Para sa napakaraming mga Pilipino, mahalagang pangyayari ang taon-taong nagaganap na Miss Universe competition. Kapag palabas na ang Miss U, siguradong nakatutok lahat sa kanilang mga TV, at todo ang suporta para sa kandidata ng Pilipinas. At ngayong 2018, nanalo ang ating pambato na si Catriona Gray.
Sa kasaysayan ng ating pagsali sa Miss U, apat na beses pa lamang nanalo ang Pilipinas, kaya’t malaking karangalan ang nakamit ni Catriona para sa bansa. Ngunit bukod sa pagiging isang beauty queen, marami nang nagawa si Catriona.
Ating alamin ang inspiring na kuwento ni Catriona, at kung pano niya nakamit ang kaniyang mga pangarap.
Catriona Gray: Isang tunay na Miss Universe
Si Catriona ay ipinanganak sa Queensland, Australia sa kaniyang Scottish-Australian na amang si Ian Gray, at Pinay inang si Normita Ragas Magayon, na galing naman sa Albay. Ang kaniyang pangalan ay nakuha mula sa kaniyang lola na si Catherine Gray. Only child si Catriona.
Kahit bata pa lang ay nagpamalas na ng interes sa mga beauty contests si Catriona. Noong 1999, sumali ang 5 taong gulang na si Catriona sa “Little Miss Philippines” na contest ng Eat Bulaga sa Sydney, Australia.
Dagdag pa niya na hinayaan daw siya ng kaniyang mga magulang na maging malaya. Napakarami raw niyang naging extra-curricular activities noong bata pa lang siya. Ito raw ay dahil gusto ng kaniyang ina na maranasan niya ang iba’t-ibang mga experience.
Dahil dito, naging malawak ang mga interes at hobbies ni Catriona. Mayroon siyang degree sa Music Theory mula sa Berklee College sa Boston, na kilala sa larangan ng musika. Bukod dito, mayroon din siyang black belt sa Choi Kwang-Do.
Hindi niya pinakawalan ang kaniyang mga pangarap
Noong 2016, naging pambato ng Pilipinas si Catriona sa Miss World matapos siyang mahirang na Miss World Philippines. Bagama’t nakaabot siya sa top 5, hindi siya pinalad na mapanalunan ang korona.
Ngunit hindi ito ang naging katapusan ng kuwento ni Catriona. Nagpursigi siya, at sumali siya sa Binibining Pilipinas, at umasang makatuloy sa Miss Universe. Nanalo siya dito, at ipinamalas niya ang husay ng mga Pilipino matapos niyang manalo sa Miss Universe.
Katulad rin siya ng dati nating Miss Universe na si Pia Wurzbach, na 3 beses natalo sa Binibining Pilipinas, pero nakaabot rin at naipanalo ang Miss Universe.
Sadyang hindi madaling mawalan ng pag-asa si Catriona, at nagpursigi siya upang marating ang kaniyang mga pangarap.
May kuwento pa nga ang kaniyang ina na napanaginipan na raw niya ang pagkapanalo ni Catriona sa Miss U. Ito ay dahil noong 13 na taong gulang pa lang siya, nakwento daw ng nanay niya na napanaginipan siyang nanalo sa Miss Universe, at nakasuot ng pulang damit. Ito rin daw ang dahilan kung bakit niya pinili ang pulang damit sa Miss U.
Aktibo siya sa pagiging volunteer at pagtulong sa kapwa
View this post on Instagram
Bukod sa pagiging beauty queen, aktibo si Catriona sa pag-volunteer. Noong 2016, nagtrabaho siya sa Young Focus International, isang NGO na naglalayong tumulong sa mga kababayan nating mahihirap.
Noong taong din na iyon, itinaguyod niya ang “Paraiso: The Bright Beginnings Project,” na isang charity project para sa mahihirap. Nakalikom siya ng pera upang ayusin ang isang lumang building sa Maynila, at gawin itong preschool.
Sadyang likas na sa puso ni Catriona ang pagiging matulungin, lalo na sa mga bata. Ito rin ang naging focus ng kaniyang winning answer sa Miss Universe, dahil naipamalas niya ang kaniyang katapatan sa pagtulong, at ang kaniyang malasakit sa kapwa.
Talagang ipinakita ni Catriona na siya ay karapat-dapat na maging Miss Universe, at isa rin siyang napakandang ehemplo para sa mga batang babae sa buong mundo.
Basahin: Newly crowned Miss World Philippines Catriona Gray’s love for kids is inspiring
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!