Para sa maraming magulang, hindi na bago ang pagkakaroon ng bulutong tubig o chickenpox ng kanilang mga anak. Ngunit alam niyo ba na kapag hinayaan lang, posibleng maging sanhi ito ng malalang komplikasyon, lalong-lalo na sa mga bata?
Ating alamin ang malungkot na kuwento ng isang taong gulang na batang ikinamatay ang komplikasyon dahil sa bulutong tubig.
Komplikasyon sa bulutong tubig, posibleng nakamamatay
Isang taong gulang lamang ang batang lalaking si Layton Boys-Hope nang siya ay pumanaw. Ang mas nakakalungkot pa ay hindi agad napansin ng mga doktor ang naging komplikasyon ni Layton dahil sa chickenpox.
Ayon sa kanyang mga magulang, nagkaroon daw ng chickenpox ang kanilang anak. Akala nila ay gumagaling na ang kanyang kondisyon, ngunit biglang sumama ang kaniyang lagay at nagkaroon siya ng nag-aapoy na lagnat.
Dahil dito, dali-dali siyang dinala ng kaniyang mga magulang na si Nichol Boys at Dave Hope sa ospital.
Nag-iiba na raw ang kulay ng kaniyang paa
Hindi inakala ng mga magulang ni Layton na ganito ang mangyayari sa kanya, lalo na at simpleng bulutong tubig lang naman ang kaniyang naging sakit.
Nang siya ay madala sa ospital, nag-aapoy na ang kaniyang lagnat at nagsisimula nang mamaga at mag-iba ang kulay ng kaniyang paa.
Napag-alaman ng mga doktor na namamaga daw ang kaniyang atay at posibleng ito ay dahil sa bacterial infection.
Kahit na may isinagawa nang mga test, sabi ng magulang ni Layton na pinabayaan ng mga doktor ang kanilang anak. Hindi daw nila pinansin ang pamamaga ng kaniyang paa, at sinabing baka masikip lang ang diaper o kaya baka nahigaan lang ito ng bata.
Tatlong oras matapos siyang dalhin sa ospital, doon lang lumabas ang resulta ng ng blood test. Napakababa raw ng kaniyang white blood cell count, na senyales ng isang impeksyon.
Hindi siya agad nabigyan ng antibiotics
Bagama’t masama na ang lagay ni Layton, hindi pa rin siya agad binigyan ng antibiotics ng mga doktor.
Nabigyan lang siya ng antibiotics, walong oras matapos siyang dalhin sa ospital. Sa kasamaang palad, huli na ang pagbibigay sa kaniya ng antibiotics, at nagsimula nang manghina ang kanyang katawan.
Sa kasamaang palad, namatay si Layton dahil sa sepsis o impeksyon sa dugo. Dahil hindi ito agad naagapan ng mga doktor, lumala ng lumala ang kaniyang impeksyon na naging sanhi ng paghina ng kanyang katawan at ng kanyang pagkamatay.
Paano siya nagkaroon ng sepsis?
Ang sepsis, o tinatawag na septicemia ay isang uri ng impeksyon sa dugo. Kadalasan itong nakukuha sa mga impeksyon sa katawan.
Ito ay nangyayari kapag mahina ang immune system, at hindi kinakaya ng katawan na labanan ang kumakalat na impeksyon.
Nanganganib ang mga sanggol sa sepsis dahil hindi pa developed ang kanilang immune system.
Paano ito maiiwasan?
Madalas nagkakaroon ng sepsis ang mga taong nagkaroon ng matinding sakit, o kaya ay mahina ang immune system. Kaya para sa mga magulang, mahalagang tutukan ang iyong anak lalong-lalo na kung kakagaling lang nila sa sakit.
Ito ay dahil hindi pa nakakabalik sa dating lakas ang kanilang immune system, at mas mataas ang posibilidad na magkaroon sila ng malalang impeksyon kung kakagaling lang nila sa sakit.
Heto ang mga sintomas na kailangang alamin:
- Nilalamig, o panginginig
- Mataas na lagnat
- Mabilis ang tibok ng puso, at mabilis ang paghinga
- Pagkalito at pagkahilo
- Pagbaba ng pag-ihi
- Pagkakaroon ng rashes o discoloration sa balat
Kung sa tingin mo na mayroong sintomas ng sepsis ang iyong anak, huwag mag atubiling magpunta sa ospital upang maagapan ito agad. Importanteng malaman alam ng mga magulang ang sintomas ng sakit na ito dahil kapag napabayaan, nakamamatay ang sepsis.
Source: The Sun
Basahin: Chickenpox in adults: A Comprehensive guide for parents