Whitening soap
12. Whitening lotion
13. Lightening o whitening cream
14. Brightening serum etc
Mercury salts
Tulad ng hydroquinone, ang mercury salt ay makikita rin sa ilang skin lightening soaps at creams. Sapagkat sa pamamagitan nito ay napipigilan ang formation ng melanin na nagbibigay kulay sa balat.
Subalit ang kemikal na ito ay maaaring maging mapanganib hindi lang sa sanggol kung hindi pati na rin sa gumagamit nito. Ito ay maaaring magdulot ng harmful effects sa kalusugan tulad ng skin rashes, kidney damage, skin discoloration at mas mababang resistance sa bacterial at fungal infections ng balat.
Ito rin ay kilala sa ibang pangalan. Tinatawag din itong calomel, mercuric, mercurous o mercurio.
Photo by Pavel Danilyuk from Pexels
Salicyclic acid
Ang salicyclic acid ay isa rin sa mga kemikal na dapat iwasan ng mga babaeng nagpapasuso. Sapagkat sa ito ay toxic at maaaring maging mapanganib sa sanggol lalo na kung ito ay iinumin.
Hindi man ganoon kapanganib ang mga topical forms nito, nakakasama pa rin naman ito kung matagal na gagamitin o ibababad sa balat.
Ang salicylic acid ay pangunahing ingredients ng mga sumusunod na beauty products:
15. Exfoliants
16. Skin cleansers
17. Skin toners
Formaldehyde
Isa pang kemikal na maaring makasama sa isang sanggol ay ang tinatawag na formaldehyde. Sapagkat tulad ng mga nauna ng kemikal ito ay toxic lalo na kapag nalanghap ng sanggol.
Madalas na makikita ang mga ito sa mga sumusunod na produkto. Bagamat ang ilan sa mga ito naman ay mabibili na hindi nagtataglay nito o formaldehyde-free:
18. Nail polish na may formaldehyde
19. Hair straightening keratin treatment
20. Eyelash glue
Ang mga beauty products na bawal sa breastfeeding mom ay nakakasama lang naman sa sanggol kung nagtataglay ng mga nabanggit na kemikal.
Sa ngayon, may mga beauty product na hindi nagtataglay ng mga ito. Ang kailangan lang bago bumili o gumamit ng kahit anumang beauty products at nagpapasuso ay tandaan lang ang mga sumusunod.
8 dapat gawin bago gumamit ng kahit anumang beauty products habang nagpapasuso
Photo by Linda Prebreza from Pexels
- Alamin at tandaan ang mga ingredients sa mga beauty products na maaaring makasama sayo at sa iyong sanggol.
- Huwag mag-eksperimento o bumili ng kahit anumang produkto na hindi nakasaad ang ingredients nito.
- Limitahan hangga’t maaari ang paggamit ng cosmetic o beauty products.
- Gumamit ng ligtas at genuine na produkto.
- Huwag gumamit o mag-apply ng kahit anumang beauty products sa iyong suso. Lalo na ang mga whitening products dahil sa maaaring deretsong masipsip ito ng iyong sanggol.
- Maghugas ng kamay matapos gumamit ng mga whitening o cosmetic products. Huwag agad hahawakan ang iyong sanggol.
- Laging basahin o tingnan ang label ng produktong gagamitin. I-check kung ito ay safe para sa breastfeeding moms.
- Magsagawa ng patch test bago gamitin ang produkto. Ang patch test ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapahid ng small amount ng produkto sa isang maliit na bahagi ng balat. Ito ay upang malaman kung may allergy ka dito. Sa oras na makaranas ng allergic reaction ay agad na itigil ang paggamit ng produkto.
Sources:
The Asianparent SG, Healthline, The Skin Care Clinic, NRDC, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!