Ang sikreto daw sa mahabang pagsasama ng isang mag-asawa ay ang pagpapanatili nila ang init ng pananabik sa isa’t isa, kahit gaano na katagal nang magkasama. Paano bumalik ang pagmamahal ng asawa mo? Ayon sa mga eksperto, ang karaniwang dahilan ng paghihiwalay ay ang problema sa intimacy, lalo na sa aspetong seksuwal. At kapag nagsimulang maputol ang koneksiyong pisikal, ang relasyon ay nagkakalamat na.
May iba’t ibang dahilan kung bakit nangyayari ito. May kani-kaniyang personal na pangangailangan ang mag-asawa, at maaaring hindi nila natatanto na mayron nang problema—at lumaki na ito—hanggang huli na ang lahat.
Ano nga ba ang dapat gawin para maibalik ang dating init ng pagmamahalan?
Image from Freepik
Maraming factors: walang oras dahil sa abala sa trabaho at ibang gawain, inaasikaso ang mga anak, pagod, at mga iniisip na problema. Kung nararamdaman nang nabawasan na ang oras para sa isa’t isa, at hindi man lang nakakaupo para mag-usap o maglambingan, maaaring panahon na para tingnan muli ang relasyon at mag-desisyon na gumawa ng hakbang para ayusin ito.
Narito ang ilang paraan kung paano bumalik ang pagmamahal ng asawa mo
1. Magtakda ng oras para magkasama kayo, na kayo lang dalawa.
Lalo na kung ang problema ay nag-uugat dahil sa kawalang ng oras para sa isa’t isa, nararapat lang na ito ang maing solusyon: mag-schedule ng ‘date’. Hindi kailangang kumain sa mamahaling restaurant o mangibang bansa. Isang gabi o isang buong araw sa isang linggo o kahit maka-ikalawang linggo, na wala ang mga bata sa bahay, para makapag-usap, makapagkwentuhan. Balikan kung ano ang ginagawa ninyo dati nung hindi pa kayo mag-asawa, o nung hindi pa kayo abala sa buhay pamilya. Manuod ng sine, maglakad-lakad, mag-jogging, kumain sa paboritong kainan, o kahit na magluto o mag-bake nang magkasama. Gawin itong regular, at kahit anong mangyari ay hindi dapat mapopostpone o maka-cancel.
2. Iwasan ang puro angal o galit lang ang paksa ng usapan ninyong dalawa.
Bagamat mabuti ang makapag-usap kayo palagi at maikuwento ang mga nangyayari sa trabaho, o kung ano ang nararamdaman sa araw na iyon, pero ingatan lang na hindi puro ito ang laman ng usapan ninyong dalawa. Bawat oras ninyo ay mahalaga, at hindi makakatulong kung palaging negatibo ang paksa sa maikling oras na nag-uusap kayo o sa bawat pagkakataon na magksama kayo.
Ang pag-uusap ay dapat nababalot ng masaya, masigla at positibong paksa. Kung mayron mang importanteng pag-uusapan, o mga problemang gusto ikuwento sa asawa, gawin ito sa umpisa ng usapan, para mailabas lang ang nasasaloob. Tandaan na ang goal ay mag-reconnect, at hindi ito mangyayari kung puro bagot at inis ang ilalabas na damdamin.
3. Pag-usapan ang gusto at hindi gusto, at inaasahan mula sa isa’t isa, lalo na sa aspetong sexual.
Komunikasyon ang susi sa isang relasyon. Mas makakabuti kung komportable kayong nag-uusap tungkol sa mga nararamdaman, lalo na sa kung ano ang gusto ng isa’t isa, at mga expectations pagdating sa sex. Mga detalye tulad ng kung gaano kadalas, anong posisyon, saan, at mga sexual experiments o mga bagong bagay na gustong subukan—dapat ay naipapaalam ito sa asawa. Maging bukas sa pakikipagkompromiso, at makinig sa sasabihin ng asawa.
Image from Freepik
Balikan din ang mga bagay na nakakapagpakilig at nakakapagpaigting ng damdamin nung nagsisimula pa lang kayo sa relasyon. Ayon sa mga pag-aaral ng mga scientists, ang oxytocin, isang hormone na lumalabas sa umpisa ng isang relasyon ang nakakapagpakilig at nakapagbibigay ng kakaibang masayang damdamin sa babae at lalaki. Kaya naman mahawakan lang ay parang labis na ang kasiyahan. Mabilis din daw itong nawawala, lalo na kung matagal na ang pagsasama. Napapalitan ito ng mga damdaming mas totoo at mas malalim, bagamat hindi na ‘kilig’ ito.
