Bonding Time ngayong bakasyon para sa pamilya!

Samantalahin ang Summer Break ng mga bagets. Narito ang ilang mahahalagang tips para mas masayang bonding time ng buong pamilya.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Bago pa tuluyang mabagot ang mga bata ngayong wala nang pasok sa eskwela, kailangang mag-isip na ng mga pwedeng pagkaabalahan. Huwag pangunahan ng stress at pag-aalala kung paano babantayan at aalagaan ang mga bulilit. Ito ang tamang panahon para makipag-bonding sa inyong mga anak, hindi ba? Kung nasa bahay din lang ang mga magulang, ito ang perfect timing para mag-plano ng mga gawaing ikasasaya ng lahat ng miyembro ng pamilya. Kontra boredom na, perfect bonding pa.

Ang sikreto sa pagkakaroon ng isang masaya, malusog, mabait at disiplinadong bata ay ang pagkakaroon ng mapagmahal na pamilya at maigting na koneksiyon ng magulang at mga anak. Ayon sa mga eksperto, mas mapapadali ang “parenting” kung kilala ng mga magulang ang mga anak. At kung may kasamang “puso at pagmamahal”, sa pamamagitan ng “thoughtful attention” sa mga anak, dagdag pa ang pagtingin sa mga bagay kung paano ito tinitingnan ng mga bata, mas magiging makabuluhan at di malilimutan ang summer vacation na ito.

Subukan ang mga activities sa listahan, at siguradong magiging memorable ang bakasyong ito para sa inyo.

Unang una, dapat ding magbakasyon si Mommy at Daddy

Hindi magiging buo at makatotohanan ang bonding kung wala rin ang mga magulang madalas. Kapag sinabing magkakasama, dapat ay magtakda din ng oras na liliban muna sa trabaho kahit ilang araw para tuluyang makapiling ang mga bata at magawa ang mga nakaplanong bonding activities. Kung nasimulan nang ganon, pagbalik ulit sa trabaho, may structure nang susundan ang mga bata, at pag-uwi sa gabi ng mga magulang, magkukumustahan at may mga bagay pang pwedeng gawin, kahit sandali lang.

Bigyan sila ng isang tahanan na naghihikayat na magbasa at matuto

Ang literacy at pagbabasa ay pundasyon ng likas na kagustuhang matuto. Kapag  nakikita nila sa loob ng bahay na maraming mga babasahing libro, nahihikayat silang buksan ito, at doon na nagsisimula ang hilig sa pagbabasa. Kapag binabasahan ang mga bata ng kanilang mga magulang, lalo na ang mga mas bata na hindi pa marunong magbasa, nakikita nila na masaya at kagiliw-giliw ito. Ang pagbabasa ay tumutulong sa paglaki ng bokabularyo ng isang tao, at nagiging daan sa pagiging creative o malikhain, nagpapataas ng IQ at EQ dahil tumutulong sa cognitive development. Nakakatulong din ito sa pagpapabuti ng communication skills at nahahasa ang critical thinking ng mga bata.

Magkaron ng regular na storytelling sessions, na may kasama pang props. Pwedeng gamitin ang mga laruan nila, halimbawa kung babasahin ang Goldilocks and the Three Bears, kumuha ng tatlong Teddy bear at isang manyika at gamitin ito habang nagkukuwento. Magpatugtog ng music bilang background habang nagkukwento, o maghanap ng mga kanta na may kaugnayan sa librong binabasa. Marami nang mga video at music sa YouTube tungkol sa mga libro ni Dr. Seuss, Julia Donaldson at Eric Carle—gamitin ito bilang extension ng reading time ninyo. Pagkatapos ay gumawa ng mga crafts at art na may kinalaman sa librong binasa, katulad ng ginagawa nila sa eskwela. Kung mas matatanda naman ang mga bata, gumawa ng puzzles, o hikayatin silang gumawa ng animation o music video. Dito nila magagamit ang mga iPad o tablet nila, ng hindi puro games. May mga app na para sa video editing na madaling matututunan ng mga grade-schoolers o high schoolers.

Napakaraming idea sa Internet tulad ng sa Pinterest at You Tube na pwedeng gawin para mahasa ang creativity, thinking skills at literacy skills ng mga bata, anumang edad.

Ilabas ang mga bata at “mag-field trip”

Ang bakasyon ay hindi lamang puro beach at swimming, o pagpapahinga sa bahay nang walang ginagawa. Sa mga bagong pag-aaral, napatunayang ang mga estudyanteng walang ginagawang nakakahasa sa pagkatutuo nila ay hirap makabalik sa “learning mode” pagdating na ng pasukan ulit. Kapag walang pagkatuto o pagsasanay ang utak, namamatay ang mga dendrites ng utak, at nahihirapang mag-isip at mag-proseso ng mga bagong impormasyon.

