Pang-anim ako sa pitong magkakapatid. Tanging ang mga katulad kong nasa parehong birth order—o malapit dito—ang makakaintindi na hindi ito madali, at maaaring hindi gugustuhin ng lahat. Ikaw ang utusan, ikaw ang napapagbalingan ng tuksuhan, ikaw ang laging umiiyak nuong bata ka. Pero nung lumaki ako at nagkaanak na rin, duon ko lang naintindihan na naging mahirap din pala sa mga magulang ko ang magkaron ng 7 anak, at intindihin kung paano ba kami aasikasuhin at papalakihin, nang maayos at pantay-pantay. Pitong magkakaibang ugali, pitong magkakaibang personalidad.
Ang sabi ng mga eksperto
Maraming birth order theories ang nailathala na sa mga nakaraang mga dekada, pero ang una ay ibinahagi ni Alfred Adler, isang kontemporaryong Sigmund Freud, noong 1920s. Ang birth order daw ang makapagbibigay sa mga magulang ng mga hudyat at importanteng “tips” tungkol sa personalidad ng kanilang mga anak. Ito rin ay makaka-impluwensiya sa kanilang relasyon at kakayahang solusyunan ang mga problema. Sa madaling salita, ito ang science na magpapaliwanag sa pag-unawa ng lugar ng isang tao sa pamilya—kung pinanganak kang una, pangalawa, o huli, o pang-anim tulad ko. Ang iyong birth order ay nakakaapekto sa iyong buhay at personalidad, nang hindi napapansin o nalalaman. Kapag naunawaan ang impluwensiya ng birth order sa personalidad, makakatulong ito sa mga magulang kung paano kakausapin at makikitungo sa mga anak.
Sa librong Why First Borns Rule the World and Last Borns Want to Change it, pinaliwanag ng may akda na si Michael Grose, isang parenting expert, na ang isang indibidwal ay may dominanteng birth order personality ayon sa kaniyang birth position, bagamat may kani-kaniyang personalidad at ugali na nadedevelop ayon sa impluwensiya ng kapaligiran.
Una, pangalawa, o huli?
- Ang panganay ay “conscientious”, responsable, at palaging maaasahan. Sa pagsasaliksik na pinangunahan ni Tiffany Frank ng Adelphi University sa New York, nakita na ang mga panganay ay karaniwang matalino at maabilidad. Siya ang pinuno, at may kakayahang mag-isip at umaksiyon ng pinag-iisipang mabuti. Mayron siyang Alam nila ang mali at tama at naniniwala silang may tamang paraan ng paggawa ng mga bagay. Ayon sa pag-aaral, ito ay dahil ang mga panganay ay nakaranas ng undivided attention ng kanilang magulang, kaya’t nabubuo ang tiwala nila sa sarili. Mas nabibigyan din sila ng mas maraming responsibilidad, at inaasahang maging modelo para sa kaniyang mga kapatid, na nakakatulong na madevelop ang kaniyang cognitive at critical thinking skills.
Ang panganay ko ang “trial and error” ko sa pagiging magulang, tulad ng lahat ng panganay. Sila nga daw ang pinag-eeksperimentuhan at nakakatanggap ng atensiyon at pagmamahal ng mga magulang, lolo at lola at mga kamag-anak. Kaya naman, kadalasan, ang mga panganay ay nagiging perfectionist at palaging nagnanais na makuha ang pagsang-ayon ng mga magulang. - Ang gitnang anak o middle child ay ang pinaka-kakaiba daw sa lahat. Siya ang hindi sumusunod sa kinaugalian pero siya din ang “peacemaker”. Hindi kasi siya ang unang anak na kinagagalak, at hindi rin siya ang bunso na kinagigiliwan ng lahat, mas nagiging independent siya at palaging nag-iisip ng mababago sa sarili, hanggang mahanap niya ang gusto at lugar niya. Ang gitna ay karaniwang mahirap intindihin, dahil iba ang ugali niya kaysa sa mga kapatid. Gusto niya kasing umalis sa anino ng kuya o ate, at naghahanap ng paraan para mapansin din ang kakayahan niya at kagiliwan din siya, tulad ng bunsong kapatid. Kaya nababansagan siyang matigas ang ulo o ayaw sumunod. Ang totoo, siya ay competitive, na palaging nakikipag-sabayan at gustong manguna, kaya din mas nagiging palakaibigan dahil ito ang paraan niya para makilala at makaukit ng lugar at pagkakakilanlan para sa sarili.
