Dapat bang mag-alala kapag nauntog ang anak mo?

Madalas mauntog o mabangga ang mga bata, lalo na kapag nagsisimula pa lamang silang maglakad. Pero ano ang pagkakaiba ng simple at delikadong pagkauntog? Alamin dito.

Ngayong marunong nang maglakad ang anak mo, mahilig na siyang tumakbo at makipaglaro. Madalas ma-o-off balance siya at maaaring mauntog. Siyempre bilang magulang, may tendency tayong mag-panic kapag nangyayari ito, agad-agad nating chinecheck kung may bukol ba o kung malala ang pagkakauntog.

Dapat bang mag-alala kapag nalaglag o nauntog ang ulo ng iyong anak?

Malakas naman ang mga bata kahit maliit pa lamang. Kaya nilang ma-handle ang pagkauntog o dapa, kahit na malakas ang iyak nila kapag nangyayari ito. Subalit, hindi naman ibig sabihin nito na hindi sila maaaring magkaroon ng injury. Minsan ang simpleng pagkadapa or pagkalaglag ay delikado, lalo na't sumobrang lakas ang untog nila.

Kaya't importanteng malaman ang mga signs ng head injury tulad ng pagkahimatay, pagsusuka, pagiging matamlay, malakas na pag-iyak, sakit sa ulo, o paglaki ng pupil ng mga mata.

Importanteng tandaan na ang mga sintomas ay maaaring magsimula makalipas ang ilang araw matapos mauntog. Kaya kung sa tingin mo'y matindi ang pagkakauntog ng iyong anak ay i-monitor mo na siya. Maaari mo ring itanong ang bata kung may kakaiba siyang nararamdaman.

Kapag matindi ang pagkakauntog, dalhin na agad ang bata sa doktor. Tandaan na dapat panatilihing gising ang bata dahil delikado ang pagtulog.

Ano ang maaaring gawing ng mga magulang kapag nauntog ang kanilang anak?

Unang una, kung sa tingin mo ay malala ang pagkaka-untog ng iyong anak, huwag magatubiling dalhin sila sa doktor. Gawin ito para man lang makasiguro na walang malubhang kondisyon na naidulot ito, lalong-lalo na sa utak ng iyong anak. 

Depende sa tindi ng pagkauntog, maaaring irekomenda ng doktor na sumailalim sa CT scan ang iyong anak para makasiguro na rin na wala siyang namumuong dugo (blood clots) o pasa (hematoma). Ang importante ay maagapan ito sa lalong madaling panahon.

Kapag nagrerecover na ang bata, siguraduhing umiwas sila sa activities na mapapagod ang anak, tulad ng panonood ng TV o paglalaro ng video games, cellphones o gadget. Huwag din silang payagan maglaro na sports o maglaro nang nagtatambling. Para maiwasan ang iba pang mas lalong malalang head injury. 

 

source: WebMD, Kid's Health

BASAHIN: 5 na pagkain na pumipigil sa pagtangkad ng iyong anak