Sa gitna ng tumataas na bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis sa Pilipinas, mas pinaiigting ng mga eksperto sa kalusugan ang kanilang panawagan para sa mas maagang pagsusuri at pag-iwas sa Chronic Kidney Disease (CKD). Isang mahalagang talakayan ang naganap kamakailan sa media roundtable na Agham Kapihan sa Makati City, kung saan tinalakay ang kahalagahan ng kamalayan sa CKD at mga hakbang upang labanan ito.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), mayroong 40-porsyentong pagtaas ng mga bagong pasyenteng sumasailalim sa dialysis mula 2022 hanggang 2023. Batay sa datos ng NKTI noong 2021, tinatayang 7 milyong Pilipino ang may lumalalang CKD na nasa Stage 3 pataas. Dahil dito, tinutulak ng Philippine Society of Nephrology (PSN) ang kamalayan at mga hakbang para sa maagang pagsusuri at pagbabago sa pamumuhay upang maiwasan ang paglala ng sakit na ito.
Ano ang chronic kidney disease?
Sa lektura ni Dr. Vimar Luz sa naganap na media round table, ibinahagi nito ang ilang mga dapat malaman tungkol sa chronic kidney disease.
Aniya, “In medicine, kapag sinabing chronic [ibig sabihin] matagal. Hindi ‘yon kailan lang.” Ipinaliwanag din ng doktor ang pagkakaiba ng acute at chronic disease.
Saad ni Dr. Luz, “Pamilyar kayo sa salitang acute. Mayroon din kasing tinatawag na acute kidney injury. Ibig sabihin nasisira na ‘yong kidney mo for a certain reason pero na-reverse siya. Bumalik siya sa normal. Example natin diyan leptospirosis. Pwedeng masira ang kidney mo ron. Then kapag naagapan pa ‘yong leptospirosis, pwede pang maibalik sa dati ‘yong function.”
Kaya ang ibig umanong sabihin, kapag chronic na ang kidney disease ay matagal na ito at hindi na reversible at hindi na babalik sa normal. Pero iginiit din ni Dr. Luz na hindi ito nangangahulugan na wala nang pwedeng gawin. Aniya, maaari pa umanong pigilan ang paglala ng karamdaman.
“Kapag ang sakit sa bato ay hindi gumagaling nang 3 months and more, we consider it chronic kidney disease… Pero hindi naman ibig sabihin na buong kidney mo ang sira. Maaaring certain portion.”
“Very important ang prevention. Kasi once na masira [ang kidneys] hindi na pwedeng maibalik. Importante rin ‘yong early recognition. Kasi, in case nasira man ‘yong ibang part kung ma-preserve mo ‘yong ibang bahagi ng kidney mo, pwede pa rin siyang mabuhay nang maayos. At maiwasan ‘yong mga komplikasyon.”
Ano ba ang function ng kidneys?
Dalawa sa mga function ng kidney ang binigyang diin ni Dr. Luz. Una ay ang pag-filter o pagsala nito sa dugo at paglabas ng waste product sa ating katawan.
Ikalawa naman ay ang pag-regulate ng electrolytes tulad ng sodium, calcium, potassium at iba pa. Aniya, kapag sobra ang electrolytes ay ilalabas ito ng katawa at kapag kulang naman ay iko-conserve niya ito.
“Kapag hindi na-regulate ng kidney ang mga electrolytes na ito pwedeng magkaroon ng problema sa ibang parte ng katawan. Halimbawa, sa puso o kaya sa buto.”
Sakit sa puso at sakit sa buto: Mga posibleng komplikasyon ng kidney disease
Ayon kay Dr. Luz, importante ang regulatory function ng kidney dahil mahalaga ito sa blood pressure regulation at absorption ng calcium.
Paliwanag niya, “ang mechanism ng pagsisimula ng pagtaas ng blood pressure has something to do with the substance that being produced by the kidney. ‘Yung reaction ng kidney, ayun yung nagiging dahilan kung bakit nagiging high blood ‘yung isang tao…kaya karamihan ng may sakit sa bato tumataas din ang blood pressure.”
“Yung isang electrolyte katulad ng calcium ay naaapektuhan din. Bakit? Kasi, yung mga electrolytes na tumataas naaapektuhan ‘yong isang hormone natin. Ngayon, kapag tumaas ‘to nang tumaas kukunin niya ‘yong calcium sa mga buto. Kaya nangyayari, nanghihina ‘yong mga buto. ‘Yung mga calcium na iyon hindi naman babalik sa buto kapag tumaas ‘yong dugo…papasok siya sa iba’t ibang soft tissue natin, including ‘yong mga blood vessel. Including ‘yong puso. Doon nagsisimula ang isa sa mga nakamamatay na effect ng sakit sa bato, which is sudden cardiac death.”
Isa pa umano sa maaaring maapektuhan ng chronic kidney disease ay ang production ng hemoglobin.
