Ang hirap ng may anger issue. Lalo na kung ang pinanggalingan ay ‘yong kabataan mo pa.
Lumaki ako ng walang aruga ng magulang. Mula ng magkaisip ako, uhaw ako sa pagmamahal ng magulang.
Nakasanayan ko na yung mga salitang, “Pabigat ka! Palamunin ka! Sana hindi ka na lang nabuhay!”
Gumigising ako araw-araw ng lumalaban kahit angsakit-sakit na. Sa mura kong edad kailangan kong tanggapin ang lahat ng ‘yon kahit ang hirap-hirap na. Lumaki akong sarili ko lang bumibilib sa’kin, although masayahin ako bata pa lang pero sa kaloob-looban ko, napakalungkot ko.
Feeling ko wala akong karamay, na walang nagmamahal sa’kin, na wala akong ambag sa mundo na isa kong pabigat.
Nakasanayan ko nang tawagin ako ng mga kalaro ng, “Putok sa buho! walang tatay! hindi ka rin mahal ng nanay mo kase iniwan ka lang sa lola mo!”
Natutunan ko na din na huwag na lang lumaban, na tanggapin na lang lahat ng masasakit na salita kasi yon naman talaga ako. At yun naman ang totoo.
Matalino ako! Oo lagi akong honor, laging matataas ang grades ko, pero hindi malakas ang loob ko na ipagmalaki yon. Kasi, teacher ko lang naman ang nakakakita non.
Wala naman pumupuri sa’kin. Wala naman nagsasabi sa akin na, “Anak ang galing galing mo na anak. Mahal na mahal ka namin.”
Hindi ko naranasan ‘yon kahit kailan. Wala akong ibang pinagsusumbungan kundi ang Diyos lang. Siya lang lagi ‘yong nakakausap ko sa panalangin. Kaya ako naging matibay at matatag ngayon.
Kahit kailan hindi ako nakaisip na gumawa ng masama sa kabila ng mga pinagdadaanan ko. Dahil mas pinipili ko pa din na maging mabuting tao. Para doon man lang, makahanap ako ng simpatya bilang isang mabuting tao.
Ngayon, may asawa’t anak na ko. Masaya naman ako, may buo akong pamilya na maipagmamalaki ko.
May mabait akong asawa at alam kong mahal nya naman ako. Matatalino naman ang mga anak ko.
Pero bakit ganun? Parang na sa’kin pa din yung problema?
Feeling ko masisira ang pamilya ko dahil sa anger issues ko. Gusto ko na magpagamot dahil alam ko may mali na talaga sa’kin.
Konting kibot, lagi kong galit. Masakit akong magsalita at lagi akong nagwawala sa galit kahit hindi naman ganun kalala ‘yong sitwasyon.
Pagkatapos kong magalit, nakikita ko na lang ‘yong sarili ko na umiiyak sa isang tabi at pinagsisisihan lahat ng masakit na salitang nasabi ko sa asawa’t anak ko.
Sobrang hirap sobrang sakit. Tama nga sila na ‘History repeat itself.’
Iwasan mo man na ‘wag maulit sa mga anak mo, hindi mo na namamalayan nagagawa mo na rin pala. Hoping and praying na sana unti-unti malabanan ko to at mapagtagumpayan.