Una sa lahat, huwag kalimutang isaalang-alang ang interes, edad at kakayahan ng mga bata. Gusto man nating gawing productive at meaningful para sa kanila ang bakasyon, tandaan pa rin na ang summer break ay panahon para magsaya at mag-relax. Hindi kailangang mag-quiz o palaging magbasa ng world history at mag-memorya ng mga impormasyon. Maraming pwedeng gawin na masaya, pero natututo pa rin ang mga bata

Kapag aktibo daw ang mga magulang sa pagkatuto ng mga anak, mas naeengganyo ang mga bata na matuto at mag-aral. Naalala mo ba ang saya na dulot ng mga field trip nung nag-aaral ka? Eto kasi yung tanging pagkakataon na makalabas ng classroom at campus. Napakaraming mga museo na ngayon na pwedeng puntahan—libre pa o sobrang mura lang. Magpunta din sa mga historical sites tulad ng Intramuros, Binondo, at mga museo tulad ng bagong National Museum at Pinto Art Museum. Nariyan din ang mga zoo, aquarium, garden, at mga lugar kung san pwede mag hiking.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Isama sila sa mga gawaing bahay

Ito rin ang tamang panahon para turuan sila ng mga gawaing bahay, anumang edad. May mga gawain na bagay sa anumang edad, kahit toddler. Ang pagkatutong gumawa ng mga chores sa bahay sinasabing nakakatulong na maging well-adjusted at matagumpay ang mga bata paglaki. Kahit may mga summer camp sila sa umaga o hapon, pwede paring isingit ang paggawa sa bahay kasama si Mommy o Daddy, kahit hindi araw araw. Gawin itong masaya at kagiliw-giliw, tulad ng pagluluto kasama ang mga bata, at sa tabi ay tinuturuan silang maghiwa, maghugas ng pinggan, at maglinis ng kusina,  hindi lang magluto. Pwede ring magpatulong si Daddy na maglinis ng kotse, o magdilig sa hardin, magtupi ng labada, o simpleng mag-organize ng mga gamit sa pantry o cabinet. Mas makakalimutan ang pagod kapag may kakwentuhan ka o may tinuturuan kang gumawa ng iba’t ibang household chores, hindi ba? Maalala pa ito ng mga bata paglaki nila, at maikukuwento sa sarili nilang anak na, “Natuto akong maglaba, dahil nung isang summer nung bata pa ako…”

Mag-organisa ng Family Activities

Sadyain at planuhin ang mga gagawin nang magkakasama. Ano ang mga bagay na pwede ninyong gawin bilang buong pamilya, at ano ang mga pwedeng gawin na makakasama lamang ang isa sa kanila, o one-on-one. Magtalaga ng bonding activity ni Daddy at isang anak, Mommy at isang anak, at kung may mas nakakatandang anak, isang bagay na pwede niyang gawin kasama ang nakababatang kapatid.

Manood ng sine, kumain ng ice cream sa park, magpalipad ng saranggola, mag-jogging, mag-bisikleta, maglaro ng board games, mag-exercise nang magkasama. Isama ang mga anak sa hilig mong gawin, paglangoy man ito o pagpapalinis ng kotse, at samahan din ang bata sa gusto nitong gawin—maglaro man ng video games, o magbasketball.

Yung simpleng pamimili sa grocery ay pwedeng gawing bonding activity. Ang importante ay gawing makabuluhan, o quality time ito. Dito pwedeng mag-usap, magkwentuhan, o alamin ano ang pinakagustong gawin ng bata, ano ang interes niya, at subukang gawin ito kasama siya. Ang importante ay nakinig ang magulang, at pinahalagahan ang saloobin ng anak. Hindi naman kailangang makabagbag damdamin ang pag-uusap. Kapag palagi kayong nagkukwentuhan, natural nang lalabas ang ugali at karakter ng isa’t isa, at hindi kailangang pigain o ipilit. Nagkakakilala na kayo, nabubuo pa ang loob at tiwala sa sarili ng bata.

Paano magiging mas mapapaigting ang bonding time?