Aniya, “Di ba ang ating hemoglobin, siya ‘yong nagdadala ng oxygen so nakakahinga ka nang maayos. [Pero] kung ang hemoglobin mo ay mababa dahil anemic ka, ‘yong oxygen na pinasok mo sa katawan mo or hininga mo, walang mangyayari don. Kasi ang magdadala ng oxygen na ‘yan sa ating mga vital organs tulad ng lungs, heart, sa kidneys, would come from a good amount of hemoglobin.”
Mga pangunahing sanhi ng CKD
Ang diabetes at hypertension ang nangungunang sanhi ng CKD, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Bukod sa mga ito narito pa ang ibang maaaring sanhi ng CKD ayon kay Dr. Luz:
-
Paninigarilyo
“Hindi lang sa lungs ‘yang ibinabawal, hindi lang sa heart disease. Ang ating kidney is highly vascular organs. Ibig sabihin, marami rin siyang blood vessels. ‘Yong maliliit na blood vessels. It is very sensitive. [That can be damaged] gawa ng smoking.”
-
Obesity o labis na timbang
“Cardio metabolic ang isa sa mga pangunahing dahilan nitong mga lifestyle diseases. Obesity in general din, mayroong kadikit na accompanied changes na nangyayari sa kidney. Hangga’t hindi nako-correct itong metabolic problem na ito, na o-overwork ang kidney and eventually masisira siya.”
-
Pagtanda
“As early as 35 to 40 years old meron nang natural decline ang ating kidney. Syempre, sa mga may sakit na diabetes, hypertension, mas mabilis ‘yon. Aging, is another signal for you. Kung wala kang sakit dati, keep on checking kasi expected na mayroong aging process na mangyayari sa kidney.”
-
Family history
“Kung mayroon kang kapamilya na mayroong sakit sa bato, lalo na kung ang sakit na sa bato na iyon ay dahil sa diabetes. So, dapat laging ring nache-check.”
-
Pagkain ng highly processed food
“Isa ito sa mga recent na lumabas na study no. High processed food. And I think, it has contributed especially during the pandemic. Kasi di ba mahilig tayo sa mga canned goods, mahilig tayo sa mga prepared na food…I think isa rin sa reason bakit tumaas ‘yong [case ng kidney disease] because we’ve been dependent on high processed food. And it’s a meal we should be avoiding. Ang ibig sabihin lang naman ng highly processed food ay isang pagkain na hindi mo kinain on its natural state. Halimbawa, potato na ginawang potato chips.”
Mga senyales at sintomas ng CKD
Karamihan sa mga sintomas ng CKD ay lumalabas lamang sa huling yugto ng sakit. Kaya’t mahalaga ang maagang pagsusuri para agad na maagapan. Ang mga sintomas tulad ng panghihina, pamamaga ng mga binti at paa, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, at pagbaba ng gana sa pagkain ay ilan lamang sa mga palatandaan na dapat bantayan.
Ayon kay Dr. Luz, “Ang sakit sa bato ay maaaring maiwasan. Hindi lahat ng CKD ay dapat mauwi sa dialysis.”
Mahalagang hakbang para maiwasan ang sakit sa bato
Sa media roundtable, ipinakilala ni Dr. Vimar Luz ang “8 Golden Rule” na makakatulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga bato. Narito ang mga hakbang na ito:
- Regular na ehersisyo – Ang pagpapanatili ng tamang timbang ng katawan sa pamamagitan ng araw-araw na ehersisyo, kahit sa maliliit na bahagi, ay mahalaga.
- Healthy diet – Ang mataas na pagkonsumo ng ultra-processed food ay nauugnay sa pagtaas ng panganib ng CKD. Kaya’t mahalaga ang pagkain ng mga sariwa at natural na pagkain.
- Kontrolin ang blood sugar – Ang pagsunod sa malusog na diyeta ay nakakatulong sa pagpapanatili ng normal na antas ng blood sugar.
- Kontrolin ang blood pressure – Ang regular na pagmonitor ng blood pressure, lalo na sa mga matatanda, ay mahalaga upang maiwasan ang komplikasyon sa bato.
- Uminom ng sapat na tubig – Ang pag-inom ng sapat na tubig ay mahalaga upang mapanatili ang kalusugan ng kidney.
- Itigil ang paninigarilyo – Ang pagtigil sa paninigarilyo ay hindi lamang makakatulong sa kalusugan ng baga at puso, kundi pati na rin sa kalusugan ng kidney.
- Huwag abusuhin ang mga pain reliever at supplement – Ang labis na paggamit ng mga supplement at pain relievers ay maaaring makasama sa kalusugan ng kidney. Mahalaga ang konsultasyon sa doktor bago uminom ng anumang supplement.
- Magkaroon ng regular na checkup – Para sa mga may family history ng diabetes at hypertension, mahalaga ang maagang CKD screening upang maiwasan ang paglala ng sakit.
Sa paglulunsad ng kampanya laban sa CKD, mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa sa pagsusuri ng kanilang kalusugan at pagsunod sa mga hakbang na makakatulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng kidney.
The Philippine Society of Nephrology. (June 21, 2024). Agham Kapihan | Iwas-Dialysis: Health Experts Call for Early Intervention, Teach ‘8 Golden Rules’ to Fight Chronic Kidney Disease.