Mahalaga ang pagbreastfeed o pagpapasuso sa mga baby dahil ito ang pangunahin nilang pinagkukuhanan ng nutrisyon. Nirerekomenda nga ng mga doktor na magbreastfeed ang mga ina nang hindi bababa sa anim na buwan upang malusog si baby. Ngunit alam niyo ba na posibleng magkaroon ng blocked milk ducts?
At dahil sa kondisyong ito, maraming ina ang nahihirapan na magpadede ng kanilang mga anak. Bukod sa bumabara ang gatas, napakasakit ng kondisyon na ito, at kung mapabayaan ay posibleng maging sanhi ng impeksyon.
Jewel Mische nagkaroon ng blocked milk ducts
Ayon sa aktres na si Jewel Mische, hindi raw naging madali para sa kaniyang ang magbreastfeed ng anak na si Aislah. Ito ay dahil nagkaroon siya ng kondisyon na mastitis kung saan nahihirapang lumabas ang gatas sa milk ducts.
Kinailangan pang operahan si Jewel upang maayos ang kondisyon, ngunit sinabi rin ng mga doktor na posible daw na hindi na makagawa ng gatas ang suso na may mastitis. Ibig sabihin, isang suso na lamang ang magagamit ni Jewel para magbreastfeed.
Ngunit hindi pa pala tapos ang kalbaryo ni Jewel. Dahil kamakailan lang ay naikwento niya sa Instagram na tatlong beses daw siya nagkaroon ng mastitis!
Sabi pa ni Jewel na dahil sa mga operasyon, nagkaroon ng butas ang kaniyang dibdib. At kinakailangan niya itong linisin at alagaan hanggang ito ay gumaling.
Basahin ang kaniyang Instagram post:
Desidido pa rin siyang mag breastfeed
Bagama’t maraming pinagdaanan na paghihirap si Jewel, desidido pa rin daw siyang magbreastfeed ng kaniyang anak. Ito ay dahil mahalaga ang nutrisyon na nakukuha ng mga sanggol sa gatas ng ina, kaya gusto niya itong ibigay sa kaniyang anak.
Kahit daw mahirap magbreastfeed ay masaya siya dahil nabibigyan niya ng gatas ang kaniyang anak. Kahit daw mas madali na tumigil sa pagbreastfeed at i-formula feed ang kaniyang anak, pipilitin pa rin niyang magpasuso hangga’t kaya niya.
Ano ang sanhi ng mastitis?
Ang mastitis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga o impeksyon ang suso. Kadalasan itong epekto ng pagkakaroon ng blocked milk ducts ng mga ina. Posible rin itong mangyari sa mga lalake, o sa mga babaeng walang anak, pero bihira ang mga ganitong kaso.
Iba-iba ang mga sanhi ng mastitis, pero ito ay nagdudulot ng pamamaga at pananakit sa dibdib. Mahalagang malaman ang mga sintomas nito upang makapunta agad sa doktor at ito ay magamot.
Heto ang mga sintomas na dapat mong alamin:
- Pamumula o pamamaga ng suso.
- Pagkakaroon ng bukol sa dibdib.
- Mainit na pakiramdam sa suso, o masakit na pagpapadede sa iyong baby.
- Namumula ang balat sa suso.
- Mataas na lagnat.
- Sumasama ang iyong pakiramdam.
Kung mayroon ka ng mga ganitong sintomas, mabuting magpunta agad sa doktor. Ito ay upang magamot at maagapan bago pa ito lumala. Ito ay dahil posibleng magdulot ng mas malalang impeksyon ang mastitis kung mapabayaan, at katulad ng sa kaso ni Jewel, puwede nitong maapektuhan ang pagpapsuso ng isang ina.
Kaya’t huwag itong balewalain. Mahalaga ang iyong kalusugan upang maalagaan mo ang iyong anak.
Source: Inquirer
Basahin: Mom in Cebu develops rare breast condition doctors mistook for simple mastitis