Wala pa rin conclusive na pag-aaral sa cause ng autism sa mga bata, ayon sa Mayo Clinic. Ngunit may kinalaman daw ito sa dalawang factors: genetics at environmental factors. Kasama sa huli ang “viral infections, medications or complications during pregnancy, or air pollutants” na inaaral ngayon ng mga eksperto na maaaring trigger para sa autistic spectrum disorder (ASD).
Sa isang pag-aaral na nailathala sa Molecular Psychiatry, sinasabing kapag nagkakaroon ng lagnat ang isang buntis, mas lalo na sa kaniyang second trimester, mas tumataas ang panganib na magkaroon ng autism ang bata.
Hindi man ito ang unang pag-aaral tungkol sa paksa na ito, ito naman ang pinaka-komprehensibong pag-aaral tungkol sa relasyon ng dalawa. Ang purpose ng pag-aaral ay para tignan ang koneksyon sa pagitan ng mataas na lagnat ng nanay habang nagbubuntis at kung magkakaroon ba ang mga batang ipinagbubuntis ng mga ito ng autism paglaki. Tinitignan din kung makaka-apekto ba ang pagpapababa sa lagnat sa numero ng mga batang mada-diagnose ng ASD.
Autism risk habang pinagbubuntis
Isang grupo ng researchers ng Columbia University’s Mailman School of Public Health ang nag-obserba sa 95,754 batang Norwegian na pinanganak sa pagitan ng 1999 hanggang 2009.
Sa time frame na ito, mayroong 15,700 na baby ang ipinanganak sa mga nanay na nagkaroon ng lagnat habang buntis. Sa grupo ng mga batang iyon, 580 sa kanila ang mayroong ASD.
Sa pag-aaral na ito, lumalabas na tumataas ang risk na magkaroon ng autism ang bata ng 34% kapag nagkaroon ng lagnat ang nanay habang nasa sinapupunan pa ang bata. (Tandaan na tinignan din ng mga ekperto ang ibang mga factors katulad ng paninigarilyo ng nanay, edad ng nanay, at mga pagbubuntis dati.)
Tumataas ang porsyento na ito sa 40% kung ang lagnat ay nangyari sa second trimester. Higit na tumataas pa ito ng 300% kapag nagkaroon ng tatlo hanggang apat na beses na lagnat matapos ang ika-12 linggo ng pagbubuntis.
Ngunit ayon sa mga duktor, hindi kailangan lubos na mag-panic. Nakakatakot man ang mga datos na ito, mababa pa rin ang risk na ito kung susumahin ang lahat ng factors, ayon kay Dr. Mady Hornig, associate professor ng epidemiology sa Columbia University’s Center for Infection and Immunity.
Kahit na nagkaroon ng ilang beses na lagnat matapos ang 12 weeks ng pagbubuntis, 5 lamang sa 308 na bata ang nag-develop ng autism.
Ano ang koneksyon ng lagnat sa buntis at autism?
Kapag mayroong lagnat, nilalabanan ng katawan ang impeksyon na sanhi nito. Senyales na normal ang immune system kapag may lagnat. Kaya naman hindi pa matukoy ang kaugnayan ng lagnat sa pagkakaroon ng risk na magkaroon ng autism ang bata.
Ngunit sa pananaw ni Dr. Hornig, may kinalaman ito sa pag-develop ng utak ng baby sa second trimester. Sa panahon ding ito, bumababa ang immunity ng nanay para hindi i-reject ng katawan ang batang nasa sinapupunan.
Sa pagbaba ng immunity na ito, nagkakaroon tuloy ng panganib na magkaroon ng “developmental disruption” ang bata.
Sa mas malalim na pagsusuri, tinitignan ngayon ng mga eksperto ang blood samples mula sa mga nanay at sa mga anak nito upang makita ang reaksyon nila sa iba’t ibang mga infections o kunag may immunity ba ang mga ito. Ire-relate naman ito sa risk ng pagkakaro’n ng autism ng bata.
Sa pag-aaral din, lumabas na ang mga nanay na uminom ng gamot, tulad ng ibuprofen, upang mapababa ang lagnat ay hindi nagkaroon ng mga anak na may ASD. Ngunit babala ni Dr. Hornig na kailangan pang pag-aralan ng mga eksperto ang relasyon ng dalawa at hindi dapat i-interpret ng basta-basta.
Mga puwedeng gawin upang maka-iwas sa impeksyon habang buntis:
Mapapababa ang risk ng pagkakaroon ng impeksyon kung susundin ang mga sumusunod:
- Kumain ng tama at healthy
- Maghugas ng kamay parati
- Umiwas sa matataong lugar, mas lalo na ang mga lugar na mayroong mga may sakit
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Candice Lim Venturanza
https://sg.theasianparent.com/pregnancy-fever-autism-risk