Alam niyo bang sumunod na sa modernong panahon ang Pilipinas pagdating sa breastfeeding o pagpapasuso sa anak? Malinis at komportable, at hindi na pagtitinginan ng may malisya o pangungutya, kahit sa pampublikong lugar—‘yan ang lugar na maaaring puntahan sakaling magutom ang iyong baby sa labas ng bahay.
Taong 2010 nang isina-batas ang Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009 o Republic Act 10028, na nagsasaad na lahat ng establisamento o institusyon sa Pilipinas ay kailangang magtalaga ng lactation station o pribado, maayos at komportableng lugar para sa pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol sa labas ng kanilang tahanan.
Mayroon ding tinatawag na “lactation breaks” na 40 minuto sa isang 8 oras na trabaho, para sa mga inang bumalik na sa trabaho pagkatapos ng maternity leave, na nagsasaad na kailangang bigyan ng oras ang mga empleyadong ina na magtabi ng kanilang gatas sa panahong sila ay nasa opisina at malayo kay baby.
photo: fotolia
Sinasaad ng batas na kailangang may maayos at malinis na lababo para sa paghuhugas ng kamay, lamesa, upuan, refrigirator para sa gatas ng ina, at electrical outlet para sa breast pump. Sa loob ng pitong taon matapos maipasa ang RA 10028, maraming komersiyal na lugar na ang nagtalaga ng breastdeeding stations.
Narito ang mga establisamento sa Metro Manila at iba pang lugar sa Pilipinas na may maayos at kaaya-ayang breastfeeding station o breastfeeding-friendly area.
SM Supermalls
Ang pamunuan ng SM ay may binansagang proyektong SM CARES. Taong 2006 pa lamang ay nagtalaga na ng breastfeeding station ang SM Megamall sa Mandaluyong. Ito lang ang una sa nabibilang nang 38 na SM Supermalls sa buong bansa na mayroon nang breastfeeding station.
Greenbelt 5
Sa ika-4 na palapag ng Greenbelt 5 ay may nakalaan na Family Lounge. Nakalaan ang lugar na ito para sa may makapaglaro ang mga maliliit pang bata na may kasamang yaya, habang may binibili ang kanilang magulang.
Dito ay may nakatalaga ding lugar para sa pagpapasuso ng nanay sa kaniyang anak.
May banyo, komportableng upuan, mga libro, at Wi-Fi pa. Walang bayad ang lugar na ito. Ang lounge ay libre para sa mga nagpapasusong ina, ngunit kabuuang lugar (lauran ng bata, VIP station, atbp.) ay libre lamang para sa miyembro ng VIPinoy at Amore.
Glorietta 4 Family Lounge
Ito ay nasa ikatlong palapag ng Glorietta 4 malapit sa Food Court. Mayroong dalwang cubicle para sa pagpapasuso, banyo, mga komportableng upuan, changing table, at laruan ng mga batang nasa isang taon pataas.
Market! Market!
Mayroon ding breastfeeding station sa loob ng Family Lounge sa ikalawang palapag ng Market Market sa Taguig. Kapareho din ito ng nasa Glorietta at Greenbelt.
Trinoma
Sa Trinoma, malaki at maaliwalas ang breastfeeding station. Ito ay nasa Level 3 ng mall. Kasya ang stroller sa loob, at kumpleto sa mga kailangang amenity. Maraming nagsasabi na isa ito sa pinakamaganda at pinaka-komportableng breastfeeding stations sa Maynila.
Robinson’s Galleria at Robinson’s Place Manila
Sa ikatlong palapag ng mall makikita ang breastfeeding station sa Robinson’s Galleria. Medyo maliit ngunit kumpleto din ito sa amenity.
Rustan’s Shangri-la Mall EDSA, Alabang Town Center sa Rustan’s Makati
Sa Infant’s Section ng department store makikita ang Nursing Station ng Rustan’s. May apat na komportableng upuan, changing table, mga lamesa para sa gamit at upuan para sa mga toddlers din. Magara at maganda ang lugar at sumusunod sa kalidad ng interior ng Rustan’s Department Store.
Shangri-la Plaza, EDSA
Bukod pa sa loob ng Rustan’s, mayroon ding breastfeeding station sa loob ng Shangri-la Mall. Kumpleto din ito sa magagarang gamit tulad ng upuan, unan, microwave oven, changing table at iba pa.
Eastwood City
Ito ay malapit sa Babyland at Toys R Us sa ikatlong palapag. Kumpleto ito sa kinakailangan para sa pagpapasuso at may mga kurtina para sa mas pribadong oras kasama ang anak. May mga libro at iba pang babasahin din para kay mommy.
Mothercare Bonifacio High Street
Naglagay din ng breastfeeding station ang Mothercare dahil ito ang kanilang adbokasiya. Kumpleto sa pasilidad at may dagdag pang mga babasahin para may karagdagang magawa si Nanay habang nagpapasuso o naghihintay.
NAIA Terminal 1
Mayroon na ring breastfeeding station sa paliparan ng Maynila, at sumunod na rin ang iba pang malalaking paliparan sa buong Pilipinas. SA NAIA, ito ay nasa Departure Area. Bukas ito sa loob ng 24 oras para sa mga aalis o dumating na manlalakbay. Kumpleto ang pasilidad at pinapanatiling maayos at malinis din.
Isinasaad ng RA 10028 na ang kahit anong pribadong establisimento na hindi susunod sa batas na ito ay may multang P50,000 hanggang P1 million, depende sa kung pang-ilang opensa na ito, kasunod pa ang pag-kandela ng kanilang permit o lisensya. Ang lahat naman ng kagawaran ng gobyerno na hindi susunod sa batas na ito ay maaaring maparusahan o masuspindi, o matanggal sa posisyon.
Sa buong mundo, ang ika-3 hanggang ika-8 ng Agosto taun-taon ay itinalagang Breastfeeding Week, at ang buong buwan ng Agosto ay Buwan para sa Breastfeeding.
Marami nang napula at napintasan na mga ina sa tuwing sila ay magpapasuso sa isang restaurant o kapihan, o iba pang lugar sa labas ng kanilang bahay.
Ang inisyatibong ito ng mga mambabatas at ng mga pribadong kumpanya na nagbibigay halaga sa mga ina at kanilang mga anak ay isang positibong halimbawa na kaya nating lumusong kasabay ng progreso ng buong mundo.
BASAHIN: 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!