Ang batang inaruga sa isang tahanang mapagmahal at may paggabay ay lumalaking may tiwala sa sarili at marunong makisama sa tao. Nasa mga magulang ang susi para mapagtibay ang early attachment at patuloy na koneksiyon ng bata, at ng buong pamilya.
Sa buong taon, lahat ng miyembro ng pamilya ay abala sa pang-araw-araw na buhay . Maski ang mga bata ay may pinagkakaabalahan palagi, kaya’t parang kulang ang oras para lalong mapagtibay ang bond ni mommy at daddy sa kanilang mga anak.
Bakit nga ba lalayo pa o gagastos pa? Narito ang ilang mga simpleng bagay na tuluyang makapagtataguyod ng matibay na parent-child relationship. Marahil ay ginagawa niyo na ito—at kung hindi pa, bakit hindi pa simulan agad?
8 Summer bonding tips para sa buong pamilya!
1. Basahan sila ng libro araw-araw, o gabi-gabi.
Ito na siguro ang pinakamasaya at pinaka-memorable sa isang bata—ang lumaking nagbabasa kasama si mommy at daddy, at mga kapatid. Higit pa dito, isa rin itong epektibong paraan ng pagtuturo sa mga bata ng mga language at reading skills habang lumalaki, nang walang pressure na matuto. Ayon pa sa mga pagsasaliksik, at sa librong Reading Development and Difficulties ni Kate Cain, ng pagbabasa kasama ang mga anak ay nag-uudyok sa mahahalagang patterns ng brain development na responsable sa koneksiyon at bonding.
Kaya naman ang bonus na pagyakap, pagkandong, at pagkukuwentuhan habang nagbabasa at pagkatapos, tungkol sa librong binasa ay napakahalagang bahagi ng reading ritual ng pamilya.
Isama ang bata sa bookstore o library para maghanap ng librong katuwa-tuwa para sa kanila, at sa magulang na rin. Kung maliliit na bata pa, maghanap ng mga may madaling maintindihan at makulay na larawan. Bagay naman sa mga mas matatanda ang kapanapanabik na mga kuwento na pwedeng hatiin sa ilang reading sessions. Maghanda ng mga tanong at mapag-uusapan tungkol sa kuwento. Maganda rin kung makakagawa ng mga art activity tungkol sa nabasang libro. Napakarami na ngayon sa Internet na mga literature-based na gawain na pwede para sa bata. Minsan may mga recipe pa nga na base sa kuwento. Pagtiyagaan lang ang paghahanap, at siguradong pati ikaw ay mag-eenjoy.
2. Turuan ng bagong kakayahan, na katuwa-tuwa rin para sa bata.
Bakasyon nila, kaya bakasyon din sila sa mga quiz, assignment at test. Pero hindi ibig sabihin ay titigil na silang matuto. Dito papasok ang mga life skills tulad ng pagluluto, pagdidilig, pagtutupi ng mga damit, paglalaba, o di kaya ay pagtuturo sa kanila na mag-bisikleta, magpalipad ng saranggola, mangisda, o lumangoy. Pwede ring sabay na mag-aral, halimbawa ng pagbe-bake ng cookies o kahit simpleng pagluluto ng mga kakanin tulad ng suman o espasol.
3. Samahan silang makinig sa musika at lumikha ng artwork.
Palagi na sigurong naririnig ang tip na ito—dahil wala naman talagang mas makakapukaw ng atensiyon ng mga bata kundi ang paggawa ng art o craft, kahit araw araw pa. Nakatutuwa na, matututo pa sila at therapeutic pa, para sa bata at sa magulang din, paliwanag ni Andrew Villar, artist at Art teacher sa Community of Learners.
Kapag hinihikayat ang creativity o pagka-malikhain ng isang bata, nabibigyan natin sila ng outlet para sa maibahagi ang kanilang nararamdaman at iniisip. Lalo pa kung mga bata pa at hindi pa nakakapagsalita o naipapaliwanag nang malinaw ang kanilang emosyon.
Habang gumagawa ng art o craft, bakit hindi rin magpatugtog ng musika? Epektibo ang pagpapatugtog ng classical music (lalo na Mozart) kapag nagpipinta o nagdo-drawing ang mga bata. O kung hindi man, makinig ng mga bagong kanta nang magkasama. Malalaman at makikilala mo ang bata at ang mga gusto niya, at ganon din siya sa iyo. Napakaraming benepisyo ng musika sa brain development, at sa iba pang areas of development. Bakit di rin magsasayaw sa saliw ng mga masasaya at upbeat na kanta, kahit pa hip hop ito? Siguradong matutuwa ang mga bata na makitang nakakasabay si mommy at daddy sa kilos nila.
