Madalas na katanungan sa theAsianparent app kung safe ba ang bunot ng ngipin sa buntis. Alamin ang sagot ng mga eksperto tungkol dito.
Ayon sa mga dental experts, naaapektuhan ng pagbubuntis ang dental health ng isang ina dahil sa pagbabago ng hormone levels niya. Mas tumataas ang posibilidad ng pagkakaron ng gum disease at pati na pagkasira ng ngipin. Pero ang dapat na tandaan, mas prone ang mga nagbubuntis sa cavities at gum disease.
Isang sanhi ay ang pagsusuka sa unang trimester, na sanhi ng exposure ng bibig sa acid, at nakakasira sa tooth enamel. Kaya naman mas mainam na bumisita sa dentista sa panahon ng pagbubuntis para masiguradong hindi mapapabayaan ang ngipin at gums.
Kung ang pagpapalinis ng ngipin at routine dental check-up ay makabubuti, paano naman ang bunot ng ngipin sa buntis?
Ayon kay Dr. Joel Vergel de Dios, DDM, isang dentista, at sa American Dental Association, puwede naman ang tooth extraction kahit pa buntis si mommy. Ayon pa sa dentista, makaluma na ang paniniwala na bawal ang bunot ng ngipin sa buntis.
May panganib ba ang anesthesia sa bunot ng ngipin sa buntis?
Sa statement na inilathala ng National Maternal and Child Oral Health Resource Center sa kanilang National Consensus Statement on Oral Care During Pregnancy, pinaliwanag nila na may ebidensiya na ligtas ang pagpapabunot ng ngipin kapag buntis, kahit pa may local anesthesia at pain medicines.
Pareho din ng resulta ng ginawang pagsasaliksik nuong Agosto 2015, at inilathala ng Journal of the American Dental Association, na nagsasaad na ligtas ang local anesthesia at pagpapabunot ng ngipin kapag buntis, para sa bata at sa ina.
Payo ni Dr. Vergel deDios, “Sa ikatlong trimester lang, at sa via intra-ligamentary technique lang [dapat ang anesthesia]—at kapag extreme circumstances lang.” Sa madaling salita, hangga’t maipagpapaliban, mas makakabuti.
Iwasan din ang general anesthesia at sedation sa anumang panahon ng pagbubuntis. Bagamat sinasabi ng ADA at National Maternal and Child Oral Health Resource Center na may mga ligtas na uri ng general anesthesia na maaaring gamitin sa kamay o payo ng ng mga prenatal care health practitioner. Mas mabuti nang umiwas, hangga’t maaari, para hindi malagay sa panganib ang sanggol sa sinapupunan.
Dapat na payuhan ng mga OB GYN ang mga buntis na pasyente tungkol sa pangangalaga ng kanilang oral-dental health. Kumunsulta sa dentista para maiwasan ang anumang problema, lalo na ang pagkasira ng ngipin.
Binanggit din sa journal ng ADA na ligtas din ang dental X-ray kapag nagbubuntis dahil mababa ang radiation nito, at may proteksiyon na inilalagay para matakpan ang tiyan at thyroid habang isinasagawa ang X-ray. Dapat lang na ipaaalam sa dentista at magsasagawa ng X-ray na ikaw ay buntis.
Importante ang “timing” ng bunot ng ngipin sa buntis
Nirerekumenda ng American Pregnancy Association, na sa ikalawang trimester mas ligtas na isagawa ang anumang importanteng dental procedure, at ipagpaliban muna ang mga hindi naman kailangan pa pagkapanganak.
Ayon naman kay Dr. Vergel de Dios, mas makabubuti kung sa ikatlong trimester, kung talagang kailangan. Minsan kasi emergency na, at hindi na maaaring ma-delay ang pagpapabunot, katulad na lang kung may impeksiyon na.
Kung mayro’ng dentistang regular na pinupuntahan, kailangang ipagbigay alam sa kaniya ang pagbubuntis sa oras na malaman ito. Para mabigyan ng nararapat na vitamins at mapayuhan tungkol sa tamang pangangalaga ng ngipin at gums.
Dapat ding malaman ng dentista kung high-risk ang pagbubuntis o kung mayron pang ibang medical condition. Ito ay para mapag-desisyunan kung puwede bang ipagpaliban muna ang anumang treatment, hanggang sa makapanganak.
Ang 9 na buwan na pagbubuntis ay may malaki—at mahalagang impact sa oral health ng mga nanay, na makakaapekto din sa kabuuang kalusugan ng mag-ina, kaya’t dapat dapat na bigyang pansin at pagpapahalaga.
“Dapat na kasama ang dental check up sa pregnant women care protocol,” pagdidiin ni Dr. Vergel de Dios. “Tulad ng mga restorative procedures oral prophylaxis o pagpapalinis ng ngipin, mula sa ikalawang trimester.”
Huwag kakaligtaan ang pagsisipilyo ng 2 hanggang 3 beses sa isang araw. Pati na ang paggamit ng dental floss, na minsan ay hindi na prayoridad ng mga pagod at hirap na preggo mommies.
May tanong para kay, Dok? Mag-log-in sa theAsianParent app at ilagay ang #AskDok sa iyong katanungan.
Dr. Joel Vergel deDios, DDM; Journal of the American Dental Association, August 2015; National Maternal and Child Oral Health Resource Center – National Consensus Statement on Oral Care During Pregnancy