9-month old baby na may bukol sa ari, may cancer pala
Narito ang mga palatandaan ng cancer sa mga bata na hindi dapat balewalain ng mga magulang.
Bukol sa ari ng baby na inakalang luslos, isang uri pala ng rare testicular cancer na kung tawagin ay ectomesenchymoma.
Bukol sa ari ng baby
Buwan ng Marso ngayong taon ng mapansin nina Emma Burgess, 36 at partner niyang si Katie Woodward, 34, na may bukol sa ari ng baby nila na si Freddie Burgess-Shardlow.
Dinala nila agad ito sa doktor at sinabing ito ay hernia o luslos na common lang sa mga baby.
Paglipas ng dalawang buwan ay mas lumaki ang bukol sa ari ni baby Freddie. Inakala ni Emma at Katie na ito ay dahil sa cabin pressure sa eroplano ng isama nila si baby Freddie sa bakasyon nila sa Gran Canaria.
Pero para makasigurado ay dinala parin nila si baby Freddie sa ospital. Sa pagkakataong ito sinabi ng doktor na ang bukol sa ari ni baby Freddie ay isang hydrocele. Ang hydrocele ay ang pamamaga ng scrotum na itinuruting na common lang sa newborn baby at kusa daw itong nawawala.
Ngunit sa pagdaan ng araw ay hindi nawala ang pamamaga sa bukol sa ari ng baby nina Emma at Katie na si Freddie. Unti-unti rin daw tumamlay ang katawan ng kanilang baby. Kaya nitong Hunyo ay binalik nila ulit si baby Freddie sa doktor. Matapos ang isang scan ay nakitang ang bukol sa ari niya ay isang solid mass na. At ayon sa doktor kailangan na itong tanggalin kasama ang right testicle niya.
Matapos ang operasyon, dito na natukoy ang tunay na kondisyon ni baby Freddie. Siya pala ay may bibihirang sakit na kung tawagin ay ectomesenchymoma, isang uri ng cancer.
Para malunasan ang sakit ay dumadaan sa chemotherapy si baby Freddie ngayon. Masyado mang bata sa edad na 9-buwan ay malakas na nilalaban ni baby Freddie ang kaniyang sakit. Sa tulong narin ng pagmamahal at pag-aalaga na ibinibigay ng mga magulang niya sa kaniya.
Ano ang ectomesenchymona?
Ang ectomesenchymona ay isang bihira ngunit fast-growing tumour na tumatama sa nervous system o soft tissue sa katawan. Ito ay isang uri ng cancer na maaring maranasan ng mga bata o matatanda. Ngunit mas madalas itong makikita sa mga bata na may edad limang taon pababa.
Ito ay kilala rin sa tawag na malignant ectomesenchymoma o MEM.
Nabubuo ang ectomesenchymomas sa mga bahagi ng katawan tulad ng ulo, leeg, tiyan, perineum, scrotum, braso at mga binti.
Sa ngayon ay hindi pa tukoy ang sanhi ng tumor formation at development ng sakit. Ngunit pinaniniwalaang ito ay dulot ng genetic abnormalities.
Para ito ay malunasan ay kailangang dumaan sa surgery, chemotherapy at radiation therapy ang mga pasyenteng may taglay ng sakit.
Samantala ayon sa Cancer Research UK, ang mga signs o sintomas ng cancer na maaring makita o dapat bantayan sa mga bata ay ang sumusunod:
Sintomas ng cancer sa mga bata
- Hindi makaihi o dugo sa ihi
- Firmness, swelling o hindi maipaliwanag na bukol sa katawan
- Paulit-ulit na pananakit ng tiyan
- Pananakit sa likod na hindi nawawala
- Hindi maipaliwanag na seizures o unexplained behavior
- Pananakit ng ulo na hindi nawawala
- Pagkakaroon ng pasa, rashes o pamumutla na hindi maipaliwanag kung bakit
- Pagdurugo
- Pagiging laging pagod
- Madalas na pagkakaroon ng impeksyon o flu-like symptoms
- Unexplained vomiting
- Mataas na lagnat o pagpapawis
- Weight loss
- Hirap sa paghinga
- Pagbabago ng appearance ng mga mata o unusual eye reflections sa mga litrato.
Source: Dove Med, National Cancer Institute, Cancer Research UK, DailyMail UK
Basahin: Baby, ipinanganak na mayroong lumalaking bukol sa ulo