Itinalaga ang buwan ng Abril bilang Pambansang Buwan ng Panitikan o National Literature Month. Ito ay sa bisa ng Proclamation No. 968 na nilagdaan noong Pebrero 10, 2015. Ano nga ba ang dapat asahan sa buwan na ito? Narito ang mga event na maaari niyong puntahan ngayong Buwan ng Panitikan 2024.
Buwan ng Panitikan: Mga talakayan, patimpalak, at book fair
Sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at National Book Development Board, ipagdiriwang ngayong Abril ang Pambansang Buwan ng Panitikan na may temang, “Ang Panitikan at Kapayapaan.”
Larawan mula sa Shutterstock
Layunin ng pagdiriwang na ito na magkaroon ng malayang talakayan sa importansya at kontribusyon ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa ating bansa. Sa pamamagitan nito, ang diskurso sa konsepto ng kapayapaan ay mas mapagyayaman. At ang tungkulin ng panitikan sa lipunan ay mas maipakakalat sa mga Pilipino.
Bunsod nito, narito ang mga event na maaari niyong daluhan ngayong Buwan ng Panitikan.
Philippine Book Festival 2024
Kaabang-abang ang event na ito ngayong Buwan ng Panitikan. Ang Philippine Book Festival ay isang book fair. Tampok sa book fair na ito ang mga educational materials at mga aklat na isinulat ng mga Pilipinong manunulat.
Bukod sa book fair, mayroon ding magaganap na workshops, exhibits, at storytelling activities sa event na ito. Magandang dalahin ang inyong mga anak sa Philippine Book Festival. Tiyak na ma-eenjoy nila ang mga activity na inihanda ng National Book Development Board. At syempre, ano mang edad, bata man o matanda ay tiyak na mayroong libro na para sa’yo.
Magaganap ang event na ito sa World Trade Center Manila sa April 25-28, 2024. Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. Free admission ang event na ito kaya ang kailangan mo lang paghandaan ay ang pambili ng mga libro.
Para sa iba pang detalye maaaring bisitahin ang Facebook Page ng National Book Development Board –Philippines.
Larawan mula sa Facebook page ng NBDB
Buwan ng Panitikan: Tula Tayo online competition
Ang Tula Tayo ay isang online competition sa pagsulat ng tula. Nakatuon ang patimpalak na ito sa iba’t ibang anyo ng tula. Ang tema ng timpalak ay tungkol sa mga karanasan noong pandemya at sa usaping kapayapaan at panitikan.
Kaya naman, kung mahilig gumawa ng tula ang iyong anak, pwedeng-pwede mo siyang hikayating makiisa sa timpalak na ito.
Para sa mga detalye maaaring makipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Timpalak sa Tulang Senyas 2024
Ito ang kauna-unahang paligsahan kung saan ay binibigyang-diin ang paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) bilang medium ng pagbabahagi ng tula. Layunin ng patimpalak na ito na suportahan ang Batas sa Filipino Sign Language ng Pilipinas o ang RA 11106. Bukod pa rito, layon din nito na magkaroon ng lugar para sa komunidad ng mga deaf at hard of hearing —na maipahayag ang kanilang talento sa larangan ng panitikan sa pamamagitan ng kanilang wika.
Kung deaf o hard of hearing ang iyong anak, o sino mang myembro ng pamilya, maaaring lumahok sa paligsahan na ito.
Para sa iba pang detalye maaaring makipag-ugnayan sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Tertulyang Pampanitikan at serye ng webinars
Magkakaroon din online talakayan hinggil sa Panitikang Pilipino at iba pang mga paksa na may kaugnayan dito.
Bukod pa riyan, mayroon ding webinar series na maaaring mapanood tuwing Lunes ngayong buwan ng Abril. Tungkol ang webinar sa mga paksang may kaugnayan sa Philippine Literature at sa tema ng National Literature Month.
Maaaring mapanood ang mga online talakayan at webinar na ito sa Facebook page ng KWF.
Buwan ng Panitikan sa Sentro ng Karunungan Library
Kung naghahanap naman kayo ng library o silid-aklatan na magandang puntahan ngayong Buwan ng Panitikan, bukas ang Sentro ng Karunungan Library para sa inyo.
Maaaring dalahin ang inyong anak sa aklatan na ito at may munting sorpresa ang pamunuan para sa mga mambabasa. Makatatanggap ng libreng bookmark kung pupunta kayo sa Sentro ng Karunungan Library. Mayroon din silang photo booth at books display.
Matatagpuan ang Sentro ng Karunungan Library sa 3rd Floor, TMX, Prime Block, Tutuban Center Mall, Manila, Philippines.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!