  • Simulan habang bata pa sila, kahit sanggol pa. Huwag ipagpawalang-bahala ang oras na gugugulin kasama ng mga anak. Humanap ng oras, kahit paano at gawin itong memorable at meaningful. Bago magkaron ng “quality” time, kailangan muna ng “quantity”.
  • Tiwala at respeto ang dalawang pinakamahalagang mabuo sa pagitan ng magulang at mga anak. Sa mga pagkakataon na may mga gawain na magkasama ang buong pamilya, ipakita ang tiwala at respeto sa mga anak, at ito ang maaalala nila, at tutularan. Tandaan na ang dalawang ito ay dapat mutual, at hindi lamang galing sa mga bata kundi para sa mga bata rin.
  • Nagiging epektibo ang bonding activities kung paulit-ulit ito o regular na nagaganap. Totoo ito sa anumang bagay, positibo man o negatibo. Kaya’t ang pagsigaw, galit, pangungutya, kung nangyayari din nang madalas at paulit-ulit, ay magiging basehan ng inyong relasyon. Iwasang paabutin sa ganito. Gawing positibo ang halos lahat o karamihan ng interaksiyon ng isa’t isa. Hindi naman din talaga mangyayari na palaging masaya lahat, pero kung patuloy na iisipin na maging masaya at mabuti ang trato sa isa’t isa, ito ang vibes na makukuha, hindi man sa lahat ng oras, ay sa mas madalas kaysa hindi.
  • Buksan ang komunikasyon ng pamilya. Kahit bata pa ang mga anak, huwag magdalawang-isip na kausapin sila at pakinggan ang nasa isip nila. Magkwentuhan ng iba’t ibang bagay, para kapag may problema o bumabagabag sa kanila, natural silang magsasabi sa mga magulang, kahit pa may konting hiya.
  • Kung ayaw nila o walang gana minsan, hayaan muna. Huwag isipin na galit ang mga anak o ayaw na nila sa inyo. Teenager man o bata, minsan ay may mga panahon na gusto lang nila mapag-isap o makasama ang mga kaedad nila, o mga kapatid—nang wala si Mommy at Daddy. Huwag na huwag ipilit ang sarili. Nagpapakita ito ng respeto ng magulang sa gusto rin ng anak.
  • Iwaksi ang parusa o punishment. Mas epektibo kung consequences ang ibibigay—yung may direktang kinalaman sa aksiyon o misbehavior (Kung hindi mo ko tutulungan maghanda ng hapunan, hindi tayo makakakain ng nasa oras, hindi ka makakapaglaro ng video game sa oras na pinag-usapan natin). Huwag hiyain at huwag gumamit ng threats para mapasunod ang bata sa gusto mo.
  • Higit sa lahat, ipadama at sabihin sa mga anak na nandiyan kayo palagi sa kanila. Maging handa, emotionally at physically. Mararamdaman nila kung handa kang makinig, o kung may iba kang iniisip, o kung may gumugulo sa isip. Kapag kasama ang mga anak, iwanan lahat ng problema sa opisina o kung kahit saan pa. Ang atensiyon at isip ay ibigay nang buo sa ginagawa kasama ang mga anak, para tuluyang maging makabuluhan ang gawain.
  • Bigyan ang mga bata ng “alone time”. Hindi porket gusto mong maging-close kayo ay hindi na pakakawalan at hahayaang mag-isa ang mga bata. Ayaw nating maging possessive, at ayaw din nating maging pabaya. Balanse sa pagitan ng dalawa ang mahalaga. May oras na hahayaan silang gawin ang gusto nila, basta’t hindi nakakasama. Hindi mo rin maaasahan na bantayan sa lahat ng oras lalo na kung malalaki na sila. Tanging mga sanggol, at mga batang mula 1 hanggang 7 taong gulang lamang ang dapat na binabantayan sa lahat ng oras. Lagpas dito, kailangan na nila na mahayaang magkaron ng oras para sa sarili nila nang walang bantay.
    Ang pag-iisa na ito ang tumutulong sa pagiging independent ng mga bata. Dahil sa totoo, paglaki nila ay wala naman ang magulang nila sa tabi nila, sa lahat ng oras. BIgyan ng isa o dalawang oras sa isang araw na gawin nila ang gusto nila, kung hihiga man sila sa kama, o maglalaro, bigyan sila ng kalayaang mag-desisyon. Ito na rin ang pahinga at “me time” ni Mommy at Daddy.

 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Huwag hayaang maging huli ang lahat. Habang lumalaki ang mga anak, ito ang tamang panahon para makasama sila at maging bahagi ng buhay nila. Para sa pagtanda nila, natural nang lalapit sila sa mga magulang at sila ang unang tatakbuhan kapag may problema, o kapag may good news na gustong ibahagi. Ang atensiyon ay paraan para maipakita ang pagmamahal.

 

Photo: flickr.com

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

READ: 7 Great bonding ideas for the entire family

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement