Mukhang hindi malinaw para sa mga dayuhan ang layunin ng isinagawang Boracay clean up drive kamakailan lang. Dahil imbis na panatilihin at alagaan ang bagong mukha ng Boracay ay dinumihan ito ng walang kalaban-laban.
Paglabag sa Boracay clean up drive ng mga dayuhan
Sa isang viral video makikita ang isang babaeng dayuhan na hinuhugasan ang kasama niyang bata sa tubig na galing mismo sa dagat ng Boracay saka nagtampisaw.
Habang may isang babaeng dayuhan naman ang may tila ibinabaon sa maputing buhangin ng beach na dalawang metro lang ang layo mula sa tubig-dagat.
Maririnig sa boses na nasa background ng nakunang video na ang ibinabaon umano ng isang dayuhang babae sa buhangin ay gamit na diapers.
Habang ang isang babae ay hinuhugasan naman ang kasama niyang bata sa tubig matapos itong dumumi sa baybay ng Boracay.
Hindi naging katanggap-tanggap ang gawi na ito ng mga dayuhan para sa mga Filipino netizens. Kaya naman ang uploaded video sa Facebook ay umani ng mga komentong kumukundena sa “nakakadiri” umanong aksyon na ito. At patuloy na isheshenare hanggang sa naabot nito ang proper authority na mag-iimbestiga sa nasabing paglabag sa panuntunan ng Boracay clean up drive.
Narito ang viral video:
Pananagutin ang mga dayuhan
Base sa isang panayam ng ABS-CBN News kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, ang nakunang video ay isang malinaw na patunay ng paglabag ng mga dayuhan sa Municipal Ordinance Number 3 11 o “Anti-Littering Law” ng Malay, Aklan.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na ipinagbabawal ang pagdumi, pag-ihi, at pagdura sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Densing, responsibilidad ng mga dayuhan na sundin ang patakaran at ordinansa ng kahit anong lugar na kanilang pagbabakasyunan. At dapat silang managot sa pagkakamali na kanilang ginawa.
“Responsibilidad din ng turistang malaman na kahit wala yang mga signs na yan sa mga tourist destination hindi ka dapat nagdudumi. Alam na dapat ng turista iyan.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Densing.
Sa ngayon ay patuloy paring pinaghahanap ang mga turistang dayuhan upang panagutin sa kanilang ginawa.
Mga dapat tandaan ng isang turista sa tuwing bibisita sa ibang lugar
Samantala, ayon sa travel site ng Expat Explore, may mga golden rules na dapat sundin ang mga turistang nagbabakasyon sa ibang bayan o bansa. Ito ay para mas maging masaya at makabuluhan ang kanilang bakasyon. At pati narin maipakita ang pagrespeto sa lugar na binibisita.
Ang mga golden rules na ito ay ang sumusunod:
1. Alamin at kilalanin ang lugar na pupuntahan.
Mahalagang malaman mo ang mga detalye sa lugar na iyong pupuntahan. Hindi lang para magabayan ka sa iyong pagbisita, kung hindi para mabigyan ka ng ideya kung paano makikisalimuha at mag-adjust sa kultura na mayroon sila.
2. Tandaan na isa ka lang “bisita”.
Laging isaisip na sa tuwing bumibisita sa isang lugar na isa ka lang panauhin. Isang bisita na malugod na tinanggap sa kanilang lugar. Kaya bilang kapalit ay dapat kang magpakita ng paggalang at pagsunod sa mga patakaran na nakasanayan na nilang sundin. Dapat ay lagi ring magpakita ng respeto sa tuwing nakikipag-usap sa mga locals o maging friendly sa pakikipag-interaksyon sa kanila.
3. Pag-aralan ang kanilang language at lingo.
Ang rule na ito ay hindi lamang makakatulong sa iyo para maintindihan ang mga sinasabi ng mga locals sa lugar na pupuntahan mo. Mabibigyan ka rin nito ng ideya sa kung ano ang mga hindi dapat sabihin o gawin na maaring ikapahamak mo o kaya naman ay makabastos sa taong kausap mo.
Katulad nalang ng pagtango, kung sa ating mga Pilipino ito ay nangangahulugang “Oo”. Sa bansang Greece naman ay itinuturing na kawalang respeto ang gawing ito.
