Sa ibang bansa, requirement na nakalagay ang mga sanggol at bata sa child seat tuwing sumasakay ng sasakyan. Ngunit wala pang car seat law sa Pilipinas na nagre-require sa mga magulang na gawin ito. Kaya naman isinalang ang Senate Bill 1971 na naglalayon na maisabatas ang pag-gamit ng mga bata ng car seats.
Car seat law sa Pilipinas
Noong Oktubre 8, naaprubahan na ng senado ang pangatlo at pinal na pagbasa para magkaroon ng car seat law sa Pilipinas. Ayon sa panukala na ito, kinakailangan na naka-upo sa car seat ang mga bata mula 0 hanggang 12-taong gulang habang nakasakay sa sasakyan.
Narito ang ilan sa mga detalye ng proposed car seat law sa Pilipinas:
- Kinakailangan na naka-upo sa car seat ang mga batang 12-anyos pababa.
- Hindi maaaring umupo ang bata sa passenger seat sa harap ng sasakyan kung ito ay mas mababa sa 150 centimeters (4 foot and 8 inches)—ang height requirement upang maayos na magamit ang seat belt ng sasakyan.
- Hindi maaaring iwanan ang bata sa loob ng kotse nang walang kasamang adult.
- Ang lalabag sa batas ay kailangan magbayad ng multa na P1,000 para sa first offense at P2,000 para sa second offense. Kapag umabot ng third offense, masususpinde na ang lisensya ng driver ng sasakyan ng isang taon.
Mayroong isa pang version ng panukala na ito ang kongreso. Magkakaroon ng bicameral conference committee upang mapagkasunduan ang final na detalye ng panukalang car seat law sa Pilipinas. Matapos ma-draft ang final version ng bill, pirma na lang ni Presidente Rodrigo Duterte ang kulang para maisabatas ito.
Importansya ng car seats
Dito sa Pilipinas, tinatayang 600 na bata ang namamatay taon-taon dahil sa car accidents. Maaari sana itong maiwasan kung nakasakay sa car seat ang mga bata. Ang mga upuan kasi na mga ito ay nagsisilbing proteksyon para sa bata kung sakaling may car collision. Ina-absorb ng car seat ang impact kapag may aksidente.
Narito ang ilang mga reminders kapag gumagamit ng car seats:
- Siguraduhing tama ang pagkakalagay ng car seat sa kotse. Ugaliing tignan ang manual ng car seat at ng kotse.
- Kapag 2-taon pababa, dapat gumamit ng rear-facing car seat.
- Siguraduhing secure at hindi maluwag ang straps ng car seat sa bata.
- Siguraduhing naka-seat belt din ang nagmamaneho at ang ibang mga pasahero.
- Huwag ilagay ang car seat sa harap na upuan.
- May expiration din ang car seat. Dahil kalimitan gawa sa plastic, nagiging makunat din ito kaya mas mainam kung bumili ng bago kaysa ng second-hand.
Saan dapat ilagay ang car seat?
Ayon sa mga eksperto, ang pinaka-safe na lugar na dapat i-install ang car seat ay sa gitna ng pangalawang row. Dito daw kasi ang posisyon na pinaka-malayo sakaling tamaan ang sasakyan sa side nito.
Ngunit puwede lamang itong gawin kung isang car seat lang ang ilalagay, kung may isa pang anak na kailangan ng car seat, hindi na ito magkakasya kaya maaaring sa magkabilang side ilagay ang car seat. Ayon sa mga eksperto, mas mainam pa rin ito kaysa hindi nakaupo ang bata sa car seat.