Bilang mga magulang, lalo na ang parents na may anak na babae, gusto nating lumaki ang anak natin sa isang lugar na may respeto sa kapwa. Ngunit hindi ito ang realidad sa Maynila, kung saan halos lahat ng babae, bata man o matanda, ay dumanas na ng catcalling at iba pang pambabastos.
Siguro ay dose anyos pa lamang ako noong una akong ma-catcall. Nakakatakot ito at para sa marami pang iba, nakaka-trauma. Kaya napaka-importante na magkaroon ng ordinansa laban dito.
Ayon sa ordinance no. 7857 o ang tinatawag ding “An Ordinance Penalizing Catcalling and Other Forms of Public Sexual Harassment,” bawal na ang lahat ng uri ng catcalling, wolf-whistling (pagsipol), leering (pagtitig), groping (panghihipo), at iba pa sa siudad ng Maynila.
Ang mahuhuling nagca-catcalling at iba pang street harassment ay maaaring makulong ng isa hanggang labinlimang araw, and/or mapapatawan ng fine na nagkakahalagang P200 hanggang P1,000, sabi ng isang GMA News report.
Para naman sa mahuhuling gumagawa ng “offensive body gestures with the effect of demeaning, harassing, threatening or intimidating the offended party or exposing private parts for the sexual gratification of the perpetrators” ay maaaring makulong ng isa hanggang tatlong buwan. Maaari din silang i-fine ng P1,000 to P3,000.
Kung ang isang harasser ay mahuhuling muli, tataas ang multa niya sa P3,000 hanggang P5,000 o pagpapakulong ng three to six months.
Noong 2016 nagpasa din ng ordinance ang Quezon City laban sa street harassment.
Catcalling sa Metro Manila: Paano Natin Mapoprotektahan Ang Ating Mga Anak?
Importante ang laging maging “safe” kapag nasa daan. Kadalasa’y hindi na pinapansin ng iba ang street harassment dahil natatakot silang matawag na OA or overreacting. Yung iba nama’y sinisi pa ang biktima dahil sa suot nila. Ngunit walang sinumang may karapatang mambastos ng kapwa, babae man o lalaki, dahil sa itsura o ayos nila.
Para maiwasan ang pambabastos, laging samahan ang iyong anak, kahit na malapit lamang ang eskwela nito. Tandaan: ang street harassment ay maaaring mangyari kahit kanino, kahit saan, at kahit kailan. Mabuti na ang maingat dahil kahit bata pa nagiging biktima din nito.
Importante ding turuan ang mga anak na magsumbong, maging matapang ngunit mautak pa rin. Kung sa pakiramdam nila ay nasa alanganin silang sitwasyon, lumayo sila agad, o sumigaw ng saklolo. Turuan silang huwag mahiya o matakot, pero laging mabilis mag-isip kahit ano mang sitwasyon ang harapin nila.
sources: GMA News
BASAHIN: Turuan ang mga batang magsabi ng “Huwag!”