Nang pinanganak ang pangalawa kong anak, mas naging kampante ako at hindi gaanong tutok na, dahil pakiramdam ko ay sanay na at maalam na ako. Ang gitna kong anak ay kilalang Mr. Congeniality dahil natural sa kaniya ang makipag-usap at makitungo ng maayos sa mga tao. Mas naging independent din siya at maraming sinubukan, hanggang mahanap niya ang mga bagay kung saan siya magaling. Ayaw niyang gawin ang ginagawa ng kuya niya, dahil si Kuya na ang kilala sa pagiging mahusay sa pagdo-drawing. Nag-aral siyang magsayaw, pagkatapos ay gumawa ng mga short films, hanggang sa nag-aral siya ng photography ng sa sarili lang niyang initiative. - Ang bunso ang pinakamasayahin daw sa lahat. Siya kasi ang baby at sweetheart, ng pamilya, madalas ay hindi napapagalitan, maski ng mga kapatid. Siya daw ang “spoiled” sa lahat at alagang alaga. May mga nagsasabing sila ang lumalaking matigas ang ulo, pero magaling makitungo dahil marunong makipag-negosasyon, na kadalasan ay para makuha ang gusto. Ang mga bunso daw ang karaniwang mahinahon, relax lagi, dahil sa puntong ito, mas relax na rin si Nanay at Tatay at pinipiling mag-enjoy na lang kayat hindi na gaanong istrikto.
Ang kaisa-isang babaing anak ko ay ang bunso ko. Alam ko na ang kombinasyong ito ay delikado at kailangang bantayan, para hindi maging mitsa ng pagiging “spoiled” niya. Naging bunso din ako ng 7 taon, bago nagkaron ng isa pang kapatid, kaya’t ako ang masasabing paborito ng Papa ko. Hindi man maiiwasan na maging baby siya at para nang prinsesa ng lahat, maski ng mga kuya niya, siniguro namin na hindi ito makakaapekto sa ugali at pananaw niya sa buhay. Maingat kaming lahat sa pamilya na hindi mapabayaang samantalahin niya ang atensiyon at pagmamahal sa kaniya, at lumaki pa rin siyang responsable at may paggalang sa lahat.
Paano nakakaapekto ang pag-unawa birth order sa mga magulang?
Sa librong Birth Order Blues ng child at family therapist na si Meri Wallace, ipinaliwanag ng may akda na ang birth order theories ay may kinalaman sa paraan ng pakikitungo ng mga magulang sa mga anak. Paliwanag ni Wallace,“Each position has unique challenges.” Hindi ito “exact science” dahil maraming kadahilanan na maaaring makapagpaiba sa sitwasyon, pero ang mga paliwanag sa mga pag-aaral ay makapagbibigay ng pahiwatig sa kung paano makakatulong sa pagproseso at pagintindi ng mga anak. Ito ay mga pabadya o tagapagpahiwatig kung paano palalakihin at tuturuan ang bawat anak, kasama ng mga kadahilanang pisikal, mental at emosiyonal, ay makakatulong na maintindihan sila. Ayon sa pagsasaliksik ni Frank, kahit iisang bubong ang tinitirhan, at isang pares ng magulang ang nagpalaki, magkakaron pa rin ng pagkakaiba ang ugali ng mga anak.
May mga pag-aaral din na nagsasbing ang mga magulang ay karaniwang nagiging mas malapit sa mga anak na kapareho ng birth-order position nila. Kaya minsan ay masyadong nape-pressure ang anak, o sa kabilang banda, ay masyado namang nagiging maluwag dito. Kaya kailangang tandaan na may epekto sa ugali at saloobin ng mga bata kung paano sila tratuhin ng mga magulang at kamag-anak.
Ingatan, halimbawa na maitambak lahat ng responsibilidad sa panganay, at walang ibibigay sa bunso. Kakailanganin na ibahagi ang mga ito sa magkakapatid, at bigyan din ng responsibilidad ang pangalawa at bunso, para matuto rin sila. Bigyan ng pansin ang pangalawang anak o gitnang anak, para maramdaman niyang mahalaga din siya at may tiwala sa kaniya ang mga magulang. Bigyan ng kani-kaniyang trabaho sa bahay, pati ang bunso, at huwag palaging isipin na “baby” pa ito, kaya uupo lang siya sa isang tabi habang ang mga kapatid ay tumutulong magluto o maghugas ng pinggan. Dapat ay may gawain din siya, kahit simple lang, basta aayon sa edad niya. Ang mga maliliit na bagay na ito ay may malaking “impact” o epekto sa kanilang pagkatao, at makakatulong sa natural na “drawbacks” na dala ng kanilang birth positions.
Ang birth order ay isang aspeto at “variable” lamang na nakaka-apekto sa personalidad ng isang tao. Sa huli, hindi lang ito ang bubuo sa kanilang pagkatao. Ang birth position ng isang bata ay isa lamang sa madaming salik na bubuo sa ugali o asal ng isang bata. Tandaan pa rin na ang bawat bata ay kakaiba, at ang mga magulang ay dapat na kinikilala ang bawat anak, para malaman kung paano sila pakikitunguhan. Ang mga teorya na ito ay hindi para sabihin kung sino sila, kundi para bigyan lamang ng panibagong perspektibo at pananaw ang mga magulang, at mapaliwanag kung bakit ang bawat isa ay may partikular na ugali. Nasa bawat magulang na kung paano gagawing positibo ang mga negatibong katangian, at matulungan ang mga bata na maging mabuti, maayos at may respeto.
Basahin: 9 Interesting facts you didn’t know about birth order