Habang tumatagal daw ang pagsasama ng mag-asawa, lalong umiigting ang damdamin—kaya’t ginaganahang kumain. Masaya daw kasing magkasama, kaya naman madalas ang “date” sa labas, o ‘di kaya ay pagrerelax sa sofa, habang kumakain at nanonood ng TV o nagkukwentuhan.
Huwag mag-alala. Ganito daw talaga ang nangyayari kapag masaya ang mag-asawa, ayon sa isang pag-aaral ng National Center for Biotechnology Information sa Amerika. Sinundan daw ang 169 bagong kasal sa 4 na taon, at sinukat ang timbang mula simulang kinasal, kasabay ng pakikipanayam kung masaya ba o hindi ang mag-asawa.
Ang mag-asawang labis na masaya daw, ay siyang tumitibay ang relasyon at nagtatagal ang pagsasama.
Wala daw kasing pressure na magpapayat dahil hindi na kailangang makakuha ng atensiyon ng iba, dahil masaya na sa asawa. Kaya nga relaks na at kain na lang nang kain ng gusto.
Ang mag-asawa kasi ay karaniwang nakasentro ang bonding time sa pagkain, lalo pa ngayon na ang daming mga lugar na puwedeng puntahan para mag-date—at lahat ay puro masasarap ang pagkain. Masarap din kasing magkuwentuhan habang kumakain sa gabi, pagkagaling sa trabaho.
Bakit nga ba hindi dapat mabahala kung bumigat ang timbang ninyong mag-asawa?
1. Ito ay “bonding moment” ng mag-asawa
May mga magkabiyak kasi na hindi nagkakasundo sa ibang bagay, kaya’t anumang bagay na mapagkakasunduan—tulad ng pagkain, ay dapat samantalahin.
Minsan din, kahit hindi naman gusto ng isa, kinakain pa din niya dahil nakikita niyang kumakain ang kabiyak. Kahit hindi mahilig sa cake, napapakain ng cake si mister dahil lang paborito ni misis.
Nagiging punto din ng usapan ang pagkain, kaya lalong ginaganahan kumain pag magkasama. Hindi na napapansin ang oras, ang dami, o kung masustansiya ba ito o hindi.
2. “The way to a man’s heart is through his stomach”
Kaya nga puspos ang pag-aaral ni misis na magluto ng masasarap na ulam o mag-bake ng mga cake o kakanin. May mga mister din na mahilig magluto kaya sila naman ang nagpapatikim at nagpapakasigasig sa pagluluto.
Maraming hindi na napapansin na bumigat ang timbang, kundi pa makikita sa weighting scale. Hindi na rin nila minamasama, dahil naging masaya naman ang “gustatory adventure” nilang mag-asawa.
3. Bawal mag-aksaya ng pagkain!
Kapag pamilyadong tao ka, bawat butil ng bigas at bawat kutsara ng pagkain ay mahalaga. Nakakahinayang magtapon ng pagkain kaya naman ubusan ng tirang ulam ang ginagawa ng mag-asawa.
4. Dahil sa pagbubuntis
Bakit ka malulungkot sa pagtaba kung nakapanganak ka naman ng isang napaka-cute na baby?
Maraming babaing bumibigat ang timbang dahil nga naglihi at napakain ng madami nung nagbubuntis, at hindi pa rin nagbabago ang gana sa pagkain kahit nakapanganak na. Pati nga mister ay napapakain din ng marami, at napapasabay kay misis.
5. Dahil nga sigurado na sa “forever”, hindi na iniisip ang panlabas na anyo
Ang pag-aasawa ay panghabambuhay—iyan ang nasa puso ng dalawang nagmamahalan. Kaya’t hindi na nila iniisip na iiwan sila ng kabiyak kapag tumaba o pumayat. Tiwala ang panlaban, sabi nga nila.
Ayon sa pag-aaral, nasa 60% daw ng mga taong nagdadagdag ng timbang ay nasa kumportableng relasyon na.
Maraming nag-aalala (lalo na ibang tao) sa panlabas na anyo ng babae man o lalaki. Nagiging tampulan ng tukso at pansin ang pagtaba mula nang nag-asawa, at ang mga nabanggit sa itaas ay ilang bagay na makakapagpaliwanag kung bakit nga ba nagbago ang pagtingin sa anyong pisikal ng mag-asawa.
Higit sa lahat, dapat ding tandaan na hindi katapusan ng mundo (o ng relasyon ng mag-asawa) ang pagtaba o kapag bumigat ng timbang ninyo. Hindi dapat masira ang pagsasamahan dahil lang sa pisikal na pagbabago, bagkus dapat pa ngang makita na patunay ito ng maigting na pagmamahalan.
Dapat na bang magbawas ng timbang?
Bagamat may kakaibang kasiyahang dulot ang pagkain sa buhay natin, importante ding mapangalagaan ang kalusugan.
Kung sobra na din ang pagbigat ng timbang, at nakakaapekto na sa kalusugan sa negatibong paraan, dapat ding mag-desisyon ang mag-asawa kung ano ang dapat gawin para mapangalagaan ang kalusugan, para na rin sa pamilya at sa mga bata.
Kung hindi na masaya sa nakikita sa pangangatawan, siguro ay oras na para asikasuhin ang sarili at tingnan ang lifestyle ninyong mag-asawa.
Mag-ehersisyo nang magkasama, magplano ng menu ng pamilya at ninyong mag-asawa para mabawasan ang mga matataba at matatamis na pagkain—maraming pwedeng gawin na magiging bonding moment pa rin ninyo ni misis o ni mister.
Basta’t unahin ang kalusugan, walang dapat ikabahala. At basta’t bukas pa rin ang komunkasyon ng mag-asawa, lahat ay kayang malagpasan, lahat ay ma-eenjoy pa din.
BASAHIN: Paano nga ba maibabalik ang intimacy ng mag-asawa?