Breast milk malaking tulong sa brain development!
Ayon sa bagong research, nakakatulong ang pagbibigay ng breast milk para mapabuti ang brain development ng mga premature na sanggol.
Hindi na bago sa mga magulang ang mabuting epekto ng breast milk sa mga sanggol. Bukod sa libre, ito rin ay punong-puno ng mga minerals at vitamins na kailangan ng mga baby. At ayon sa isang bagong research, malaking tulong ang maibibigay ng breast milk sa brain development ng mga premature na sanggol.
Ito ay dahil sa mga premature na sanggol, kadalasang mahina ang kanilang brain connectivity. Dahil dito, mas humihina ang kanilang learning at thinking skills sa kanilang pagtanda.
Ngunit ang pagbibigay daw ng breast milk sa mga sanggol ay posibleng makatulong upang patibayin ang brain development ng mga premature na sanggol.
Breast milk, solusyon sa brain development ng mga premature na sanggol
Ang research ay isinagawa sa Edinburgh University sa Scotland kung saan pinag-aralan ng mga researchers ang MRI scan ng 50 premature na sanggol.
Ang ilan sa mga sanggol ay binigyan ng breast milk, at ang iba naman ay binigyan ng formula milk. Natagpuan nila na ang mga sanggol na mas madalas bigyan ng breast milk ay mayroong mas matibay na brain connectivity kumpara sa ibang mga sanggol.
Madalas, mahina ang brain connectivity ng mga premature na sanggol dahil hindi pa tapos ang kanilang brain development nang sila ay ipinanganak. Kaya para sa mga magulang ng premature babies, mahalagang patibayin ang brain connectivity.
Sinusuportahan ng kanilang mga natuklasan kung gaano kahalaga ang breast milk para sa mga sanggol. Ito ay dahil kumpletong pagkain ang breastmilk para sa mga baby. Lahat ng kailangan nila upang lumaking malusog at malakas ay nasa breast milk.
Bukod dito, mayroon ding mga mahahalagang antibodies na matatagpuan sa breast milk. Nakakatulong ang mga antibodies na ito upang tumibay ang immune system ni baby.
Bakit mahalaga ang breastfeeding?
Ang desisyon para mag-breastfeed ay nakasalalay sa ina ng sanggol. Wala naman masama sa mga inang ayaw mag-breastfeed dahil hindi naman ito makakasama kay baby. Hindi madali ang mag-breastfeed, kaya hindi mo rin masisisi ang ibang ina na mas gusto na lang na bigyan ng formula milk ang kanilang anak.
Pero ayon sa maraming eksperto at organisasyon, breastfeeding pa rin ang pinakamainam na paraan upang masigurado ang kalusugan at paglaki ng iyong anak.
Heto ang ilan sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang breastfeeding:
- Kumpleto ang breast milk sa mga vitamins, nutrients, antibodies, at kung anu-ano pa na kailangan ng iyong sanggol. Nagbabago din ang komposisyon ng breast milk depende sa pangangailangan ng iyong anak!
- Nakakatulong ang breast milk para makaiwas ang mga sanggol sa mga sumusunod na kondisyon:
- UTI, ear infection, at infection sa respiratory system
- Sakit sa balat
- Diarrhea, constipation, kabag
- Asthma
- Allergies
- Diabetes
- Obesity
- Childhood cancer
- SIDS
- Anemia
- Mga sakit sa puso sa kanilang pagtanda
- Nakakatulong ang breastfeeding upang mawala ang pregnancy weight ng mga inang kakapanganak pa lang.
- Nakakaiwas din sa mga sumusunod na sakit ang mga inang nag-breastfeed:
- Type 2 diabetes
- Breast cancer
- Ovarian cancer
- Anemia
- Post-partum depression
- Osteoporosis
- Pinapatibay din nito ang mother-baby bond, at magandang pagkakataon upang maging secure at safe ang pakiramdam ni baby.
- Libre ang breastfeeding, at hindi mo kailangan maghanda ng kung anu-ano upang pakainin ang iyong sanggol.
Sources: Daily Mail, UPI