Childbirth complications ang ikinasawi ng isang 28-anyos na ina mula sa Caloocan City. Ang ina kinilalang si Kathy Bulatao na ayon sa kaniyang asawa ay maililigtas sana kung hindi tinanggihan ng 6 na ospital na pinagdalhan sa kaniya.
Kathy Bulatao, buntis na namatay dahil sa childbirth complications
Labis na paghihinagpis ngayon ang nararamdaman ng 32-anyos na amang si Jan Christian Bulatao. Dahil maliban sa biglaang pagkawala ng kaniyang asawa na si Kathy Bulatao, ay hindi niya pa alam sa ngayon kung paano palalakihin ang tatlong anak nila ng nag-iisa.
Kuwento ni Jan Christian sa isang panayam April 24 umano ng magsilang ang kaniyang asawa na si Kathy sa kanilang pangatlong anak. Ang kaniyang asawa ay nanganak sa kanilang bahay sa Brgy. 183, Caloocan City sa tulong ng isang midwife. Ngunit sa hindi inaasahan, nakaranas ng childbirth complications si Kathy. Hindi daw mailabas ang inunan nito at kailangan ng maoperahan. Dagdag pa ang hirap sa paghinga na nararanasan nito at labis na pagdurugo.
“Masyado raw malalim ang isang inunan, hindi daw nailabas.”
Ito ang pahayag ni Jan Christian sa isang panayam. Kaya naman agad siyang humingi ng tulong. Agad namang rumesponde noon ang mga barangay officials na kanilang lugar. Sa tulong ng service ng barangay ay agad na nadala sa North Caloocan Doctors Hospital si Kathy. Ngunit doon ay pinayuhan silang dalhin siya sa mas malaking ospital dahil sa wala silang equipment na kakailanganin para sa kaniyang kondisyon.
6 na ospital tinanggihang operahan si Kathy
Sunod na nagpunta sila sa Commonwealth Hospital and Medical Center (CHMC) sa Fairview, Quezon City. Ngunit ayon sa ospital ay wala daw silang available na operating room. At wala silang supply ng dugo na kakailanganin sa kaniyang operasyon. Dagdag pa ang mga COVID-19 patients na kasalukuyang naka-admit umano sa ospital.
Dito ay nagdesisyon silang dalhin si Kathy sa Far Eastern University o FEU Hospital, isang pribadong ospital sa Fairview, Quezon City. Doon ay agad umanong kinausap ng isang staff ng ospital si Jan Christian. Ayon sa staff ay maari nilang operahan ang kaniyang misis, ngunit kailangan nila ng P30,000 na down payment upang ito ay magawa.
“Pagharap ko po doon sa doktor o nurse na naghahanap doon sa asawa, sinabi po sa akin na Sir, inform ko lang po kayo na pribadong ospital po ito, maaaring malaki po ‘yung maging bill niyo po, sabing ganoon.”
“Maooperahan po ‘yung misis niyo, kung makakarecover agad, puwede na siyang makauwi bukas. Pero kaya niyo bang magdown.
Ito umano ang mga salitang ibinungad kay Jan Christian ng staff ng ospital. Nakiusap siya na kung puwede ay asikasuhin muna ang kaniyang asawa. At siya ay babalik at uuwi muna sa kanilang bahay para kumuha ng pera. Ngunit tinanggihan sila ng ospital at wala silang nagawa kung hindi umalis at humanap ng iba pang ospital na tatanggap sa asawa niya.
“Nag-ano na lang po kaming maghanap ng ibang ospital kasi parang wala na pong patutunguhan ‘yung usapan naming.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Jan Christian.
Matapos ang 6 na oras na paghahanap ng ospital, maraming dugo na ang nawala kay Kathy
Kaya naman muli silang bumalik sa Caloocan upang maghanap ng ospital na maaring gumamot sa asawa niya. Napunta sila Bermudez Polymedic Hospital sa Caloocan a sinabing wala silang equipment upang isagawa ang operasyon sa kaniyang asawa. Sunod na nagpunta sila sa Skyline Hospital and Medical Center at Grace General Hospital sa San Jose del Monte, Bulacan na parehong nagsabi na wala silang obstetrician na available ng mga oras na iyon.
Kaya naman naisipan nilang dalhin na ito sa San Jose del Monte General Hospital sa Bulacan. Bagamat hindi sila tinanggihan ng ospital, huli na ang lahat para sa asawa niyang sa Kathy.
“Noong nakarating po kami doon, napansin ko po na parang si misis, hindi na po gumagalaw tapos putlang putla na po ‘yung labi niya.”
Ito ang pag-aalala ni Jan Christian sa mga huling sandali ng buhay ng kaniyang asawa. Ngunit pahayag pa ni Jan Chrisitan, hindi sana kamatayan ang kahihitnan ng kaniyang asawa kung siya ay agad na inasikaso ng mga ospital na una nilang napuntahan.
Dahil sa kabuuan anim na ospital ang tumangging gumamot sa kaniya. At anim na oras ang ginulgol nila sa paghahanap ng ospital na tatanggap at magsasagawa ng operasyon na kailangan niya.
“Siyempre nauubusan na kada minuto ang asawa ko ng dugo, hirap nang huminga. Hindi man lang sinukat ang vitals niya para alam namin kung aabot pa sa susunod naming pupuntahang ospital.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Jan Christian.
Pahayag ng mga awtoridad
Samantala, nauna ng sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sila ay naglabas ng direktiba sa mga ospital at iba pang healthcare facilities na patuloy na mabigay serbisyo sa publiko sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam ay sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque na kanila ng paiimbestigahan ang nangyari. Dahil umano malinaw na mali at may kapabayaan ang mga naunang ospital na kanilang napuntahan.
“Paiimbestigahan ko na ito. Dahil hindi talaga puwede ‘yan. Naku criminal liability ‘yan dahil hindi ka puwedeng magtalikuran ang pasyente, lalo na kung emergency.”
Ito ang pahayag ni Sec. Duque.
Iimbestigahan narin umano ng NBI ang kaso ni Kathy Bulatao. Dahil ayon kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI ang tutukoy kung anong kaso ang isasampa sa mga ospital na tumangging gamutin si Kathy.
“If [allegations are] shown to be true, the hospital personnel involved may be charged with violation of Republic Act 8344, An Act Penalizing the Refusal of Hospitals to Administer Initial Medical Treatment in Emergency Cases, as Strengthened by Republic Act 10932.”
Ito ang pahayag ni Secretary Guevarra.
Ang RA 10932 ay tumutukoy sa Anti-Hospital Deposit Law o ang pagpapataw na parusa sa mga ospital o medical clinics na hindi magbibigay ng lunas o medical services sa mga pasyenteng walang pambayag ng deposito o down payment sa oras ng isang emergency.
Source:
Basahin:
Lying in o Hospital: Giving birth in time of COVID-19