4. Lumabas ng bahay—maglakad, tumakbo, mamasyal, habang ine-enjoy ang paligid.
Kung may panahon na hindi gaanong mainit, lalo sa hapon o gabi, lumabas ng bahay at maglakad-lakad sa paligid nang magkakasama. Walang kailangang puntahan, kundi pagmasdan lang ang paligid. O di kaya ay maglakad papunta sa malapit na grocery, imbis na mag-kotse, para may panahong mag-usap at magkuwentuhan.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga nature walk kasama ang mga anak ay nakakatanggal ng stress at lungkot. Nakakatulong din ito sa emotional health bukod pa sa physical well-being ng buong pamilya, paliwanag ni Joji Reynes-Santos, direktor ng CAMP L.I.F.E. at Candent Learning Haus. Ang pagbababad sa kalikasan kasi ay nakakatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo, heart rate, at heart rate, muscle tension, at nagpapadami ng stress hormones. Ang karaniwang pagdidilig nga daw ng halaman nang magkasama ay maituturing nang “nature activity”.
5. Makipaglaro!
Di ba nga at paglalaro ang universal language ng mga bata? Kaya nga ang pakikipaglaro sa kanila ang pinaka-importanteng paraan ng pakikipag-bonding sa kanila. Paniguradong makikita ng magulang ang kanilang anak sa ibang perspektibo, at gayundin ang mga bata sa kanilang magulang. Masusubukang maging magkakampi, o di kaya ay nasa magkabilang panig nang salitan. Ayon sa mga eksperto, ang pakikipaglaro daw ng mga magulang sa mga anak ay nakakatulong na mabawasan mga tantrums at iba pang behavioral problems, paliwanag ni Teena Panga, early childhood educator na may apat na anak.
Kaya’t pumili na ng board games, outdoor games (tulad ng piko, patintero, agawan base) at iba pang laro na makakatulong sa interaksiyon sa mga bata, kung saan mailalabas ang mga iba’t ibang emosyon tulad ng sobrang tuwa, frustration, o kahit pa pagka-pikon, at mapag-usapan ito sa tamang konteksto.
6. Magsulat.
Bakit hindi magsulat kasama ng mga bata, paggawa man ng kuwento o pagtatala sa journal. Nakakatulong daw ito sa pag-alis ng stress at pagpapabuti ng kalusugan. Pwede ring magkaron ng pagsasagutan sa pamamagitan ng pagsusulat, tulad ng isang blackboard na ginawang message board, o notebook. Self-expression, self-discovery at communication skills ang nadedevelop, bukod pa sa positibong relasyon ng magulang sa anak dahil nakakaplabas sila ng iniisip at nararamdaman sa isa’t isa.
7. Mag-date—kasama ang buong pamilya, at one-on-one, kasama ang bawat isang anak.
Mayron akong tatlong anak, at mula pagkabata nila, siniguro ko nang may oras ako sa bawat isa sa kanila, kada linggo, at kaming lahat na sama-sama. Inilalabas ko sila, para kumain, para pumasyal sa bookstore o toy store, o kung anuman ang maisipan namin sa araw na iyon. Kailangang maglaan ng oras para sa bawat anak para may pagkakataong makauap sila ng magkakasama, at magkakahiwalay din. Hindi kailangang pagkagastusan, at lalong hindi kailangang ipilit na kausapin sila ng puro seryoso lamang ang usapan. Ang punto ay makasama sila at makausap, nang masaya at positibo. Sa ganitong paraan, makakausap at natural na makikilala ang mga bata.
8. Ito ang panahon ng isang memorable na “road trip”.
Maging spontaneous. Sorpresahin ang mga bata at sumakay sa kotse para dalhin sila sa mga lugar na hindi pa napupuntahan, o gustung-gustong puntahan. Kahit balikan lang, o ilang oras lang, magiging makabuluhan pa rin ito kung magkakasama. Bumisita sa mga museo, magpunta sa mga park o zoo, o bumisita sa mga kamag-anak sa kabilang lungsod o lalawigan. Sabi nga, hindi ito tungkol sa destinasyon; ang importante ay ang journey papunta doon. Maghanda ng mga paboritong pagkain o meryenda, road trip music at mga travel games para kumpleto ang bonding. Huwag kalimutan ang camera para may souvenir.
READ: Bonding Time ngayong bakasyon para sa pamilya!