Para sa mga inang sumailalim sa caesarean o C-section, normal nang nagiging mas matagal ang panahon para sa paggaling. Ito ay dahil kinakailangang maging maingat ang mga ina. Ito ay dahil posibleng bumukas ang tahi kapag masyadong magalaw, o kaya kapag hindi iningatan.
Ngunit para sa inang si Mel Bremner, mula sa Scotland, hindi niya inakalang pati ang kaniyang bituka ay lalabas nang bumukas ang tahi ng kaniyang C-section.
Ina, bumukas ang tahi ng C-section habang naliligo
Naliligo raw noon si Mel sa shower, at yumuko daw siya upang kuhanin ang shampoo. Nagulat na lamang siya nang biglang makita ang kaniyang bituka na nakalabas sa kaniyang tiyan. 5 araw pa lamang ang nakalipas nang manganak sa C-section si Mel. Dali dali raw niyang sinalo ang kaniyang bituka, at humingi ng tulong sa kaniyang partner.
Dinala siya ng partner niya sa kanilang sofa at matapos ay nagmadaling tumawag sa emergency services. Agad naman siyang nadala sa ospital, at tinahi ng maayos ang kaniyang sugat. Matapos ang dalawang araw ay nakalabas din siya ng ospital.
Posible raw na mali ang pagkatahi kay Mel
Ngunit hindi makakailang natakot at nagulat si Mel dahil sa nangyari. Noong una raw ay hindi siya makapaniwalang lumabas ang sarili niyang bituka, at hawak-hawak niya ito sa kaniyang mga kamay. Hindi raw niya halos ginalaw ang kaniyang mga kamay, dahil natatakot siyang baka hindi na maibalik ang kaniyang bituka.
Buti na lang at nanatiling kalmado si Mel pati na ang kaniyang partner. Nagawa pa raw ni Mel na mag-pose para sa isang larawan habang naghihintay sila ng doktor.
Ayon naman sa doktor na nagtahi sa tiyan ni Mel, posible raw na naging maigsi ang ginamit niyang sinulid, o kaya ay hindi niya naibuhol ng maayos ang tahi.
Dapat bang mag-alala ang mga ina na bumukas ang tahi ng C-section?
Ang katotohanan ay bihirang-bihira ang mga kaso tulad ng nangyari kay Mel. Bagama’t posible nga itong mangyari, hindi nito ibig sabihin na dapat matakot na ang mga ina na magkaroon ng C-section.
Madalas ang mga ganitong insidente ay dahil sa pagkakamali ng doktor, at hindi dahil kinulang ng pag-iingat ang ina.
Para sa mga inang nanganak sa pamamagitan ng C-section, kinakailangan lamang na linisin ang kanilang sugat, at umiwas na masyadong gumalaw, o kaya magbuhat ng mabibigat. Dahil posible itong magdagdag ng strain sa katawan ng ina, at maging dahilan upang bumukas ang kanilang tahi.
Siguraduhin lamang na sundin ang payo ng doktor, at maging maingat sa mga gawain, lalo na kung sariwa pa ang sugat. Sa panahon ngayon, safe at hindi mapanganib ang mga C-section, kaya’t walang dapat ipag-alala ang mga ina tungkol dito.
Source: The Sun
Basahin: Routine C-section cost a mom her life after complications arose