Pero maaari pa rin itong maibalik, kung magiging mas ‘conscious’ ang mag-asawa. Ibalik ang dalas ng halik, hawakan ang kamay, at mainit na yakap, o simpleng shoulder rub, para maipaalala araw araw sa iyong asawa ang pagmamahal. Ang mga ganitong pisikal na pagpaparamdam ay nagiging daan para mabuhay muli ang relasyong sensuwal at seksuwal. Ayon sa pag-aaral, ito ay nakakapagpalanas ng oxytocin at nakakapagpakalma. Ito rin ang hormone na nailalabas kapag may sexual orgasm. Ang mga physical affection ay nakakaalis ng stress, na nakakabuti sa pagsasamahan sa isang relasyon.
4. Ibalik din ang relasyon emosyonal o emotional intimacy.
Ang susi sa maigting na relasyon ay ang koneksiyong emosyonal. Kung gusto ng bawat isa na maibalik ang dating mainit na pagtitinginan, kailangang buksan ang komunikasyon at maging natural na mapagmahal at maasikaso sa kabiyak. Sa libro at audiobook na “The Science of Trust: Emotional Attunement for Couples” ni John Gottman, PhD, ang dating “passion” at pagtingin ng mag-asawa ay mabubuhay muli kung masasanay ang bawat isa na ipakita ang emotional side, at maging hindi lang mapagmahal kundi may respeto at may empathy, hindi palaging palaban o paaway. Kung nagkakaintindihan sa aspetong emosyonal, kahit nag-aaway o nagtatalo tungkol sa isang bagay ay mas madaling magkasundo at makarating sa maayos na usapan.
Ayon kay Dr. Gottman, ang mag-asawang magkaibigan ay nagsasama ng mas matagal. Ito ay dahil mas kilala nila ang isa’t isa, kasama ang personalidad, habits, pati na mga pangarap sa buhay.
Unahin daw ang positibong pangangailangan, imbis na puro angal at panunumbat ang ilalabas. Paliwanag ni Dr. Gottman, mas makakatulong kung sasabihin ang gustong mangyari at kung ano ang pwedeng gawin, at hindi puro paglilista lang ng lahat ng maling ginagawa ng asawa: “Ito ang nararamdaman ko, at ito sana ang pwede mong gawin” imbis na, “Mali ka! Mali yang ginagawa mo! Puro ka mali! Palagi na lang ganiyan!”
5. Huwag kaligtaang purihin ang kabiyak, sa tuwing may mabuting nakikita.
Iparamdam na attracted ka sa asawa at sabihing “Ang sexy mo” sa bawat pagkakataon na makita. Kung may bagong damit, banggitin na bagay sa kaniya ito. Wala nang mas nakakakilig at makakapagpakita ng pagmamahal kundi ang marinig na “attractive” at maramdamang “expired” ka pa sa iyong asawa, at nakikita niya ang kagandahan o kaguwapuhan mo. Dito nag-uugat ang positibong pagtitinginan. Isa rin itong paraan ng foreplay, para mas maging exciting at mainit ang pagtitinginan. Ayon kay Dr. Gottman, lahat ng positibong ginagawa at sinasabi sa iyong kabiyak ay bahagi ng foreplay.
6. Gawing prayoridad ang sex.
Image from Freepik
Tingnan ang sex bilang isang paraan para mas makilala o makilalang muli ang asawa. Magkasamang alamin ang mga bagong bagay na sa tingin niyo ay makakapagpainit ng relasyong seksuwal. Gawing romantiko ang date night, at maging malambing, para maging daan sa isang mainit na gabi—at marami pang gabi.
7. Magplano ng bakasyon o getaway.
Hindi cliche ang romantic getaway para sa isang mag-asawa. Malaki ang nagagawa ng pagbabakasyon at pagkakaron ng “break” mula sa mga bata at sa araw araw na gawaing pampamilya, para sa inyong relasyon. Hindi kailangang madalas, pero kung makakahanap ng isang regular na bakasyon, kahit na isang weekend lang, makaka-focus ang mag-asawa sa isa’t isa ng walang distraction.
Ang mga suhestiyon na ito ay hindi madali at hindi magagawa ng isang lingo o isan gbuwan lamang. Maraming pagdadaanan at mahabang panahon ang kailangan. Pero basta’t hindi nawawala ang focus at nakatuon ang mga mata sa hangad na intimacy, makukuha din ito, at maibabalik ang init ng pagmamahalan ng mag-asawa.
Basahin: Sex Secrets para sa mag-asawa
ALAMIN: Ang iba pang uri ng cheating maliban sa sex
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!