Bilang isang ina, mahalaga sa iyo ang kalusugan ng iyong anak. At siyempre, hindi lang physical development ang kailangang pagtuunan ng pansin kundi pati na rin ang brain development ng baby mo.
Pero anu-ano nga ba ang mga epektibong paraan upang matulungan mo ang brain development ni baby? Heto ang ilang epektibong paraan na sobrang simple lang at hindi mo kailangang pagkagastusan!
9 Tips para matulungan ang brain development ng baby mo!
1. Sa pamamagitan ng paglalaro
Hindi lang para sa entertainment ni baby ang paglalaro! Mahalaga itong bahagi ng kaniyang growth at development, at maraming eksperto na ang nagsabi na importanteng maglaan ng oras sa paglalaro para sa brain development ni baby! Bukod dito, nakakabuo rin sila ng matibay na relasyon sa kanilang mga magulang.
Bukod sa mga usual na laro ng baby, makatutulong sa brain development ang pretend play.
Ang pretend play o role-playing ay isa pang mahalagang aktibidad para sa brain development ni baby. Sa pamamagitan ng pagganap sa iba’t ibang karakter o paggamit ng mga props tulad ng laruan na pagkain at damit, natututo si baby na mag-imagine at bumuo ng mga kwento. Makakatulong ito sa kanilang creativity at cognitive skills, pati na rin sa pag-intindi ng social roles at emotional understanding.
2. Kapag nagpapadede kay baby
Kung ikaw ay nagpapasuso kay baby, o kung bottle-fed siya, puwede mo itong gamiting pagkakataon para patibayin ang brain development ng baby mo!
Kapag nagpapadede ka, siguraduhing makipag eye-contact sa iyong anak at gumawa ng iba’t-ibang facial expressions, at kausapin mo siya. Nakaka-stimulate ito ng utak ni baby sa pamamagitan ng paggawa ng connections ng mga neurons sa kaniyang utak.
3. Paglabas ng iyong dila nakatutulong sa brain development ng baby!
Nakakatawang isipin, pero nakakatulong ang paglabas ng iyong dila sa brain development ng anak mo!
Ito ay dahil kapag ginagawa mo ito, susubukan ka ding gayahin ni baby. Dahil dito, matututo siyang ilabas ang kaniyang dila na makakatulong upang mapadali ang kaniyang pagsasalita. Ito ay malaking tulong sa kaniyang speech development at sa kaniyang utak.
4. Kwentuhan at kantahan mo si baby!
Habang nagpapalit ka ng diaper ni baby, subukan mong ikwento sa kaniya ang ginagawa mo. Isa-isahin mo ang mga steps, at kausapin mo lang si baby. Kapag palagi mo itong ginagawa, masasanay si baby sa boses mo at matututo rin siya ng iba’t-ibang mga salita.
Puwede mo ring kantahan si baby habang siya ay pinapaliguan, dahil dito natututo sila ng mga rhyme. Mahalaga ang pag rhyme dahil nakakatulong ito sa pagbabasa ng iyong anak paglaki nila.
5. Mahalaga ang ‘tummy time’ para sa brain development ng baby
Ang tinatawag na ‘tummy time’ o ang pagpapadapa kay baby ay nakakatulong upang palakasin sila at para maging malakas ang kanilang coordination.
Bukod dito, maganda ring paraan ang tummy time upang tabihan ang iyong baby at turuan siyang magsalita. Puwede ka ding maglabas ng mga toys ng iba-ibang kulay at ituro kay baby ang mga kulay at hugis ng mga ito.
6. Ilabas mo ng bahay si baby
Maraming mabuting maitutulong ang paglabas ng bahay kasama si baby. Bukod sa naaarawan sila at nararanasan ang preskong hangin, nakakatulong din ang paglabas para sa mga senses ni baby.
Puwede mo ring ituro kay baby ang iba’t-ibang mga bagay sa labas, at maaari mo ring turuan ng iba’t-ibang salita ang iyong anak.
7. Maglaro ng peek-a-boo!
Ang paglalaro ng peek-a-boo o kaya tagu-taguan ay siguradong magpapasaya kay baby at makakapagpatibay din ng kaniyang brain development.
Kahit kailan ay puwede mo itong simulan, pero mas nakikinabang ang iyong anak kapag sila ay 9 months old. Natututo sila ng tinatawag na object permanence o ang pag-intindi na kahit hindi nila nakikita ang isang bagay, hindi nito ibig sabihin na nawawala na ito, o hindi ito totoo.
8. Basahan ng libro si baby, makatutulong ito sa brain development niya!
Kahit na hindi pa marunong magbasa si baby, ang pagbibigay ng libro at pagbabasa sa kaniya ay mahalaga para sa brain development. Ang mga larawan at kulay sa libro ay nakakatulong sa visual development, habang ang pakikinig sa boses mo habang nagbabasa ay nakakatulong sa language skills ni baby. Subukan mong gawing interactive ang pagbabasa sa pamamagitan ng pagtatanong at pagpoint sa mga bagay sa libro.
9. Magbigay ng sensory play activities
Ang sensory play ay mahalaga para sa brain development ni baby dahil tinutulungan sila nitong tuklasin ang iba’t-ibang textures, sounds, at smells. Maaari kang gumawa ng homemade sensory bins na puno ng safe na mga bagay na puwedeng galawin, pisilin, at amuyin ni baby. Halimbawa, maaari mong lagyan ng iba’t-ibang grains, water beads, o kahit mga ligtas na pagkain.
Idagdag ang mga tip na ito sa inyong daily routine para mas matulungan ang brain development ng iyong baby. Ang lahat ng ito ay simple at enjoyable na gawain na makakatulong sa holistic growth at development ng iyong anak!
Updates mula kay Jobelle Macayan
Basahin: 3 crucial habits for better brain development in kids