Inanunsyo na ng Palasyo noong Enero na holiday ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa February 9, 2024. Ito ay bilang pagbibigay ng mas mahabang weekend para sa mga magsisipagdiwang ng Chinese New Year sa bansa.
Chinese New Year 2024, special non-working holiday
Idineklara sa Proclamation No. 453 na inisyu ng Malacañang na ang February 9, 2024 ay special non-working holiday sa buong bansa. Ito ay bilang dagdag na selebrasyon ng Chinese New Year. Ang proklamasyon ay nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos at Executive Secretary Lucas Bersamin noong January 18, 2024.
“The declaration of 09 February 2024, Friday, as an additional special non-working day throughout the country will give the people the full opportunity to celebrate the Chinese New Year and enable our countrymen to avail of the benefits of a longer weekend,” nakasaad sa proclamation.
Nagbibigay direktiba ang proklamasyon na ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad ito sa private sector o para sa mga nagtratrabaho sa mga pribadong kompanya.
Ayon naman sa Proclamation No. 368 na nilagdaan noong October 11, 2023, dineklara na ring special non-working day sa buong bansa ang February 10, 2024 o ang mismong araw ng Chinese New Year.
Kaya naman mula February 9 hanggang February 10, 2024 ay special non-working day. Mahaba-habang weekend para sa mga Pinoy na magdiriwang ng Chinese New Year.
Pagkakaiba ng “special non-working day” at regular holiday?
Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho sa araw ng regular holiday, entitled pa rin siya sa 100% ng kaniyang arawang sahod. Kung magtratrabaho naman siya sa araw na ito, doble ng kaniyang sahod ang kaniyang makukuha.
Samantala, kapag special non-working day naman, ipinatutupad ang “no work, no pay” principle. Kung saan ang isang empleyado ay maaaring hindi pumasok sa kanilang trabaho sa araw ng special non-working day. Pero hindi rin siya makatatanggap ng arawang sweldo kung hindi siya magtratrabaho. Kung papasok naman sa trabaho ang empleyado sa araw na ito, entitled siya sa additional compensation na 30% ng kaniyang regular daily wage.