Ang pagbati sa mga locals gamit ang kanilang linggwahe ay isang epektibong paraan rin upang mapagaan ang loob nila sayo. Mahalagang makabuo ka ng friendly relationship sa mga taong nakatira sa lugar na binibisita mo. Dahil kapag nagkaroon ng problema sa iyong bakasyon, sila ang unang tutulong sayo.
4. Mag-ingat sa pagkuha ng selfies.
Oo nga’t isang magandang souvenir ang makunan ng litrato ang sarili mo sa lugar na iyong binibisita. Pero dapat isaisip na alalahanin ang mga nasa paligid mo bago gawin ito. Ingatang may makasamang iba sa background ng iyong selfie lalo na kung pinaplano mong i-upload ito sa social media. Dahil sa ganoong paraan ay nilabag mo na ang privacy nila.
Ingatan din ang paggamit ng selfie stick dahil maaring mapagkamalan itong weapon o armas sa mga bansang mahigpit tulad nalang ng Germany.
5. Maging mindful sa iyong manners kapag nasa restaurant o kumakain ng local food nila.
Isa sa dinadayo ng mga turista sa isang lugar ay ang kanilang pagkain. Ngunit, hindi sa lahat oras ay masasatisfy ng mga local foods o delicacy na ito ang panlasa mo. Kung magkaganunman ay maging magalang parin sa pagsasabi ng iyong reklamo. O kaya naman ay sarilinin nalang ito kung ang lasa ay hindi mo nagustuhan.
Maging mag-ingat din sa pagbibigay ng tip sa mga restaurant sa ibang lugar. Dahil para sa iba ang pagbibigay ng tip ay nakaka-offend at hindi nangangahulugan sa kanila ng pagpapasalamat.
6. Magdamit ng maayos at naaayon sa lugar na pupuntahan.
Ang bawat bansa o bayan sa atin ay may kaniya-kaniyang kultura. Tulad nalang sa mga Islamic countries, inaasahang ang mga babae ay nagcocover-up o mag-damit ng hindi labas ang tuhod at mga braso. Kinakailangang sundin ito ng mga turista. Hindi lamang para magpakita ng respeto sa kultura nila. Kung hindi para rin sa iyong kaligtasan lalo’t may mahalay na kahulugan sa mga lalaki sa kanila ang pagpapakita ng sobrang balat ng mga babae.
7. Mag-ingat sa mga salita o opinyon ng iyong binibitawan.
Ang bawat bansa sa mundo ay may kaniya-kaniyang isyu na kinakaharap. Ngunit bilang isang turista at bisita, wala ka sa lugar na makialam o magbigay ng opinyon sa mga isyu na kinakaharap nila. Lalo pa’t ang iyong nalalaman ay limitado lamang. Mabuting mag-ingat nalang sa pagsasabi ng iyong opinyon dahil baka ito ay makasakit o kaya naman ay lalong makagalit sa local o taong naninirahan sa lugar na binibisita mo.
8. Tumawad lang ng tama.
Bilang isang turista, ninanais nating mag-uwi ng isang bagay mula sa lugar na ating binisita bilang souvenir o pasalubong. Ngunit dapat, hindi tayo dapat masyadong tumawad o tumawad lang sa presyo ng binibili kung nararapat. Dahil ang mga souvenir items na ito ay ang pangunahing ikinabubuhay ng mga nagtitinda nito. Ilagay ito sa iyong isip, ang iyong pagbisita ay hindi lamang para mag-liwaliw o magbakasyon. Kung hindi para rin makatulong sa iba na ang buhay ay nakadepende sa turismo ng lugar nila.
9. Huwag na huwag magkakalat.
Ika nga ng isang banyagang kasabihan, cleanliness is next to godliness. Dahil ang pagpapakita ng kalinisan sa lugar na iyong pinupuntahan ay pagpapakita ng respeto. Hindi lamang sa lugar na binibisita mo, kung hindi pati narin sa mga naninirahan dito na hindi taga-sunod at tagalinis ng kalat mo.
Source: ABS-CBN News, Expat Explore
Basahin: Ang posibleng rason kung bakit hinahayaan ng Chinese parents na dumumi ang anak nila in public